XIX ~ Capitulo Diecinueve

1.1K 35 2
                                    

XIX ~ Capitulo Diecinueve

Oras na naman ng siesta lalu na para sa paslit na si Julian. Si Aurelia na mismo ang nag-asikaso sa knayng unico hijo.

Mas gusto na niya kasing tutukan nang husto ang pag-aalaga sa kanyang sa paglaki nito. Napapadalas na rin nga ang pag-aasikasong ‘yon ni Aurelia kay Julian. Tutal naman, may mga naging karanasan na siya sa mga gawaing-bahay. Alangan namang bagsak na ang marka niya pagdating sa pagpapalaki ng sarili niyang anak.

Bagaman halos apat na taon na rin ang nakalipas mula nang iniwan niya ang estado ng pagiging isang utusan, hindi naman ganap na nilisan ng estadong ito ang bawat sistema ng pangangatawan niya. Mas gusto pa rin ni Aurelia na kumikilos, na napapakinabangan ang enerhiya at kakayahan niya sa pamamagitan ng pagtatrabaho sa bahay, kaysa naman sa tumunganga lang siya sa isang sulok habang abala ang lahat sa paggawa.

Dahil pursigidung-pursigido si Aurelia sa mismong pag-aaruga sa unico hijo, halos wala nang ibang magawa ang nakatakdang mag-alaga dito. Minsan na nga siyang nakausap ni Lucia, ang parating nag-aalaga kay Julian.

“Eh, Señora, hindi naman ho sa pinapangunahan ko kayo, at alam ko naman pong sa inyo pa rin ho manggagalinga ng desisyon, ngunit...”

“Ngunit ano, Lucia?” tanong naman ni Aurelia sa dalagang utusan.

“Kasi ho... Eh... Wala na ho kasi akong ibang gawain dito bukod sa asikasuhin at bantayan si Julian. At...” Nag-aalangan ang dalaga sa pananalita nito.

“Nag-aalala kang mawawalan ka ng trabaho dahil sa naging desisyon ko ngayon, ganoon ba?”

“Parang ganoon na nga ho.”

“Huwag kang mag-alala. Wala pa rin itong kaltas sa suweldo mo. Kung ibang trabaho naman ang inaalala mo, ako na ang bahalang magbigay sa iyo ng panibagong mapapasukan mo. Kung hindi man dito sa mansyon ay sa taniman naman nila Doña Consuelo, kung saan ka man pupwede. Maaari na ba ‘yon sa iyo?”

“Ta-talaga ho, Señora?”

“Oo nga.” Medyo tumawa pa si Aurelia.

“Ah... Eh... Maraming salamat ho, Señora! Maraming salamat hong talaga!”

“Wala ‘yon. Sige na, Lucia. Ako na lang uli ang bahala dito kay Julian...”

Nag-umpisa na nga ang pagdalas ng pagtutok ni Aurelia kay Julian. Pinabayaan lang siya ni Doña Consuelo nang malaman nito ang ukol sa naging desisyon ni Aurelia. Kung ‘yon naman ang sa tingin ni Aurelia na mas makakainam para sa kanyang anak, tumuloy na doon ang batang ginang.

Samantala, kung si Miguel naman ang tatanungin―

Naalala na naman ni Aurelia ang asawa. Nasa kalagitnaan pa man din siya ng pagtapik-tapik sa halos nahihimbing nang si Julian nang matigilan siya at napaisip. Ano nga kaya ang masasabi ni Miguel sa desisyong ‘yon ni Aurelia?

Siguro, matutuwa rin naman ito dahil makikita nitong inilalaan na ni Aurelia ang kanyang panahon para sa kanilang anak. Malabo naman yatang madismaya ang batang ginoo dahil nababatid naman nito na mas hangarin pa rin ni Aurelia ang kumilos at magtrabaho―at madali niyang magagawa ‘yon sa pamamagitan ng pag-aasikaso sa unico hijo nila.

Siguro. Wala pa ring kasiguraduhan.

Mabibigyan lamang ng katiyakan ‘yon kung makakausap na niya nang tuluyan si Miguel.

Eh, paano pa sila makakapag-usap nang masinsinan ni Miguel ukol sa lagay ng kanilang pamilya kung hindi man lang sila magkaharap nang matino? Hindi sila nagkakaabutan sa pag-uwi  ng kanyang esposo mula sa trabaho. Kung Linggo man na nasa bahay ito ay minsan namang hindi ito sumama sa pagsimba nila. Bihira na silang magkasabay sa harap ng hapag-kainan. Nauuna ang isa sa kanila sa pagtulog. Puro iwasan. Puro salisihan.

Tú eres mi amor [Ang Pag-Ibig Ko'y Ikaw] (El Fin)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon