XX ~ Capitulo Veinte

1.1K 34 4
                                    

XX ~ Capitulo Veinte

"Aurelia, aalis na muna ako."

'Yan ang sabi ni Miguel sa kanyang asawa bago siya umalis ng bahay sa sumunod na umaga. Pagkatapos ng mga napagnilayan niya nitong nakaraang gabi, nagawa na niyang lapitan si Aurelia upang makapagpaalam dito. Doon na lang niya uli nagawa 'yon kaya naman bigla siyang nakadama ng pangungulila sa asawa't anak.

Nasa patio noon sila Aurelia at Julian. Nakaantabay ang una sa paglalaro ng huli nang dumating si Miguel. Pagkarinig ni Aurelia sa tinig ng esposo, madali itong napalingon sa kanya. Bakas ang bahagyang pagkagulat sa mga mata ng batang ginang. Gayun pa man, madali na itong ngumiti sa asawa.

"Mag-iingat ka."

Ganoon pa rin ang pagkakasabi ni Aurelia sa pangungusap na 'yon: punung-puno ng pagmamalasakit.

Biglang tinawag ni Aurelia ang kanilang anak. "Julian, magpaalam ka na muna sa iyong Papá!"

"Papá!" hiyaw ng paslit, papatakbong nagpunta sa kanila. Sa kabila ng liksi nito, agad pa rin itong nahuli ni Miguel at naikalong sa mga braso nito.

Habang nagtatawanan ang mag-ama, nagwika si Miguel na kunwari'y nanggigigil sa anak. "Takbo ka nang takbo, baka madapa ka niyan."

Nakangiting nakamasid si Aurelia. "Oh, anak, magpaalam ka na muna."

"Paalam na po, Papá," sabi naman ni Julian sa napakamusmos nitong boses. "Mag-iingat po kayo."

"Naku, opo, Señorito Villegas. Mag-iingat po ako," tila naging musmos ding sagot ni Miguel.

Sabay na nagsitawanan ang mga Villegas. Kiniliti ng ama ang sikmura ng kanyang anak.

Parang nagdalawang-isip na si Miguel sa kanyang pag-alis. Kung wala lang siyang trabahong papasukan, mas gugustuhin na niyang manatili sa kanilang tahanan para makasama ang pamilya... para na rin mapagmasdan man lang niya nang mas maigi ang mukha ni Aurelia dahl matagal-tagal na niyang hindi nagagawa 'yon.

"Sige na. Ipagpatuloy mo na ang paglalaro mo." Ibinaba na ni Miguel si Julian at hinayaang tumakbo pabalik sa palaruan nito.

Humaplos pa siya sa mukha ni Aurelia bago siya umalis. Papalayo na siya ng patio nang tila may nakalimutan pa siya. Agad niyang binalikan si Aurelia sabay abot sa mga braso nito.

"Bakit, Miguel? May nakalimutan ka ba?

Tumango ang batang ginoo. "OO. Dalawang bagay."

"Anu-ano ang mga 'yon?"

"Una... Gusto ko sanang makapag-usap na tayo mamaya. Siguro, pagbalik ko galing sa trabaho. Maaari ba 'yon?"

"Oo naman. 'Yon lang pala, eh." Muling ngumiti ang batang ginang. "Ano naman ang pangalawa?"

Imbes na umimik si Miguel, hinila niya ang asawa papalapit sa kanya. Binigyan niya ito ng isang halik sa noo. Tinagalan pa niya 'yon, hanggang sa mapayakap na siya dito.

"Mabuti pala ay naalala mo pa 'yan, ano?" sitsit ni Aurelia. Nakayakap na rin ito kay Miguel.

Natawa naman ang batang ginoo habang nananatiling nakahalik sa esposa niya.

Bago pa sila tuluyang mawili at magkalimutan, nagpaalam na uli si Miguel. "Magkikita na lang tayo uli mamaya, ha?"

Tuluyan nang umalis si Miguel. Sa puntong 'yon pa lamang ay masaya na siya. Kung nalalaman lang niyang gayundin ang kasiyahang naidulot niya kay Aurelia.

Naging kapansin-pansin ang kakaibang sigla na ipinakita ni Miguel sa trabaho. Sa biglaang tingin, kitang-kita na ang kasiyahan sa aura ng batang ginoo. 'Di katulad ng nakaraan, mas madali na kung siya ay ngumiti o tumawa. Ang ikinaganda pa niyon, mabilis niyang naipasa ang siglang 'yon sa mga kasama niyang empleyado. Doon lang uli naging kapana-panabik imbes na nakakabato ang araw ni Miguel sa loob ng opisina.

Tú eres mi amor [Ang Pag-Ibig Ko'y Ikaw] (El Fin)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon