IX ~ Capitulo Nueve

1.4K 46 7
                                    

IX ~ Capitulo Nueve

“Ano, Aurelia. Handa ka na bang makilala sina Cornelio at Anita?” nakangiting itinanong ni Miguel sa kanyang asawa.

Halatang nagagalak at nasasabik na si Miguel sa napipintong pagdating ng kanyang mga nakababatang kapatid. Palibhasa, matagal-tagal na rin silang hindi nagkakasama-sama―tatlong buwan na ang nakakaraan nang huling beses na umuwi ang kambal. Hindi basta-basta makauwi ang mga ito; strikto ang mga madre sa beateryong pinapasukan ni Anita samantalang paspasan naman si Cornelio sa pagtapos ng kanyang kurso na medisina. Ngayon lang sila muling makakabalik para saglit na mamahinga at nang mabisita na rin sina Miguel. Siyempre, nangulila din siya sa presensya ng mga ito.

Ngumiti muna si Aurelia bago nagbaba ng tingin. ‘Yon ang unang beses na makakaharap nito ang mga bunsong kapatid ng asawa kaya mukhang medyo nababalisa ito. Kung tutuusin ay kilala na rin naman nito ang kambal, kung hindi ba naman sila parating naikukwento ni Miguel at napapakita sa mga larawan nila. Ngunit sadyang iba pa rin ang lagay kapag makakaharap na sila nitong si Aurelia.

Tumango ang dalaga. “Oo, Miguel. Ang kaso...” Bahagyang nabura ang ngiti nito. “Baka hindi nila ako magustuhan. O kaya baka hindi kami magkasundo.”

“Huwag kang mag-isip ng ganyan, Aurelia.” Nagpatuloy na sa tawa ang malawak na ngiti ni Miguel. Nakaupo ito sa sofa, katabi na rin si Aurelia ngunit may kaunting distansya pa ring namamagitan sa kanila. “Bakit ka naman hindi magugustuhan ng mga kapatid ko? Kung ang Mamá at ang mga trabahador dito ay nakasundo mo na, malamang gayundin ang kambal na ‘yon.”

May punto ang sinabi ng binata. Madali ngang napalapit ang loob ni Doña Consuelo maging ang mga utusan kay Aurelia sapagkat may angking kababaan ng loob at pakikisama ang dalaga. Nangyari ‘yon sa kabila ng biglaang pagdating nito sa mansyon.

Nagpatuloy pa si Miguel. “Bukod pa doon, hindi naman arogante ang mga kapatid ko. Sinisigurado ko sa iyong madali mo silang makakalapit ng loob,” determinadong sinabi pa niya. Pagkatapos niyon ay kinindatan pa niya ang asawa.

Parang natigilan lang itong si Aurelia. Nanahimik na ito habang nag-umpisa sa tila pag-iisip nang malalim.

Sa pag-angat ng katahimikan, pinagmasdan na lamang ni Miguel ang asawa na nasa kanyang tabi. Habang maigi niyang tinitingnan ang tahimik at nakayukong si Aurelia, biglang nanumbalik sa kanyang isipan ang nangyari lamang sa swimming pool noong isang araw. Nanumbalik din sa kanyang kalooban ang mga nadarama sa insidenteng ‘yon. Wala sa isip na napahilig siya papalapit dito, nag-lahad ng isang braso para abutin ang mukha ni Aurelia at nang muli niyang mahaplos ito―

“Kuya Miguel!” Dalawang boses pa man din ang sabay na tumawag sa binata.

Napapitlag ang mag-asawa sabay lingon sa may pinto ng mansyon. Naroon na nga ang kambal na sina Cornelio at Anita. Pareho pang nakatayo ang mga ito, nakaharap sa direksyon ng mag-asawa. Mukhang naabutan ng kambal ang mga huling kaganapan sa sala bago sila magpaalam ng presensya.

Tú eres mi amor [Ang Pag-Ibig Ko'y Ikaw] (El Fin)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon