XXI ~ Capitulo Ventiuno

1K 29 3
                                    

XXI~Capitulo Ventiuno

Idinilat na ni Aurelia ang kanyang mga mata.

Halos isang oras pa lamang ang nakalipas noon mula nang maka-alis si Miguel. Batid niyang pagkamulat niya ay  hindi na niya madaratnan ang kanyang asawa.

Umupo muna siya sa kama at nag-unat nang kaunti. Hindi siya sigurado kung nananaginip ba siya o totoo na ang nadama niyang paghalik ni Miguel sa kanyang pisngi kanina lang. May naulinigan din siyang boses na nagsabing “Aalis na ako, mahal ko.”

Mabagal na umukit ang ngiti sa mukha ng batang ginang—ang klase ng ekspresyon na doon na lang yata muling dumapo sa kanya. Masaya siya, masayang-masaya. Kahit paano ay nanunumbalik na ang dating pagkakamabutihan sa pagsasama nilang mag-asawa. Mukhang magkakaayos na rin sila niyan, dahil si Miguel na mismo ang nag-umpisang magpahiwatig para sa masinsinang usapan nila.

Dininig na rin ang mga panalangin niya. Salamat sa Diyos.

Pupuntahan na dapat ni Aurelia ang silid ni Julian nang napansin niya ang nakatuping papel sa tokador sa tabi ng kama nila. Madali niya itong kinuha at agad niyang nabasa ang “Aurelia” na nakasulat sa ibabaw na bahagi ng papel.

Binuklat niya ito upang basahin.

Mahal ko,

Mas minabuti ko nang huwag kang gisingin nang hindi ka na maistorbo pa. Idinaan ko na lang sa liham ang pagpapaalam at pagbilin sa iyo.

Saglit lang naman ang tatlong araw. Pagkatapos na pagkatapos ng lahat ng ito ay agad din akong uuwi, nang sa ganoon ay makapag-usap na tayo. Gusto ko talagang makapag-usap tayo nang masinsinan at harap-harapan. Gusto ko nang maisaayos ang kalagayan natin para maresolbahan na agad ito.

Mag-iingat kayo nang husto. Lalu na habang ngayong wala ako. Maraming puwedeng dumating sa loob ng tatlong araw, at wala tayong kasiguraduhan sa mga susunod na pangyayari. Muli, mag-iingat kayo.

Mahal na mahal ko kayo n gating anak, Aurelia. Hindi ko maatim na mawala kayo sa piling ko.

Miguel

Magaan n asana ang kalooban ni Aurelia sa nabasa niya. Ngunit pagdating sa ikaapat at ikatlong mga talata, hindi na niya mapigilang magkaroon ng mga pangamba. May nais ipahiwatig ang mga pangungusap na ‘yon ni Miguel. Tila ba binabalaan siya ng kanyang asawa. Pero para saan?

Huminga nang malalim ang batang ginang. Pinilit niyang iwinaglit mula sa kalooban ang pangambang nauna na niyang nadama. Samantala, inumpisahan na niya ang pagtungo sa silid ng kanilang unico hijo. Mabuti pa’y umpisahan na niya ang pagka-abala para sa araw na ‘yon.

Nanahimik si Miguel sa kahabaan ng kanyang byahe patungo sa Culiat. Palibhasa, wala siyang kasama sa puwesto niya doon sa tren. Kaya, walang ibang nagawa si Miguel bukod sa alalahanin ang kanyang mag-ina.

Nawa’y manatili sila sa mabuting kalagayan, ani Miguel sa sarili. Napunta na ang kanyang isipan sa ibang mga bagay. Muling sumagi sa isipan niya ang huling pag-uusap nila ni Marietta.

“Ayaw mong pumayag? Sige lang. Tumanggi ka. Magmatigas ka hanggang sa gusto mo. Tingnan na lang natin kung magagawa mo pang tumanggi sa oras na malagay sa peligro ang mga buhay ng pinakamamahal mong mag-ina.”

Hindi kaya...?

Nagbalik-tanaw si Miguel sa mga nagdaang linggo. May anu man bang kahina-hinalang kaganapan sa paligid niya matapos ang mga banta ni Marietta?

Wala naman... Ngunit, wala nga ba?

Biglang sumingit sa alaala niya ang isang problemadong araw niya sa opisina. Aburidung-aburido siya noon kaya agaran niyang binale-wala ang inakala niyang namaling numerong tumawag sa kanya. Pero ngayong natandaan na niya ang mga sinabi ng sinu mang nasa kabilang linya:

Tú eres mi amor [Ang Pag-Ibig Ko'y Ikaw] (El Fin)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon