XXVI ~ Capitulo Ventiseis

908 33 2
                                    

XXVI ~ Capitulo Ventiseis

Tila normal lang ang usapang kinapapalooban ni Danilo nang bitawan niya ang mga katagang 'yon. Pursigido talaga itong imaskara ang anu mang emosyong babalakid sa mukha nito.

"No," sitsit pa ni Serafin.

Samantala, walang imik si Miguel. Sa kanyang pagyuko'y napasapo siya sa noo nang matakpan ang pagdaloy ng kanyang mga luha. Pinigilan niyang manginig nang husto habang ganap na siyang pinangungunahan ng takot, nerbyos at marahil ay pagkamuhi na rin―sa kanyang sarili, kay Marietta, sa lahat.

Nagpunas siya ng mga luha. "Paano mo nalaman ang lahat?"

"Kakauwi ko lang kahapon mula sa sarili kong lakad. Nauna ako nang kaunti sa pagdating ni Marietta. Narinig ko lahat ng napag-usapan nila ng kanyang mga kasama, dalawang binatang doon ko pa lang nakita. Malamang, 'yon ang mga kasabwat niya. Paalis na ang dalawa at naiwan na si Marietta. Kaya kinompronta ko na ang kapatid ko.

"Sa simula ay ayaw sabihin ni Marietta kung sino ang biniktima niya. Dala siguro ng pagkataranta, 'di niya sinasadyang nasabi na sila'y iyong asawa't anak. Saka siya sumibat para sumama sa mga lalaki. Hindi ko na sila nahabol pa.

"Agad akong dumiretso sa inyong tahanan upang makausap ka sana. Nagkataong hindi ka pa raw nakakauwi, ayon kay Mang Emil. Siya ang unang nakausap pagkarating sa inyo."

"Saka mo sinabing huwag na muna siyang magsumbong sa pulisya?" dagdag ni Miguel.

"Oo. Kinumbinse ko lang siya na huwag tumuloy. Nagbalik na lang ako kaninang umaga para maghintay sa iyong pagbalik."

"Eh nasaan na ngayon ang kapatid mo?"

"'Yon na nga ang hindi ko nalalaman. Hindi na siya bumalik nang nagkasagutan kami kahapon. Ang suspetsa ko'y, marahil binalikan na niya ang kinaroroonan ng iyong asawa't anak."

Nanahimik sila sa loob ng ilang segundo. Muling umimik si Miguel. "Ilang beses din akong pinagbantaan ni Marietta nang tinanggihan kong makipagbalikan sa kanya. Hindi ko na sana papapansinin 'yon dahil alam kong ugali niyang magbanta pero hindi niya tuluyang isasagawa ang banta niya.

"Saka nag-umpisa ang mga aberya mula nang magtungo ako sa Culiat. Ang una ko pa ngang pinaghinalaan ay si Serafin," nilingon ni Miguel ang binata. Mukhang nagulantang ito sa pagkakabanggit ng pangalan nito. Doon pa lamang nasabi ni Miguel ang naunang suspetsa niya dito. "Paumanhin, Serafin. Ngunit 'yon ang totoo. Ilang beses kong naisip na baka ikaw ang promotor noon dahil sa pag-imbita mo sa akin sa Culiat. Napawi ang mga suspetsa ko nang makita kong wala kang kamuwang-muwang sa mga pangyayari."

"Naiintindihan ko 'yon, Miguel," sagot ni Serafin. "Kung mapunta man ako sa katayuan mo'y magkakaroon din ako siguro ng ganoong hinala."

Tumango ang batang ginoo. "Napagtanto kong si Marietta lang naman ang may motibo para magsagawa ng ganoong kaguluhan. Hindi ko lang mawari kung paano niya naisagawa ang mga 'yon."

"Marahil ay sa tulong na rin ng mga kasabwat niya kaya nagtagumpay ang mga plano niya," palagay ni Danilo. "Pasensya ka nang talaga, Miguel. Kung 'di ako nagkakamali ay unti-unti nang tinatakasan ng katinuan si Marietta... Kaya nagagawa na nga niya ang mga ito."

"Paano mo naman nasabi 'yan?"

"Ngayun-ngayon ko na lang muling nakasama sa tahanan ang kapatid ko. Pero sa mga nakalipas na taon, nagkikita pa naman kami. Nalalaman ko ang mga pinagdaanan niya sa buhay. At, nasaksihan ko ang mga pagbabago sa kanyang mga ikinikilos. Hindi lang sa naninibago ako, pero nababahala na ako sa mga kilos niya. Parang may hindi na tama," alalang-alalang kuwenton ng kuya tungkol sa kapatid nito.

Tú eres mi amor [Ang Pag-Ibig Ko'y Ikaw] (El Fin)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon