XVIII ~ Capitulo Dieciocho

1.1K 34 0
                                    

XVIII ~ Capitulo Dieciocho

Hatinggabi na. Nananatili pa ring gising si Miguel Villegas. Hindi pa siya nakakapagbihis ng damit-pantulog nang lumabas siya sa silid nila ni Aurelia. Bihis man o hindi, bale-wala na ‘yon sa batang ginoo. Tumuloy lang siya sa paglalakad papalayo sa pintuan ng kanilang silid.

Aburido na naman si Miguel; palagi na lang siyang naaaburido nitong nakalipas. Sa puntong ‘yon, katatapos lamang ng iringan sa pagitan nila ng kanyang asawa. Nadagdagan pa ang pagka-aburido ni Miguel nang kaagad niyang mapagtanto kung gaano ka-tindi ang naging iringan nila ni Aurelia. Bibihira lang naman silang mag-away ngunit tila napapadalas na ang mga sagutan nila ngayon. Mukhang naganap lamang ang siyang pinakamalala sa mga naging sagutan nila sa loob ng kanilang pagsasama.

Kung tutuusin, panandalian naman ang itinakbo ng sagutan nilang dalawa. Subalit sadyang matindi ang tensyong bumalot sa kanilang dalawa nang sila ay nagkakabirahan na. Maging ang parating malumanay na asta ni Aurelia ay nabaluktot; dala na marahil ng pagka-irita, pagtatampo dili kaya’y pagkagalit na rin. Siguro ay naipon na dito ang tensyon ng mga nakaraang kaganapan hanggang sa umabot na rin sa sukdulan ang nadaramang pagkadismaya nito. Sabay na sumiklab ang mga emosyon nila ni Miguel.

Napailing na lamang si Miguel habang inaalala niya ang mga kaganapan. Nagugulo ang kanyang isipan, kaya mas pinili niyang umalis na muna para makapag-isa. Marahil, kung hindi pa niya ginawa ‘yon ay baka kung saan pa nakarating ang pag-aaway nila Aurelia.

Tinungo niya ang bar; pinili niyang palipasin ang init ng kanyang ulo sa pamamagitan ng alkohol. Ayaw na muna niyang problemahin kung paano ang magiging ayos nila sa pagtulog ngayong gabi; kung babalik ba naman ba sila sa umpisa―magkahiwalay ang mga higaan.

Sa kalagitnaan ng kanilang hapunan, na siya rin sanang pagdiriwang para sa kaarawan ni Miguel, madaling napuna ni Aurelia ang seryosong hitsura ng kanyang asawa. Madalas ay tahimik na ito. Hindi niya magawang diretsahang tanungin agad si Miguel dahil nasa kalagitnaan pa sila ng pagkain. Pinilit niyang huwag ipahalata sa iba, lalu na kay Doña Consuelo, na naapektuhan na siya sa kilos ng asawa.

Nagpatuloy pa ang “kasiyahan” para sa gabing ‘yon. May ilang mga bisita kasing nagsidatingan para ipaabot ang pagbati at mga regalo kay Miguel. Ganoon na lang talaga ka-simple ang pagdiriwang subalit hindi pa rin naman ganap na nawala ang musika at kwentuhan kaya humaba na rin ang gabi. Panandaliang naglaho sa hitsura ni Miguel ang kaseryosohan nito habang kinakausap ang ilang mga bisita.

Sa wakas, natapos na rin ang simpleng pagdiriwang. Hinintay ni Aurelia na makahanap ng magandang punto para makausap na si Miguel. Pinatapos na niya ang pag-akyat ng mga regalo sa silid nila. Siya na mismo ang nagpatulog kay Julian. Kapagkuwan ay nilapitan niya si Miguel. Tahimik na naman ito, nakaupo sa kanilang kama at hindi pa rin bihis.

“Mukhang may problema ka, ah? Kanina ka pa tahimik diyan.” Inabot niya ang isang balikat ni Miguel saka ‘yon hinimas-himas. Tila ba wala namang nangyari sa batang ginoo. Halos nakatalikod ito sa asawa.

“Wala naman.”

“Anong wala? Kitang-kita kaya sa mukha mo kung ano ‘yang saloobin mo.”

Nanahimik lang si Miguel.

“Sige. Hulaan ko. May kinalaman ‘yan sa... kay Marietta?” Sinubukan pa ni Aurelia na lambingan ang pagkausap niya sa asawa.

Supladong sumagot si Miguel; bahagya lang ang paglingon nito kay Aurelia. “Mabuti naman at alam mo na. Eh bakit nagtatanong ka pa?”

Naturalmente, nagulat si Aurelia sa sinabi ng kanyang asawa. Bumitaw siya dito at sumagot: “Kaysa naman apurahin kita. Palagay ko lang naman ‘yon.”

Tú eres mi amor [Ang Pag-Ibig Ko'y Ikaw] (El Fin)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon