VIII ~ Capitulo Ocho

1.6K 55 18
                                    

VIII ~ Capitulo Ocho

Nagdaan ang ilang buwan matapos ang sapilitang kasalan nina Aurelia at Miguel. Sa kabutihang palad, nagpatuloy naman ang magandang simulain ng mga sitwasyon sa tahanan ng mga Villegas.

Mula din nang dumating si Aurelia sa mansyong ‘yon, unti-unti na ring lumisan ang malungkot at nakabibigat-loob na atmospera sa bawat sulok ng gusali. Madali din kasing nakahalubilo ng dalaga ang halos bawat isa sa mga trabahador doon, bukod pa kina Lucia at Simon; nakalapit-loob niya ang mga ito sapagkat alam niyang katulad niya rin ang mga ito bago pa niya pakasalan si Miguel. Hindi naglaon ay nakuha na rin niya ang respeto ‘di lamang mula sa mga trabahador ngunit maging sa kanyang asawa dahil sa ipinapakita niyang katauhan sa kanilang lahat.

Lalung nagkakilanlan ang mag-asawa dahil na rin sa araw-araw na pakikisalamuha nila sa isa’t isa. Kasabay din noon, ginagampanan ni Aurelia ang kanyang mga tungkulin bilang asawa ni Miguel, na siyang ikinagalak naman nang husto ng huli. Kaya naman sinigurado niyang maayos din ang pakikitungo niya dito.

Sa pangkalahatan, mabuti na rin ang pagsasama nilang dalawa, ngunit hindi pa rin nila tuluyang maituring ang bawat isa bilang tunay na mag-asawa, kundi bilang magkapatid o magkaibigan pa rin. Ni hindi pa rin sila nagsasama sa pagtulog sa iisang kama; sa sofa pa rin pinipiling mahimbing ni Aurelia. May kaunting pagkailang pang namamagitan sa mag-asawa, ngunit hindi na nila maipagkaila sa kanilang mga sarili ang isang panibagong damdaming nag-uugat sa dati’y kaakit-akit lamang na presensya ng isa’t isa. Medyo nauunsyami nga lang ang pag-usbong at pagpapahayag nila sa mga damdaming ito, dulot na rin marahil ng mga naunang karanasan nila, lalu naman mula sa panig ni Aurelia.

Sa kabila noon, para sa panig naman ni Miguel, batid niyang hindi siya dapat mainip o magmadali. Alam niyang hindi kalaunan nama’y tuluyan nang mahuhulog ang loob niya kay Aurela, at sisiguraduhin niyang sa panahong ‘yon ay nakalaya na rin ang kayang asawa mula sa nakaraang pamumuhay na iniwan nito. Kaya nga’t hinay-hinay na muna siya sa mga kilos at pananalita niya; gusto niya kasing mas unti-unti at sapat lamang ang bilis ng mga kaganapan nang sa ganoon ay walang mabibigla o magugulat sa kung anu man ang mga susunod na mangyayari.

                                                                         ════               

Mayroon pa ring mga klase ang mag-asawa para sa hapong ‘yon ng Sabado; tinuturuan pa rin ni Miguel si Aurelia sa wikang Español. Matapos ang ilang oras ng diskusyon at pagtuturo ni Miguel tungkol sa tamang pagbuo ng mga pangungusap, napag-isipan niyang mamahinga at magmerienda na muna silang dalawa.

Nagtungo sila sa may patio na malapit sa hardin upang doon magsalo ng kanilang merienda. Bitbit pa rin ang ilang librong ginagamit sa pagtuturo, pati ang ilang kwaderno at ilang panulat na gamit nila ni Aurelia, nauna nang nagpunta si Miguel sa kanilang mauupuan. Samantala, nagpakuha naman si Aurelia ng kanilang makakain. Dumating ang dalaga na ito mismong may bitbit ng tray ng kanilang tsaa at biskwit.

“Halina’t mag-tsaa muna tayo, Miguel,” masiglang paanyaya ni Aurelia. Panandaliang nawala sa isipan nito ang tungkol sa pag-aaral ng isang dayuhang lenggwahe at iba pang bahagi ng pagiging isang tunay na señora.

Pagkaupo ng kanyang asawa, saka naman isinara ni Miguel ang librong binabasa niya. Hindi niya napansin ang isang larawang nahulog mula sa aklat; napadpad ito malapit sa kinauupuan nia Aurelia. “Salamat.” At nag-umpisa na ang kanilang pagsasalo.

Kaagad na nakita ng dalaga ang larawang nahulog na bagay at pinulot ito. Pinagmasdan nitong mabuti ang imaheng nasa larawan. Pagkatapos, napasilip na rin ito sa likuran ng larawang ‘yon. Basta nitong binasa ang anu mang mensaheng nakasulat sa likod niyon.

Tú eres mi amor [Ang Pag-Ibig Ko'y Ikaw] (El Fin)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon