XXX ~ Capitulo Treinta (Huling Kabanata)

1.7K 49 28
                                    

XXX ~ Capitulo Treinta (Huling Kabanata)

Lampas hatinggabi na nang matapos ang mga kaganapan sa selebrasyon nina Aurelia at Miguel. Ang mga naiwan sa Faustina ay ang pamilya Villegas-sila Anita, Cornelio, Doña Consuelo, Julian at ang mag-asawa, si Leopoldo Galvez, si Mang Emil maging ang ilang mga utusan. Abala man ang ibang mga empleyado sa pag-aayos sa bulwagan, nanatili pa ng ilang minuto ang mga naiwan. Nag-usap-usap pa sila bago tuluyang magsi-uwian si mansyon.

Hindi na nakatanggi si Leopoldo sa imbitasyon ni Aurelia na sa mansyon muna ito magpalipas ng gabi. "Maiintindihan naman nila Miguel 'yon dahil matagal na nga tayong hindi nagkasama," kumpyansang saad ng batang ginang sa kanyang ama.

Pumuslit din uli ang mag-asawa mula sa paningin ng kanilang mga kasama. Tutal naman, abala pa ang mga ito sa pakikihalubilo kay Leopoldo. Tinungo nila ang terasa na bahagi pa rin ng Faustina. Mahinang bumbilya mula sa may-kalayuang poste ang nagbibigay ng kaunting liwanag doon.

Sa gitna ng bahagyang kadiliman, hinarap nila ang isa't isa. 'Di na nabura ang mga ngiting kanina pa nasisilayan sa kanilang mga mukha.

Inabot ni Miguel ang baywang ni Aurelia. Hinila niya ang asawa papalapait sa kanya. "Eto na ba dapat ang regalo mo para sa akin, na 'di muna matutuloy dahil sasamahan mo muna si Itay ngayong gabi?" papahinang tanong ni Miguel sa asawa, akmang nanunukso. Idiniin pa niya ang katawan ni Aurelia patungo sa kanya.

Nagdiin naman ng hintuturo si Aurelia sa noo ng kabiyak. "Uhmm. Pilyo!"

Nagtawanan ang mag-asawa. Ikinawit ng batang ginang ang mga braso nito sa leeg ni Miguel."Hindi ito 'yon, Señor. Pero... Puwedeng pampalubag-loob na rin siguro."

Bago pa matanong ni Miguel kung ano ba talaga ang regalo nito, naglapat na si Miguel ng mga halik sa kanyang labi. Ginantihan naman niya ang bawat isa sa mga 'yon. Hanggang sa umabot sila sa pagbigay ng isa pang mariing dampi.

"Lulubus-lubusin ko na ngayon ang oras na makakapiling kita nang solohan." Nagnakaw pa si Miguel ng patikim na halik sa esposa. "Bago mo ako iwan nang pansamantala." At umulit pa rin siya.

Nagpigil ng tawa si Aurelia. Dagli silang nanahimik, nagtitigan habang nakakapit pa rin sa isa't isa.

"Miguel?" mahinang tawag ni Aurelia, nakayapos sa mukha ng esposo.

"Hmm?"

"Maraming salamat sa lahat. Sa araw na ito. Sa mga kasiyahan at pagmamahal na hatid mo sa akin at kay Julian."

"Wala 'yon, Aurelia."

Nagpatuloy ang batang ginang. "Hindi ko sukat akalaing magiging ganito kaligaya ang buhay ko. Magmula nang makapiling kita at nang maisilang ko si Julian, kahit paano ay naging kumpleto na ang kasiyahan ko. Pagkatapos, ngayon ay nakapiling ko na uli si Itay dahil sa iyo. Pakiramdam ko ay nasa langit na ako dahil walang-kapantay na kagalakang ito. Napakasuwerte ko bilang iyong kabiyak, Miguel. Nagpapasalamat ako sa Diyos dahil sa biyaya ng pagdating mo sa buhay ko. At hindi ako magsasawang sabihing mahal na mahal kita, Miguel."

"Mahal na mahal na mahal din kita, Aurelia. Kayo ni Julian ang mga pinakamamahal sa akin. Kayo ang buhay ko. Alam mo naman kung gaano kayo kahalaga sa akin. Hindi ko kakayaning malayo pa kayo nang husto sa piling ko. Handa akong gawin ang lahat upang maging maligaya kayo."

Yumakap si Aurelia kay Miguel. Nagwika ang huli: "Alam mo, mas maganda na talaga ang naumpisahan natin kanina, eh."

"Ha?" Nag-angat ng mukha ang batang ginang. "Ang alin?"

"Ito." Niyuko ni MIguel ang asawa saka ito muling hinalikan. Ngunit naiiba na 'yon sa nauna nilang pinagsaluhan kanina lang. 'Di hamak na mas mapanauyo, kung hindi man nanunukso ang panlalambing na 'yon ni Miguel kay Aurelia.

Tú eres mi amor [Ang Pag-Ibig Ko'y Ikaw] (El Fin)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon