~Intermedio: Isang Liham Mula sa Nakalipas~

1.8K 54 45
                                    

Intemedio: Isang Liham Mula sa Nakalipas

(Espesyal na Kabanata ng Tú Es Mi Amor)

════

                                                                                                Ika-25 ng Abril, 1934

Aurelia, mi hija,

Nitong nagdaang mga araw, ilang beses ko na ring sinubukan na tumawag sa tahanan ninyo upang makausap ka. Ngunit ayon sa inyong mayordoma, hindi ka raw maaabala sa mga oras na ‘yon. Kaya mas pinili ko na lamang na idaan sa liham ang nais kong iparating sa iyo. Gusto ko kasi na ikaw mismo ang unang makakaalam tungkol dito.

Matagal-tagal ko na rin talagang ninanais na makausap ka nang maigi, bago ka pa man lumisan ng San Rafael. Ngunit alam naman nating hindi ganap na nangyari ang bagay na ‘yon, dulot ng ilang kadahilanan. Sa totoo lang ay nanghihinayang ako dahil doon. Ni hindi man lamang tayo lubusang nagkakilanlan habang naririto ka pa.

Kamusta ka na, hija? Nawa’y nasa mabuti kang kalagayan sa pamumuhay mo ngayon. Parati kong ipinagdarasal ang iyong ikabubuti, lalu na mula nang lisanin mo ang San Rafael. Hindi mo naitatanong, ngunit napapadalas din ang pagsagi ng iyong imahe sa aking alaala lalu na nitong mga nakalipas na linggo. Naisip ko na sana ay mainam ang trato sa iyo ng mga kasama mo sa bago mong tahanan.

Gayun pa man, alam kong wala akong dapat ipag-alala sapagkat batid ko namang mabuting tao ang mga Villegas maging ang mga tauhan sa kanilang tirahan.

Bueno. Heto na talaga ang siyang tunay na motibo sa likod ng hangarin kong makausap ka nang maigi. Alam mo, hija, hindi din talaga ako mapalagay sa mga nagaganap dito sa tahanan matapos ang iyong paglisan. Basta, mahirap nang ibigay ang buong detalye. Mukhang hindi magiging sapat ang liham upang sabihin ko ang lahat-lahat ng nas kong sabihin. Kaya naman napagdesisyunan ko nang bisitahin ka na sa iyong bagong tirahan, upang makausap ka sa personal.

Tatlong araw mula ngayon, sa ika-28 ng buwang ito, saka ako magtutungo diyan sa San Gabriel. ‘Yon lamang ang tanging araw na magiging maluwang ang panahon ko. Sana’y maging malaya din tayo sa araw na ‘yon, na hindi magsisilbing kaabalahan ang aking pagbisita.

Bueno, magkita-kita na lamang tayo sa ika-28.

                                                                                            Lubos na nagmamalasakit,

                                                                                           Doña Sofia Lucero

════

“Naku Señora, pagkaganda-ganda naman po nitong mga barong ipinadala sa inyo ni Doña Consuelo!” natutuwang komento ng dalagang utusan na si Lucia, animo’y para sa kanya mismo ang mga damit na padala ng Doña.

Isa si Lucia sa mga utusang nakalapit na ni Aurelia sa loob ng mga nagdaang linggong itinagal niya sa mansyon. Mga dalawa o tatlong taon lamang ang itinanda ni Aurelia mula dito. Ito ang nagdala ng mga kahon ng damit sa silid nina Aurelia at Miguel.

“Oo nga, Lucia,” papahinang sagot ni Aurelia habang tig-isang kinuha ang mga damit mula sa mga kahon nito. Dahan-dahan niyang inilahad ang mga ito sa sofa sa bahaging ‘yon ng silid kung saan siya gabi-gabing nahihimbing simula nang dumating siya sa mansyon. Nakatayo siya sa tabi ni Lucia at pinagmasdan nang maigi ang bawat kasuotan.

Tú eres mi amor [Ang Pag-Ibig Ko'y Ikaw] (El Fin)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon