V ~ Capitulo Cinco (Huling Kabanata - Primera Parte)

2.5K 70 56
                                    

V ~ Capitulo Cinco

(Huling Kabanata - Primera Parte)

Pagkalabas ni Aurelia sa silid-aklatan, basta na lamang siyang napatigil at napako sa kanyang kinatatayuan. Para bang nawawala na siya sa kanyang sarili. Hindi siya makapaniwala sa naging desisyon ni Doña Consuelo Villegas. Paulit-ulit ang pagbalik ng mga kataga nito sa kanyang isipan, pilit pinapaintindi sa sarili ang mga pahiwatig nito.

"Magpapakasal kayong dalawa ni Aurelia sa lalung madaling panahon..."

Hindi pupwede. Hindi pupwedeng mangyari 'yon. Hindi. Hindi... Bagaman 'yon ang tumatakbo sa isip ni Aurelia, alam niyang wala siyang kakayahan upang tuluyang tumanggi sa sinabi ng Doña.

Mabagal na umusad ang dalaga papalayo sa pinto na kanyang pinagsarhan lamang. Ilang hakbang pa lamang ang kanyang nabuo nang muli ay napahinto siya. At napapikit din.

"Hindi," usal ni Aurelia.

Idinilat na niya ang kanyang mga mata at naglakad na naman. Papabilis na ang dalaga hanggang sa nagsimula na siyang tumakbo patungo sa kwarto nila ni Eleanor.

Walang masyadong tao sa pasilyong dinaanan ni Aurelia, kaya patuloy lamang siya sa pagtakbo papunta sa kanyang destinasyon. Madali siyang pumasok sa loob ng silid at isinara ang pinto sa kanyang likuran, naghahabol ng hininga.

Pasunggab niyang tinungo ang kanyang kama at iningudngod ang sarili sa manipis na kutson. Madali na ring nasundan 'yon ng kanyang paghagulgol. Malakas din ang bawat hikbi ni Aurelia, pero nakasubsob ang kanyang mukha sa kutson kaya halos hindi din siya marinig.

Walang-humpay ang pag-iyak at pagngawa ng dalaga, sabay sabi ng mga salitang "Ayoko pang magpakasal...Ayoko..." Napakabigat na ng loob ni Aurelia sa mga oras na 'yon. Ayaw niyang ikasal. Wala siyang intensyon o hangaring maikasal kay Miguel Villegas, na kung tutuusin ay isa pa rin talagang estranghero para sa kanya. Hindi niya gustong makipag-isang-dibdib, dahil hindi pa siya handa...Higit sa lahat, ayaw niyang maikasal kay Miguel, dahil kakailanganin niyang makipaghiwalay kay Serafin.

Doon lamang napagtanto ni Aurelia ang tungkol sa bagay na 'yon. Kailangan kong tapusin ang relasyon namin ni Serafin, ang sabi ni Aurelia sa sarili. Madali siyang napailing at nagpatuloy sa pag-iyak. Sa puntong 'yon na lamang siya muling nakaiyak nang ganoon katindi, dulot na rin ng magkasamang pagod at bigat ng loob.

Mamasa-masa pa ang mga bakas ng luha sa mukha ng dalaga nang unti-unti siyang napahimbing sa kamang kinaroroonan niya.

"Aurelia...Aurelia, anak, gumising ka," sitsit ni Eleanor habang marahang niyuyugyog ang natutulog pa ring si Aurelia. Ala una pa lamang ng hapon nang nagtungo ito sa aklatan sa utos na rin ni Doña Consuelo. Simula noon ay hindi na nagbalik pa ang dalaga sa kusina kung saan ito nanggaling. Pagkalipas ng halos tatlong oras, napadpad si Eleanor sa kanilang silid at doon niya nadatnan ang kanyang anak-anakan.

"Aurelia, gumising ka na." Tumigil na siya sa pagyugyog sa dalaga dahil nagsimula na itong magising...

Tumihaya si Aurelia sa kama, pagkatapos ay bumangon at nag-unat na rin. Nagkusot pa ito ng mga mata. Nakita na nito ang nanay-nanayan na nakatayo sa tabi ng kama at nakamasid.

"Nanay Eleanor? Ay, nakatulog pala ako..." Gamit ang mga kamay, inayos na ni Aurelia ang buhok. Bigla na lamang nitong naalala ang mga naganap ilang oras na ang nakakalipas. Napakunot ang noo nito.

Lalung lumalim ang tingin ni Elanor kay Aurelia. "Umiyak ka ba kanina?"

"Po?"

"Namamaga kasi ang mga mata mo, Aurelia," malumanay na wika ni Eleanor. Umupo siya sa tabi ng dalaga at hinaplus-haplos ang buhok nito.

Tú eres mi amor [Ang Pag-Ibig Ko'y Ikaw] (El Fin)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon