XXIII ~ Capitulo Ventitres

926 31 4
                                    

XXIII ~ Capitulo Ventitres

Tumungo si Miguel sa unang palapag ng hotel kung nasaan ang reception area. Wala na siyang dahilan para magmadali pa; wala na siyang hinahabol para sa araw na 'yon.

Nakasabay ng batang ginoo si Serafin sa pagbaba niya sa gusali. Bihis na bihis ito at mukhang may lakad pa.

"Miguel, mi amigo," tawag pa nito. "Nandito ka pa pala? Ang akala ko'y naka-alis ka na. Pagkakita ko sa iyo kanina, nagmamadali kang umalis pagkatapos ng programa."

"Oo nga. Subalit hindi ako natuloy ngayon."

"Bakit naman?"

"Nagka-problema sa bagahe ko at saka pagod pa yata ako masyado para bumyahe na uli. Magpapahinga na muna ako saglit."

Tumango lang si Serafin. Napalaon pa ang pagkukuwento ni Miguel. "Sabi rin sa 'kin ng isang empleyado nila, may espesyal na handog ang kanilang administrasyon. May libreng dalawang araw pa raw na pananatili dito sa hotel?"

"Talaga? Ang swerte mo rin naman pala, eh."

"Marahil nga."

"Saan ang punta mo niyan?"

"Sa reception. May itatanong lang ako. Ikaw, mukhang may lakad ka agad, ah?"

"Hmmm. Pwede na rin. Mamamasyal lang ako kasama ang ilang mga dumalo din. Lulubusin muna namin ang pananatili dito sa Culiat. Bukas pa talaga ako aalis eh," nakangiting sagot ni Serafin. Tumapik pa ito sa balikat ni Miguel. "Sige, maiwan muna kita."

Bahagyang ngumiti si Miguel. Pinauna na niya si Serafin sa paglalakad. Nanatili siyang mabagal sa kanyang pag-usad, habang pinagmamasdan ang papalayong imahe ng binata.

Umpisa pa lang ay gusto nang maghinala ni Miguel na may kinalaman si Serafin sa lahat-lahat, mula sa halos pagkapadpad niya sa Wawa hanggang sa pagkaputol ng kurdon ng telepono sa silid niya. Tutal, ito din ang promotor sa pagpunta niya sa Culiat.

Ngunit sa tuwing nakikita niya ang reaksyon nito sa mga nalalaman nitong kaganapan, madali ring nagbabago ang isip ni Miguel tungkol sa kanyang paghihinala dito. Kung 'di man magaling magtago ng nalalaman si Serafin, talagang wala itong anu mang nalalaman. Mukhang mas naaayon pa pala ang ikalawang rason.

Dahil doon, napalalim ang pagninilay ni Miguel sa pagtungo niya sa reception. Bandang huli, bumalik din siya sa naunang sapantahan niya. Wala na siyang maisip na ibang pupwedeng gumawa ng mga kabulastugang 'yon malaiban kay Marietta. Ito lang naman ang maaaring magkaroon ng motibo para paglaruan si Miguel, matapos ang mga banta nito.

Sa kasamaang palad, wala siyang makitang paraan kung paano direktang may kinalaman si Marietta sa mga nangyayari sa at pupwedeng mangyari sa mga darating pang oras.

Katatapos pa lang mananghalian nina Doña Consuelo na isang araw nang nakarating mula sa paglalakbay nito. Ni hindi pa nga sila nakakatayo mula sa kanilang kinauupuan nang lumapit sa kanila si Lucia.

"Señora Aurelia, tumawag mo si Señor Miguel. Nais daw po niya kayong makausap."

"Salamat, Lucia. Susunod na lamang ako." Bumaling si Aurelia sa kanyang biyenan. "Mamá, kakausapin ko po muna si Miguel sa telepono. Maaari ko po bang maiwan sandali sa inyo si Julian?"

"Aba, oo naman!" natutuwa pang sinabi ng Doña. Lumapit ito sa kinauupuan ni Julian saka kinandong ang bata. "Halika dito, apo ko..."

"Julian, iiwan muna kita kay Abuela, ha? Kakausapin ko lang ang iyong Papá."

"Dumating na po si Papá?"

Napatawa si Aurelia sa tanong ng supling. "Hindi, tumawag lang siya sa telepono. Doon kami mag-uusap. Dito ka na muna ha?"

Tú eres mi amor [Ang Pag-Ibig Ko'y Ikaw] (El Fin)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon