Tercera Parte (Ikatlong Bahagi) - XV ~ Capitulo Quince

1.3K 42 4
                                    

Tercera Parte
(Ikatlong Bahagi)

***

XV ~ Capitulo Quince

San Gabriel, 1938

Ilang buwan na lamang bago ang pagdating ng ika-apat na anibersaryo ng kasal nina Aurelia at Miguel Villegas. Sa loob ng halos apat na taon ng kanilang pagsasama, marami nang naganap sa pagsasama nilang dalawa: ang pagdating ni Julian Villegas; ang ganap na paghinto ni Miguel sa pagkuha niya ng abugasya upang tulungan na ang kanyang ina sa pagpapatakbo ng kanilang mga kabuhayan; ang mga iringan at hindi pagkakaintindihan ng mag-asawa na kanila din namang nareresolusyonan.

Marami-rami ring natutuhan ang dalawa mula sa kanilang relasyon. Nakatulong ‘yon para sa pagbabago ng kanilang mga pagkatao, para maging mabuti at responsable sa mga obligasyon nila lalu na bilang mga bagong magulang. Mas lumalim ang pagmamahal, pagmamalasakit, at respeto nila sa bawat isa. Tumatag ang pagkakabigkis nila bilang isang buong pamilya. Kahit anu pa man ang mangyari, batid nina Aurelia at Miguel na sadyang napakapalad nila dahil nasa piling nila ang isa’t isa.

Dapit-hapon na sa araw na ‘yon ng Pebrero. Pauwi na si Miguel mula sa karatig-bayang San Luis. Nakipagpulong lamang siya sa mga kasosyo mula sa isang kompanya ng pagawaan ng tela at mga kasuotan. Halos buong hapon ang itinagal ng pagpupulong at nag-umpisa nang sumakit ang ulo niya dahil sa biglang dagsa ng mga kailangan nilang asikasuhin―malapit na kasi nilang simulan ang pag-angkat ng mga produkto sa ibayong-dagat. Mabuti na lamang at natapos na din ang usapan nila tungkol sa negosyo. Nakauwi na nga si Miguel sa tahanan nila sa San Gabriel. Kasama na rin niya si Mang Emil na siyang nagmaneho ng sasakyan pabalik ng mansyon.

“Sa wakas, makakauwi na rin tayo. Ano ho, Mang Emil?” sabi ni Miguel sa tagapagmaneho. Diretso lamang ang tingin niya sa daan. Mas maginhawa na ang kanyang pakiramdam ngayong makakauwi na rin siya at makakapiling na sina Aurelia at Julian; pakiramdam na kasi niya’y napakatagal na ng kanilang huling pagkikita dulot ng pagiging abala niya sa trabaho. Napangiti siya nang maisip ang kanyang mag-ina.

“Señor Miguel, mukhang nasasabik na po kayong makabalik ng mansyon,” komento naman ni Mang Emil.

“Oho. Nasasabik na nga akong balikan ang mag-ina ko.” Hindi talaga maiwasan ni Miguel na ipakita ang pagkahumaling sa asawa at sa kanilang unico hijo. Sa paglipas ng panahon, lalu pang napapamahal sina Aurelia at Julian dito kay Miguel.

Naging tahimik na sila sa pagpapatuloy ng byahe hanggang sa makarating na sila ng San Gabriel pati sa mansyon. Pagkapasok ni Miguel sa loob ay kaagad niyang hinagilap sina Aurelia. Biglang napukaw ang kanyang pansin nang may tumawag sa kanya ng “Papá!”

Tú eres mi amor [Ang Pag-Ibig Ko'y Ikaw] (El Fin)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon