XXIX ~ Capitulo Ventinueve

1K 37 2
                                    

XXIX ~ Capitulo Ventinueve

Damang-dama ni Miguel ang kasiyahan ng kanyang asawa nang makita niyang nayakap na nitong muli ang amang matagal nang nawalay dito. Maging ang mga panauhin ay mukhang natangay din sa mga nasaksihan. Napapalakpak pa ang karamihan. May mga nangilid din ang mga luha, lalo na ang mga nakakaalam sa kuwentong nasa likod ng mga pangyayari.

"Papá, Papá," tawag ni Julian. Hinila-hila pa nito ang kuwelyo ng amang kumakalong dito.

"Ano 'yon, mi hijo?" Ginulo ni Miguel ang buhok ng anak.

"Sino po ang dumating?"

"Ah. Siya si Señor Leopoldo Galvez. Siya ang ama ng iyong Mamá. Ibig sabihin, abuelo mo rin siya."

Nanlaki ang mga mata ni Julian saka nilingon si Leopoldo, na yakap-yakap pa rin ni Aurelia. Tumawa ang bata. "Talaga po? May bago akong abuelo? Pero... Bakit ngayon lang po siya dumating?"

Si Miguel naman ang natawa sa tila matalinghagang katanungan ni Julian. Nginitian lang niya ang unico hijo nang maalala niya kung paano ba niya natagpuan ang matagal nang nawawalang si Leopoldo Galvez.

Nasa Hotel de Sta. Victoria si Miguel noon. Oras na ng panananghalian at pinili niyang magpadala na lang ng makakain sa kanyang silid. Wala na kasing mauuupuan sa restawrang naroon din sa loob ng hotel.

Buenos tardes, Señor Villegas!" bati ng isang nakatatandang lalaking nakasalubong ni Miguel sa paglabas niya sa restawran. Kabilang ang ginoong 'yon sa mga pamilyar ngunit 'di-mapangalanang mukha na nakikita roon ni Miguel.

Hindi na lang niya ipinahalatang nalimutan na niya ang pangalan nitio. "¡Buenos tardes, Señor!" Mukhang 'di rin 'yon napuna ng ginoo. Nginitian siya nito bago patuloy na pumasok sa loob ng restawran.

Basta na lamang napatda si Miguel nang mahagip ng mga mata niya ang mas malapitang imahe ng ginoo. Nilingon niya ito at nakitang nakahanap agad ito ng mauupuan. Sa huling beses, sinulyapan ni Miguel ang mukha ng nakatatandang lalaki. Saka siya nakadama ng kakaibang pagtataka.

Oo nga, pamilyar na sa kanya ang mukhang 'yon. Bukod doon ay parang may dating sa tingin ng mga mata nito na nakita na ni Miguel sa iba pang napakaraming pagkakataon bukod sa paghaharap nilang 'yon. Na siya namang lalung nakapagtataka dahil sa pagkakatanda niya ay iilang beses pa lang niyang nakaharap ang señor na nakasalubong lamang niya. Doon pa nga lang niya napagtanto ang kanyang pamilyaridad sa hitsura nito.

Bumuntong-hininga si Miguel at nagpatuloy sa paglakad niya. Wala pa siya sa edad na treinta años pero parang napakatanda na niya para maging ganoon ka-ulyanin.

Sa pagbalik sa kanyang silid, nasa isip pa rin ni Miguel ang ginoong kanyang nakasalubong. Pilit niyang inaaalala ang pangalan nito. Hindi pa rin niya malimutan ang kakaibang pamilyaridad nito sa kanya.

"Ga... Gascon. Hindi, hindi. G... Galvez. Tama. Galvez nga ang apelyido niya," sitsit ni Miguel sa sarili.

Naroon na siya sa silid niya sa hotel. Umupo muna siya sa sofa. Nag-iisip pa rin.

"Galvez. Leopoldo, Señor Leopoldo Galvez." Tiningala niya ang kisame. Kakasandal pa lamang niya sa sofa nang bigla siyang tumuwid sa pagkakaupo.

"Galvez... 'Yon ang apelyido ni Aurelia noong dalaga pa siya."

Tumayo si Miguel dala ng pananabik sa mga napagtanto niya. "At ang Leopoldo... Leopoldo ang pangalan ng kanyang ama."

Madaling nilisan ni Miguel ang kanyang silid. Tumakbo siya pabalik sa restawran na nasa unang palapag. Pagkarating doon, sinilip muna niya si Señor Leopoldo Galvez. Naroon pa ito at mag-isang nanananghalian.

Tú eres mi amor [Ang Pag-Ibig Ko'y Ikaw] (El Fin)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon