25. Sa Dagat Kung Saan Nagsimula

20 4 5
                                    

Dumating ang panibagong umaga. Hindi pa rin mawaglit sa isipan ng mga mamamayan ang kulay lilak na paru-paro na nagpalibot-libot sa bulaklaking arko, ang kakaibang halimuyak na pinaniniwalaang handog ng diyosa, at ang hiwagang naramdaman sa paligid noong gabing iyon.

Tahimik lamang na nakikinig si Malayah sa mga kwento ni Aran patungkol sa Dughangmata. Nakaupo sila sa mga abandonadong gulong na nakapatong sa sahig na kawayan, pinapanood ang mga mangingisdang papalaot pa lamang at mga ibang papadaong na dala ang mga bagong huling isda kaninang madaling araw.

"Totoong maraming hiwaga sa kabilang mundo. Pero alam mo, iba pa rin talaga ang mahika sa mundong hindi sanay na makaramdam nito." Saad ni Aran at bumaling sa dalaga. "Oo nga pala, hindi ata kita nakita kagabi sa bulwagan."

"Nakatulog ako kaagad," simpleng tugon ng dalaga.

Napabuga ng hangin si Malayah nang maalala ang mga nangyari kahapon. Ngunit ngayong umaga ay wala na siyang nararamdamang kahit anong bigat sa kanyang damdamin. Tila ang mga nangyari ay isa lamang bangungot na sa paggising niya ay napupunta na ang alaala nito sa pinakadulo ng kanyang isipan.

Marahil ay dahil nailabas niya ang mga kinikipkip. Pagkamanhid na lamang ang kanyang nadarama. At sa tingin ng dalaga, mas ayos ito kaysa sa sakit.

Mula sa lupon ng mga umaahong mga mangingisda ay nahagip ng mga tingin ni Malayah si Lakan. Sumama ito kaninang madaling araw upang tumulong. Bahagyang napayuko si Malayah at palihim na napangiti.

Napailing siya sa sarili. Tila ba kusang kumukurba ang kanyang mga labi labag sa kanyang kontrol. Sinulyapan niyang muli ang binata. Pinupunasan nito ang pawis sa mukha gamit ang braso habang masayang nakikipagkwentuhan sa mga kasabayang mga mangingisda.

Biglang napalingon sa kanyang direksyon si Lakan kung kaya't kaagad siyang napaiwas ng tingin. Ilang sandali ang nakaraan ay muli niya itong sinulyapan.

Ngunit natigilan siya nang makitang nakatitig ito sa kanya, nakahinto sa gitna ng mga nagsisi-alisang mga tao. Hindi nagawang umiwas muli ni Malayah. Ilang sandali silang nasa ganoong posisyon, tila nakulong sa titig ng isa't-isa.

"Malayah, nakikinig ka ba?"

Kaagad na napalingon ang dalaga sa katabi. Humalukipkip si Aran at sinundan kung saan nakatingin kanina si Malayah. Bahagya itong napangisi at binigyan ng kakaibang tingin ang katabi.

Inirapan niya si Aran at sumandal na lamang sa mga nakatambak na gulong habang nakatitig sa dagat. Ngunit sa isa pang pagkakataon ay sinulyapan niyang muli si Lakan na ngayon ay nakatuon na ang atensyon sa pag-aayos ng mga lambat.

--

Kanina pa hindi mapakali si Sagani. Ang imahe ng pagkabigla ni Malayah noong sabihin niya ang tungkol sa ama nito ay patuloy pa ring sumasagi sa kanyang alaala. Tila pinagsisisihan niyang sinabi ito at nangangambang hindi makakabuti sa dalaga ang mga nalaman.

"Malayah."

Dakong hapon, doon lamang siya nagkalakas ng loob na lapitan ang dalaga. Mula sa lababong pinaghuhugasan ng mga pinggan ay nilingon siya nito.

"Tungkol sa kahapon-"

Isang kurba ang nabuo sa mga labi ng dalaga. Pinunasan nito ang mga basang kamay sa isang panyo bago humakbang palapit kay Sagani.

"Ayos lang." Napabuga ng hangin si Malayah. "Mabuti rin na nalaman ko ang katotohanan. Ngayon ay alam ko na ang dahilan kung bakit ayaw na ayaw ni Papa na makapunta ako rito." Isang mapait na ngiti ang ikinurba ng dalaga.

Pinagmasdan ito ni Sagani. "Kung ganoon... hindi ka na tutuloy sa pagkuha ng mga hiyas?"

Ilang sandalng tinitigan lamang siya ng dalaga. Nagulat si Sagani nang bigla itong tumawa na maski ang mga mata ay kumikinang. Bumalik ito sa mga inuurungang pinggan habang ang tagapagtanggol naman ay naroon pa rin sa kanyang kinatatayuan.

MalayahTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon