X ~ Capitulo Diez

1.6K 52 5
                                    

X ~ Capitulo Diez

Dumating na nga ang araw ng kapistahan ng San Gabriel. Ginanap ‘yon sa ika-29 ng Setyembre, Sabado. Damang-dama ang diwa ng selebrasyon ng pista sa bawat sulok na nasasaklaw ng bayan. Nariyan na ang mga banderitas at iba pang mga makukulay na palamuti sa mga kalye maging sa simbahan; ang mga nagbabagang lutuan at ihawan ng mga putaheng ihahanda sa halos bawat tahanan; ang mga lakan at lakambining igagayak para sa parada sa hapon; at ang mga taong-bayan na sinisiguradong mabibigyang-pansin ang mga tradisyong bahagi na ng kapistahang ‘yon.

Kasama na rin ang tanyag na pamilya ng mga Villegas―mula sa matriarkang si Doña Consuelo, ang mga supling na sila Cornelio, Anita, Miguel maging ang kabiyak ng huli na si Aurelia―sa mga mamamayan na nagdiriwang para sa taong ‘yon. Nakagawian na rin kasi ng pamilya ang pagdaos ng naturang selebrasyon, sa pangunguna na rin ni Doña Consuelo na deboto ng tatlong mga arkangel na kinabibilangan ng patron ng bayan.

“Alam mo, Aurelia, ganito kasi ‘yon. Dumating ang punto dati na naging maselan ang pagbubuntis ko kay Miguel. Ang akala ko noo’y mawawala na siya sa aming piling. Idinaan na lamang namin ni Sebastian sa panalangin ang mga bagay-bagay. ‘Di-naglaon, naging mabuti din ang kalagayan ko at ni Miguel na noo’y nasa sinapupunan ko pa lamang.”

‘Yan ang unang bahagi ng kuwento ni Doña Consuelo. Nasa kalagitnaan sila noon ng byahe patungo sa simbahan; makikinig sila sa pang-umagang misa para sa pagdiriwang ng kapistahan. Magkakatabi sa likuran ng kotse sina Cornelio, Anita, Aurelia at ang Doña. Samantala, nasa harapan naman nakaupo si Miguel.

“Nang ganap nang bumuti ang kalagayan namin, naalala kong pista nga pala ng mga arkanghel noon―ika-29 ng Setyembre ang petsa. Naisip at naramdaman ko na malamang, may kinalaman ang pagtapat ng petsang ‘yon sa ganap ng pagbuti ng kalagayan namin. Sa tulong at paggabay ng mga arkanghel na sugo ng Panginoon, nakaligtas ako at si Miguel mula sa ganap na kapahamakan. Bilang parte ng pagbibigay-pugay sa kanila napili kong ipangalan ang aming panganay mula sa isa sa kanila. Napagkasunduan namin ni Sebastian na isunod siya sa pangalan ni San Miguel.”

“Talaga po?” namamangha namang tanong ni Aurelia.

“Oo, hija,” nagagalak na sabi ni Doña Consuelo.

Nagsalita naman si Miguel mula pa sa harap ng sasakyan. “Dapat nga ay kukunin pa ang lahat ng mga pangalan ng mga arkanghel. Kaso’y masyadong mahaba kung magiging Miguel Gabriel Rafael ang pangalan ko.” Umikot si Miguel sa kanyang kinauupuan upang makalingon sa kanila. “Hindi po ba, Mamá?”

“Tama ka diyan, hijo,” natatawa pa ring responde ng Doña.

“Rafael? Ibig sabihin... Oo nga pala, pista din ngayon sa San Rafael niyan, ano?” mahinang tanong ni Aurelia sa sarili. “Subalit...” naging normal na rin ang boses ng dalaga. “Hindi ito ang unang beses na makikipagdiwang ako sa pista na kagaya nito. Gayun pa ma’y hindi ko maiwasang masabik!”

“Naku, Aurelia,” entrada ni Anita na nasa tabi ng dalaga, “sinisigurado namin sa iyong masisiyahan ka talaga nang husto sa araw na ito.”

“Talaga, ha?”

“Oo,” sabay na sabi ng kambal.

“Oh, sapat na muna ‘yan. Malapit na tayong makarating sa simbahan, mga hijos at hijas.”

Sa sinabing ‘yon ng Doña, natapos na rin ang kanilang talakayan. Naghanda na sila para sa pagdating nila sa parokya.

Ang buong akala ni Miguel, makakaya niyang huwag lingunin si Aurelia. Nakaupo pa man din ang kanyang asawa sa tabi niya. Nais niya talagang isentro ang atensyon sa misa ngunit hindi niya mapigilang sumulyap sa asawa. Nawiwili pa siya sa pagnanakaw ng tingin dito, dahil tila ba walang kamalay-malay si Aurelia sa mga pagsulyap ni Miguel. Nakaka-ilang lingon na din kasi dito si Miguel ngunit diretso pa rin ang itingin nito sa altar. Huminto na lamang ang binata ng halos maka-dalawang dosenang sulyap at lingon siya mula kay Aurelia. Mukhang nakaka-apekto na rin kasi siya sa matimtimang pananalangin ng mga taong nakaupo malapit sa kanila.

Tú eres mi amor [Ang Pag-Ibig Ko'y Ikaw] (El Fin)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon