XXIV ~ Capitulo Ventiquatro

961 31 9
                                    

XXIV ~ Capitulo Ventiquatro

 "Ano, hanggang mamaya na naman ba'y nakanganga tayo dito?"

Ito ang pambungad ni Rafael sa kasama niyang si Jose sa dati nilang puwesto ― ang halamanan sa tapat ng mansyon ng mga Villegas. Nitong mga nakaraang araw, wala silang ibang inatupag kundi ang magmatyag sa mga lumalabas sa mansyon. Lagi silang inaabot ng dilim sa kakamatyag. Wala rin silang ibang napapala bukod sa mamuti ang kanilang mga mata sa kaka-abang.

Pagkarating ni Rafael mula sa Culiat, pinagkaabalahan na niya ang sabwatan nila ni Jose. Minsa'y napatanong na siya sa kasabwat: bakit 'di na lang nila looban ang silid ng mag-ina saka dukutin ang mga ito habang madilim pa ang gabi?

"Pinakahuli na 'yong panloloob sa mansyon, 'pag talagang wala na tayong mahita dito." 'Yan lamang ang isinagot ni Jose. Minabuti ni Rafael na huwag nang mang-usisa pa.

Dati na silang nagkasama ni Jose sa mga naunang panggagancho nila. Naging matagumpay silang dalawa ngunit nitong nakalipas ay nagkahiwalay na sila ng landas sa mga bagong operasyon nila.. Hindi naman umalma si Rafael. Tutal, nakakakilos naman siya kahit mag-isa lamang siya. 

Si Jose ang nagsilbing tulay para maipaalam sa kanilang kliyente ang mga aktibidades ni Miguel Villegas lalu na sa opisina nito. May isang buwan na rin magmula nang magpanggap ang binata bilang isang trabahador kaya napagmatyagan nito si Miguel. Hanggang sa mapag-alaman na nito ang pagtungo ni miguel sa Culiat. Doon na nadamay muli si Rafael sa usapan. Siya ang naatasang dumukot kay Miguel para madispatsa na ito ng kanilang kliyente.

Subalit, dulot ng kinalabasan ng mga pangyayari, nagbago ang mga plano. Dudukutin na nila Rafael at Jose ang mag-inang Villegas ― sina Aurelia at Julian. Dadalhin nila ang mga ito sa isang liblib na lugar at iiwan doon. Samantala, ayon sa kanilang kliyente, umarkila pa ito ng ibang taong dadali kay Miguel Villegas. Ngunit bahala na rin daw ito sa susunod na gagawin sa mag-ina.

Napakamot talaga ng ulo si Rafael noong una niyang nalaman ang muling pakikisabwat sa kanya ni Jose. Doon na lang niya nadiskubreng nag-eespiya na pala ang dati niyang kasamahan. Doon na lang din siya mapapasubo sa ganoong aktibidades.

Mandurukot nga silang dalawa, ngunit ari-arian ang target nila. Hindi tao. Ibang usapan na kung tao ang magsisilbing pupunteryahan nila. 

Sa wakas, sumagot na si Jose sa pambungad ni Rafael:

"Huwag kang magulo diyan, Rafael. Maghihintay lang tayo rito. Kung hindi pa rin sila lalabas, saka na natin sila dudukutin mamayang gabi."

Katulad ng dati, nasa loob na lang sila ng kotse, nakakubli sa kasaganahan ng mga puno. Mula roon, nakamatyag sila sa mansyon.

"Kilala mo ba kung sino ang mga dudukutin natin?" malamyang tanong ni Rafael kay Jose.

"Oo naman. Malamang, may larawan ang asawa't anak ni Miguel Villegas sa lamesa niya sa opisina. Ilang beses ko nang nakita 'yon nang walang kahirap-hirap," kumpyansang sagot ni Jose.

"Eh paano kung 'yung nanay lang ang lumabas ngayon? Paano 'yung bata?"

"'Di, tig-isa na natin silang dudukutin. 'Yung nanay muna, pagkatapos 'yung anak naman. Ngunit malamang iwan ng ina ang kanyang anak."

"Kahit maliwanag pa'y isasagawa na natin ang pandurukot?"

"Pwede ba, Rafael. Napagplanuhan ko na ang lahat ng ito. May naihanda na akong aksyon sa mga posibleng mangyari. At oo, gagawin natin ito kahit na maliwanag pa, basta makalabas na ng mansyon ang sinu man sa mag-ina." Mukhang naririndi na si Jose sa mga tanong ng kasama.

Hindi na naghagis pa ng katanungan si Rafael. Sa mga sumunod na oras, tahimik na lang siyang nagmasid sa bungad ng mansyon.

Sa wakas, may namataan na silang kotseng lumabas mula sa bakuran ng mansyon. Lubos na nabuhayan ng loob si Rafael sa nakita. Inasam niyang ang mga taong inaabanga nila ang lulan ng kotseng nakita nila.

Tú eres mi amor [Ang Pag-Ibig Ko'y Ikaw] (El Fin)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon