II ~ Capitulo Dos

3.5K 79 32
                                    

II ~ Capitulo Dos

Pagpatak ng alas seis y media ng gabi, nag-umpisa nang magsidatingan ang mga bisita sa piging. Isa sana si Aurelia sa mga babati at gagabay sa mga paparating na bisita patungo sa malawak ng hardin, kung saan idinaraos ang kasiyahan. Ngunit, sa pagpipigil na rin ni Eleanor, hindi na natuloy ang dalaga.

"Aurelia, huwag ka nang sumama pa kina Angelo. Kailangan mo nang mag-ayos para sa piging. Tingnan mo naman ang damit na ibinigay pa sa iyo ni Doña Sofia. Ibig sabihin lang niyan ay hindi mo na muna kailangang maging trabahador para sa gabing ito, kundi isang bisita. Alangan namang nakaganyan na baro ka, pagkatapos ay pagsisilbihan mo pa ang mga tao? Pakiusap anak, huwag nang matigas ang ulo mo," ang wika ni Eleanor.

Nagkibit-balikat na lang ang dalaga. May punto din naman si Eleanor sa sinabi nito. Subalit, 'yon ang unang beses na magiging bahagi siya ng isang selebrasyon, hindi bilang isang serbidora o taga-linis ng mga pinagkainan, kundi bilang isa sa mga panauhin. Sa totoo lang, hindi niya alam kung ano ba dapat ang kanyang gawin. Hindi niya inaasahang darating ang puntong ito, dahil na rin sa ugnayan nila ni Serafin. Mapipilitan siyang umakyat nang biglaan sa isang mas mataas na estado, at magkukunwaring napapabilang siya sa mga alta-sociedad, para makisama nang maigi sa kanyang kasintahan.

Umupo na si Aurelia sa bangkong nasa tabi ng kanilang maliit na aparador. Nasa loob sila ng kanilang silid sa unang palapag ng mansyon. Humarap na siya sa salamin, na isa sa mga kagamitang ipinahiram sa kanya ni Doña Sofia. Saka inumpisahan ni Eleanor ang pag-aayos sa kanya. Sapagkat hindi din sanay ang nanay-nanayan ni Aurelia sa paghawak ng mga kolorete, kakaunti na lang din ang inilagay sa mukha ng dalaga. Bukod sa kaunting papula, isang kwintas ang ginamit ni Aurelia bilang alahas.

"Ayan," sitsit ni Eleanor habang hinahaplos ang buhok ng dalaga. "Napakaganda mong talaga, Aurelia."

"Salamat po, Inay." Ngumiti si Aurelia, subalit agad ding nabura ang ngiting 'yon. Napalitan ng bahagyang simangot ang ekspresyon ng dalaga. Napabuntong-hininga at napa-ukos siya sa pagkakaupo niya.

"Oh, bakit, anak? May problema ba?"

"HInding-hindi ako mapapabilang sa kanila. Bihisan man ako nang ganito kagarbo, mananatili pa rin akong isang utusan. Isang dukha," tila pagkausap ni Aurelia sa sariling repleksyon.

"Ano ka ba naman, Aurelia? Huwag mo nang alalahanin ang tungkol diyan. Isipin mo na lang ang kasiyahang maaaring maidulot sa iyo ng piging ngayong gabi. Bihira kung dumating ang ganitong pagkakataon. Papalipasin mo ba ito nang ganun-ganon lang?"

Napaisip si Aurelia sa mga huling kataga ng nanay-nanayan. Pero bago pa siya makaimik, may bigla nang kumatok sa pinto.

Hindi na nakaresponde ang mag-ina dahil sa biglaang pagpasok ni Angelo. Nakabarong pang-serbidor na ito. Una nitong napansin ang kababata at tila nagulantang ito sa nasilayan. "Aba, Aurelia. Ikaw ba 'yang nakikita ko?" Nilapitan ng binata si Aurelia upang mas mapagmasdan nang mabuti. Nginitian nito ang dalaga, saka ang inang si Eleanor. "Si Aurelia nga!"

Tú eres mi amor [Ang Pag-Ibig Ko'y Ikaw] (El Fin)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon