3. Ang Mapa

58 11 4
  • इन्हें समर्पित: eyyits_MC
                                    

Ang usapan nila ay aalis na sila sa pagsikat ng araw ngunit dahil sa hindi inaasahang mga bisita ay naudlot ito. Ika-sampu na ng umaga. Hindi mapakali si Malayah. Ang oras ay tumatakbo at hindi siya dapat na nakaupo lamang at naghihintay.

Pumasok siya sa balete upang puntahan si Lakan. "Hindi mo sila makukuha sa pakiusap."

Liningon siya ng dambuhala at ng binata. "Ano naman ang maaari pa naming gawin bukod sa makiusap? Labanan sila? Takutin?"

Kinuhang muli ni Malayah ang mga ginto sa sisidlan at inilapag sa lamesa. "May isang bagay na nagpapaikot sa mundo ng mga tao. Dapat ay alam mo iyon."

Nagkatinginan ang dalawa at tila ba naiintindihan ang nais ipahiwatig ng dalaga.

--

Hapon na nang makabalik muli sina Malayah at Lakan sa puno ng balete kung saan namamalagi ang kapreng si Agtalu. Taas noo at nakangising ibinaba ni Malayah sa lamesa ang isang dokumento.

"May kaparehas ang kapangyarihan ng mundo ninyo sa mundo namin. Ang batas. At katulad ng mahika, hindi mo ito magagamit kung hindi mo alam kung paano."

Kinuha ni Agtalu ang dokumento at pinagmasdan ito.

"Hindi na nila muling guguluhin ang balete mo. Dahil nasa iyo na ang titulo ng lupa ng kinatatayuan nito, wala na silang karapatang putulin ito."

Liningon ni Agtalu si Lakan. "Totoo ba ang sinasabi ng binibini?"

Nakangiti namang tumango ang binata.

--

"Maraming salamat sa pagtulong, binibini. Tanggapin mo ito bilang gantimpala." Wika ng dambuhala at iniabot sa kamay ni Malayah ang isang puting bato.

Tila alam na ni Malayah kung ano ang bagay na iyon. Ang puting bato na kapag napasakamay ng isang nilalang ay maaari siyang humiling mula sa mga kapreng kalahi ng nagmamay-ari nito.

Ibinalik ito ng dalaga sa kamay ni Agtalu. "Hindi iyon pagtulong. Nais ko lang ito mapabilis upang makaalis na kami."

"Ngunit ang tulong ay isang tulong anuman ang dahilan ng pagtulong na iyon." Ibinalik muli ng dambuhala ang bato sa kamay ng dalaga.

Nakakapanibago. Iyon ang nadarama ni Malayah. Kailanman ay wala pang ibang nilalang ang naghandog sa kaniya ng kahit anong bagay bukod sa kaniyang ama. Marahil ay dahil kailanman ay hindi pa siya tumulong kagaya ng ginawa niya ngayon.

"Salamat."

Biglang hinablot ni Lakan ang bato mula sa kamay ni Malayah at sinuri ito. "Teka, bakit mo ito ibinibigay sa kanya? Kahit kalian ay hindi mo ito ipinahawak man lang sa akin tapos ibibigay mo sa kanya?"

Bahagyang tumawa lamang ang kapre at naglaho. Ibinigay na muli ni Lakan ang bato kay Malayah.

"Hay, minsan ay iniisip ko kung kaibigan ko talaga iyon."

Kinuha ni Lakan ang mga bagay na maaari nilang magamit sa pag-alis. Alam niyang magiging mahirap at mahaba ang kanilang paglalakbay. Ngunit ang ideyang masisilayan niyang muli ang kabilang mundo ang nakapagpapangiti sa kaniya.

"Oo nga pala, hindi ko pa alam ang pangalan mo."

Nilingon siya ng dalaga. "Malayah."

"Malayah," pag-uulit niya rito at tumango-tango.

--

"Ang mapa ay nasa pangangalaga ni Mariang Sinukuan." Wika ni Lakan at binuksan ang pinto ng asul na kotse na may lumang disenyo at pinapasok si Malayah.

"Sinukuan? Ang diwata ba ng Arayat?"

"Tama." Tugon ni Lakan sa pagpasok sa kotse at pinaandar na ang makina.

Naikwento na noon ng ama ni Malayah sa kaniya ang tungkol sa mapagbigay na diwatang nananahan sa bundok ng Arayat. Noon daw ay ang mga bungangkahoy na tumutubo sa bundok ay masagana. Tuwing gabi ay bumababa ang diwata mula sa kanyang bundok at nag-iiwan ng matatamis na prutas sa harapan ng mga bahay ng mga nangangailangan. Bilang pasasalamat at respeto kay Mariang SInukuan ay walang nagtatangkang umakyat sa kanyang tahanan at abalahin siya. Ngunit dumating ang panahon na hindi na nasisiyahan ang mga tao sa hinahandog ng diwata. Nais nila ng higit pa.

Isang araw, isang grupo ng mga kalalakihan ang umakyat sa kanyang bundok na naghahangad makakuha ng mga bungangkahoy at mga alagang hayop. Nang makaakyat ay namangha sila sa mga nakita. Mga malalaking prutas, kumikinang na tubig mula sa isang ilog, at mga hayop. Nagpakita ang diwata sa mga ito at sinabing maaari silang kumain ng kahit ano ngunit huwag silang mag-uuwi ng kahit ano nang walang pahintulot mula sa kaniya.

Ngunit ang kasakiman ng mga tao ay higit sa ano pa man. Binalewala nila ang sinabi ng diwata. At sa pag-alis nila sa gubat ay naging bato ang mga bagay na kanilang ninakaw. Nagpakitang muli si Mariang Sinukuan, galit na galit. Ginawa niyang mga baboy-ramo ang mga magnanakaw.

At iyon ang huling beses na nakakuha ang mga tao ng biyaya mula sa diwata. Simula noon ay hindi na muling bumaba si Mariang Sinukuan upang mag-iwan ng mga sariwang pagkain sa kanilang mga pintuan. Simula noon ay tila naglaho na ang hiwaga ng bundok at tila ang naiwan na lamang ay ang mga kwento at mga alamat patungkol dito.

"Ngunit hindi ba't matagal nang hindi nakikita sa bundok ang diwata ng Arayat?" Tanong ni Malayah sa kasamang nagmamaneho ng sasakyan.

"Nilagyan ni Mariang Sinukuan ng harang ang kanyang tahanan dahilan upang hindi na ito makita ng mga tao. Ngunit tuwing alas dose ng gabi ay makikita ito sa gitna ng kabundukan at naglalaho lamang sa pagpatak ng alas-dos. Marami rin ang nagtatangkang makitang muli ang diwata. Umaakyat sila sa bundok ngunit wala ni isa ang nakababa nang buhay. Natatagpuan na lamang ang mga bangkay nila pagsapit ng umaga. Sinasabi ng marami na ang mga biktima ay napapatay ng mga mababangis na hayop sa bundok. Ngunit sabi ng ilan ay pakana iyon ng diwata. Parusa sa mapangahas nilang pagpasok sa kanyang tahanan."

Liningon ni Lakan si Malayah. Tila ba sinasabing iyon din ang kanilang gagawin at posibleng matulad sila sa mga bangkay na natagpuan sa bundok. Ngunit hindi ito alintana ng dalaga.

Isa lamang ang nasa isip niya.

Alas-dose ng gabi.

Ihininto ni Lakan ang sasakyan sa kalsada sa gilid ng malawak na maisan. "Kaya mo ba magmaneho?" Tanong niya at humikab.

Umiling si Malayah.

"Kung ganoon ay huminto muna tayo upang magpahinga. Malayo pa tayo sa Arayat. Ang tantya ko ay madaling araw na tayo makakapunta roon. Wala nang bahay-pahingahan ang magpapatuloy sa atin nang ganoong oras."

Tumango lamang si Malayah.

Kinuha ni Lakan ang dalawang unan mula sa likuran at iniabot kay Malayah ang isa. Pinatay niya ang makina at inilagay sa manibela ang unan. Dumukmo at umidlip.

--

"Apalaan," magkakasabay na sambit ng hindi mabilang na mga boses.

"Apalaan." Umaalingawngaw sa madilim na gabi ang mga boses na hindi marinig.

"Apalaan."

"Narito ako," tugon ng isang lalaking nakatayo sa gitna ng kawalan at nakatingala sa langit na tila ba sinisipat ang mga anitung pinanggagalingan ng mga boses.

"Nakita ko na siya," sambit muli ng lalaki at masisilayan ang kurba sa kanyang mga labi.

"Sino?" Sabay-sabay pa ring wika ng daan-daang hindi nakikitang mga anitu.

"Ang nilalang sa sinaunang tagna, ang may biyaya ng liwanag at kadiliman."

Hindi niya maiwasang mapangiti. Kaunting panahon na lamang ay makakabalik na siya sa Kawalhatian bilang isang diyos.

Naglaho ang mga anitu. Narinig niya ang pagbukas ng isang sasakyan.

"Lakan, may kausap ka ba?"

Ngumiti siya at umiling kay Malayah.

"Wala."

***

Malayahजहाँ कहानियाँ रहती हैं। अभी खोजें