Chapter 51

9 1 0
                                    

Isang boses ang unang narinig ng tenga ko habang nanatiling nakapikit sa aking kinauupuan ngayon. Idinilat ko na ang aking mata at unang bumungad sa akin ay simpleng kwarto na isa lang ang bintana. Naramdaman ko ang pagkakatali ng aking kamay at paa sa upuan. Kaunting umiikot pa ang paningin ko dahil na rin sa pagkakapukpok sa akin kanina. Hindi ko agad napansin, it's a trap. And I don't know how to go out in this crap.

"Gising na ang prinsesa!"

Napakunot ang noo ko dahil sa narinig na boses. Agad akong tumingin sa kaliwang gilid ko at nakaupo ang isang babaeng kalahating nakamaskara sa upuan na nakadikit sa wall. Ngayon ko lang napansin na nasa gitna ako ng kwarto kaya nakikita ko ang buong paligid.

Sa tingin ko, siya ang tumawag sa telepono.

"Titignan mo lang ako? Akala ko ba sisirain mo ang mukha ko? What are you waiting for? Umalis ka na diyan at tanggalin mo ang maskara ko."

Hindi ko maiwasang manggigil dahil hindi ko maigalaw ang mga kamay at paa ko. Tanging masamang tingin ang ibinigay ko sa kanya.

"Bakit kaya hindi mo tanggalin itong tali ko para masira ko na ang mukha mo? Gusto mo eh," pairap kong saad pero naramdaman ko ang isang sampal na mas lalong nagpagising sa akin. Ramdam ko ang hapdi na dumikit sa pisngi ko at hindi ko man lang mahawakan ito.

"Alam mo, nakakamatay talaga ang mga salita, mas lalo na kung galing sa bibig mo," galit na niyang wika at lumayo ulit sa akin.

Gusto ko man dumaing pero ayokong marinig ng taong nasa harap ko ngayon. Kung titignan sa kanyang katawan at boses, mukhang ka-age lang niya si Mom. Pamilyar din ang boses at kung paano siya magsalita.

"Edi sana tinakpan mo ang bibig ko para hindi na ako makapagsalita duh," mahina kong saad pero mukhang narinig niya. Nakita ko ang pagngiti ng kanyang labi dahil sa sinabi ko.

"Oh thanks for reminding me about that. Iyon pala ang nakalimutan ko! Pero mamaya ko na ilalagay kapag papahirapan na kita para hindi masyadong maingay," Natutuwang sabi niya at may kung anong kinalkal sa cabinet. Nakita ko ang isang panyo kaya alam ko na ang gagawin niya. Mukhang mapapahamak nga talaga ako ng bibig ko.

Pumwesto siya sa harap ko at tinitigan ang itsura ko ngayon.

"Excited na tuloy akong pahirapan ka. Ano kayang magandang panimula? Gusto ko sana madugo," parang baliw niyang saad at tumawang malakas.

"And by the way..."

Tinanggal niya ang maskara na nagpakunot sa noo ko. Naaalala ko ang mukhang nasa harap ko ngayon. Nakita ko na siya, sa apartment nila Klara. Siya...siya si...

"I am Ericka, Ericka Alcantara, your pretty nightmare, dear."

"As if naman," masungit kong wika kaya agad kong naramdaman ang isa pang sampal na dumikit sa kabilang pisngi ko.

"Wala kang karapatan na sumagot-sagot dahil hawak ko ang buhay mo ngayon. Kaya kung gusto mo pang mabuhay, manahimik ka. Makinig ka lang sa akin babae," nakangiting saad niya pero poot ang namamalagi sa kanyang mga mata.

Huminga ako ng malalim para pakalmahin ang sarili ko dahil gusto ko na talaga siyang suntukin. Tumingin ulit ako sa kanya at naabutan kong may umiikot na maliit na kutsilyo sa kanyang kamay. Mas lumapit pa siya sa akin at umupo sa upuang ipinuwesto niya sa harap ko. Marahan niyang idinaan ang kutsilyo sa aking mukha kaya pilit akong umiiwas na hindi ito madiinan.

"Dumihan ko kaya ang mukha mo? Tutal, marumi na rin naman ang dugong nananalaytay sa iyo. Dugo ng mga mamamatay tao."

Kumunot ang noo ko dahil sa kanyang sinabi. Ano ba talagang kailangan niya sa akin? Bakit ang daming nagagalit sa akin na hindi ko naman naaalalang minaltrato ko dati?

Candle in the Water | ✓Where stories live. Discover now