XXVII ~ Capitulo Ventisiete

930 35 7
                                    

XXVII ~ Capitulo Ventisiete

Animo'y nakikiayon ang panahon sa idinaraos para sa hapong 'yon.

Habang dahan-dahang ibinababa ang itim na kabaong sa hukay niyon, siya namang nag-umpisa ang pagpatak ng tubig-ulan. Pati ang mga kalangitan ay parang naghihinagpis din, nakikipagluksa dahil sa buhay na lumisan at hindi na magbabalik pa.

Mabuti na lamang ay nakapagdala si Miguel ng sarili niyang payong. Bago pa siya magtungo sa sementeryo, nakita na niya kung gaano kakulimlim ang langit. Kaya naman nanigurado na siya. Binuklat na niya ang kanyang payong kasabay ng iilang nagsidating sa paglilibing na isinasagawa.

Gamit ang kanyang malayang kamay, inakbayan ni Miguel ang kabiyak na si Aurelia. Isinilong din niya ito sa ilalim ng kanyang payong. Todo-alalay siya sa asawa dahil sa kasalukuyang estado nito. Bagaman nanghihina pa't may benda pa sa mukha ay nagpumilit itong sumama sa kanya.

Pinagmasdan niya si Aurelia. Ibinalik nito ang tinging 'yon pero wala itong sinabi kahit na ano.

Bumuntong-hininga ang batang ginoo. Habang nakaalalay pa rin sa kanyang asawa, pinanood niya ang ganap na pagkabaon ng kabaong sa dulo ng hukay. Muling bumalik sa kanyang alaala ang mga nangyari paagkarating nila sa gusali sa kabundukan, ilang araw pa lamang ang nakakalipas.

"Takbo!" bulyaw ni Danilo. Sinugod nito ang kapatid habang sinunggaban ni Miguel ang kanyang asawa't anak.

Niyakap ni Miguel ang kanyang mag-ina. Samantala, ang magkapatid naman ay nag-aagawan sa revolver ni Marietta.

"Nandito lang ako, Aurelia. Poprotektahan ko kayo," bulong ni Miguel sa humahagulgol nang asawa. Isinangga niya ang sariling katawan sa mga ito, bilang balakid mula sa posibleng paglipad ng bala sa baril na pinag-aagawan pa rin ng magkapatid.

Wala nang nakapgil sa sumunod na nangyari. Kumawala ang unang putok habang nagpupumiglas si Marietta kay Danilo. "Huwag!" ang hiyaw pa ng mga kalalakihan kasabay niyon.

"Ah!" Tila napaso ang kaliwang balikat ni Miguel. Natamaan siya ng bala.

"Miguel..."

"Wala ito, Aurelia. Daplis lang ito."

Hindi natinag si Miguel sa kanyang tama; lalo lang niyang inigihan ang pagkakayakap sa kanyang asawa't anak.

"Bitawan mo ako, Kuya!"

"Hindi, bitawan mo ang baril!"

Bang! Bang! Nasundan ang unang putok ng maraming beses. Bang! Pumikit si Miguel, nakahanda nang tanggapin ang mga darating pang tama-bang!-alang-alang sa kaligtasan nina Aurelia at Julian. Bang!

Pagkatapos ng ikalimang bala, biglang tumahimik ang lahat. Hindi na muling nakadama ng tama si Miguel. Dumilat siya upang makita kung ano na ang nangyari.

Huminto ang komosyon sa pagitan ng magkapatid. Naunang kumilos si Danilo. Bumitaw ang isang kamay nito mula kay Marietta upang damhin nito ang tagiliran. Natamaan na nga ito katulad ni Miguel.

Napako naman si Marietta sa kinatatayuan nito. Blangko na ang mga mata ng dilag na nakatanaw sa kawalan.

Walang-sabing pinakawalan ni Marietta ang hawak na baril.

Kasabay ng pagkahulog ng baril ay ang pagbagsak ng magkapatid sa sahig. Humandusay kay Danilo ang nakababatang kapatod. "Marietta... Bakit mo ipinaputok ang baril mo? Bakit mo ginawa 'yon?"

Nanatili si Miguel sa kanilang puwesto; labis siyang nagulantang sa mga kaganapan. Wala siyang ibang nagawa bukod sa pagmasdan ang magkapatid habang yakap pa rin ang mag-ina.

Tú eres mi amor [Ang Pag-Ibig Ko'y Ikaw] (El Fin)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon