XVII ~ Capitulo Diecisiete

1.1K 37 2
                                    

XVII ~ Capitulo Diecisiete

“Mahal ko… Hindi ko alam kung papaano ko ba ito sisimulan ngunit… Pakiramdam ko’y dapat mo itong malaman,” panimula ni Aurelia matapos umalis ni Marietta sa kanilang tahanan.

“Ano ‘yon, Aurelia?”

“Medyo masama ang kutob ko sa mga pangyayari ngayon, ngayong kararating lang din ni Marietta. Parang hindi tama ang magiging patutunguhan nito.”

Naintindihan na ni Miguel ang pag-alalang nakaukit sa mukha ng kanyang kabiyak. Ngunit nawala na siya sa kondisyon upang aluhin ito dahil sa pag-alalang ‘yon.

“Matanong ko lang, Aurelia... Nagseselos ka ba?”

“Oo,” diretsahang sagot ng batang ginang. Matabang nitong idinagdag, “Ano naman sa iyo, hindi ba?”

“Alam naman nating matagal nang tapos ang lahat-lahat sa amin. Kailangan ko pa bang patunayan uli sa iyo na kayo na nga ni Julian ang buhay ko sa kasalukuyan at hanggang sa hinaharap?” Malumanay pero wala sa kalingkingan ng kalambingan ang pag-uusap na ‘yon ng mag-asawa. Nasa harap pa man din nila ang kanilang supling na kalung-kalong ni Miguel noon.

“Subalit, ang punto ko... Hindi nga kagandahan ang nararamdaman ko sa mga nangyari lamang. Lalu na sa pagdating ni Marietta.”

“Ito na lang ang sasabihin ko sa iyo. Maniwala ka sa akin. Wala kang dapat ipag-alala,” mariing responde ni Miguel. “Magiging maayos at mananatiling maayos ang kalagayan nating lahat. ¿Claro?”

Tango ang naging sagot ni Aurelia. Hindi na ito nagsalita pa. Halata ang naiwang pag-aalala sa mukha nito. At nakita ‘yon ni Miguel. Batid din ng batang ginoo na malamang ay parehas sila ng nadarama ng kanyang asawa ngunit ayaw na niyang palalimin pa ang usapan nila tungkol doon. Alam niya at alam din nito na sa kabila ng pampalubag-loob na sinabi lamang ni Miguel, lumalayo na sa maayos ang kalagayan nila.

════

Ika-28 ng Enero, 1938. Kaarawan ni Miguel Villegas. Dalawampu’t siyam na taong gulang na siya.

Sa kabila ng okasyong nabanggit, tila walang selebrasyon na idadaos. Tahimik pa rin sa mansyon. Wala ni isang tao na nagkandarapa sa pag-aayos ng paligid dili kaya’y paghahanda ng makakain. Ni wala man lang bumati kay Miguel para sa araw na ‘yon. Isinawalang-bahala naman ‘yon ng batang gino, dahil abala siya sa pag-aasikaso sa mga tinatrabaho niya. Mas pinili na niyang unahin ang trabaho kaysa sariling pagdiriwang ng kaarawan.

Walang kamalay-malay si Miguel na ideya lahat ni Aurelia ang mga kaganapang ‘yon. Nais talaga niyang sorpresahin ang esposo para sa kaarawan nito, sa pag-asang mapapagaan din niya ang tensyong namuo at nangingibabaw sa pagitan nilang dalawa sa mga nagdaang linggo.  Paulit-ulit nga ang pagdarasal ni Aurelia alang-alang sa ikabubuti ng sorpresang ilang araw din niyang pinaghandaan.

Simple lamang ang inihanda ni Aurelia. May hapunan sa hardin para sa kanilang mag-anak. Nagsadya din siya ng regalo para sa asawa―mga kagamitan sa pagpipinta. Napag-isipan din kasi ni Aurelia na baka makatulong ang pagbabalik-loob sana ni Miguel sa pagpipinta upang mapagaan ang aura nito.

Umabot ang hapon na para ngang isang tipikal na araw ang petsang ‘yon sa tahanan ng mga Villegas. Pagpatak ng alas quatro y media, nagpaalam si Miguel na makikipagkita sa kliyenteng gustong makipag-usap dito tungkol sa lagay ng negosyo nila. Pinabayaan naman ito ni Aurelia; pagkakataon na ‘yon para maisaayos pa niya ang nakatakdang surpresa para sa kanyang asawa.

Nagmamaktol si Miguel habang naglalakad patungo sa garahe. Hindi niya mawari kung bakit pumayag pa siyang makipagkita kay Marietta samantalang wala na siyang interes pang muling makaharap ang dalaga. Siguro ay nadala na lamang siya sa pagpupumilit nito sa kanya, nang minsan na rin itong tumawag sa telepono.

Tú eres mi amor [Ang Pag-Ibig Ko'y Ikaw] (El Fin)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon