50. Portal

16 2 0
                                    

Kaagad na hinitak ni Lakan si Malayah patungo sa kanyang likuran at hinugot mula sa sisidlan ang kanyang patalim. Inilabas ni Sagani ang kambal niyang kampilan. Si Aran naman ay kinuha mula sa kanyang bulsa ang balaraw.

Ibinulsa ni Malayah ang sisidlan ng mga hiyas at kinuha rin mula sa kanyang likuran ang kampilan ng kanyang ama. Humakbang siya upang makapantay ang mga kasama at hinarap ang mga tikbalang.

"Hindi namin nais ng gulo. Ang pakay lamang namin ay ang mga hiyas."

"Hindi ninyo maaaring kuhanin ang mga hiyas sapagkat kami ang unang nakakuha rito," mariing saad ni Sagani.

Tumalon ang mga tikbalang patungo sa bunganga ng bulkan. Nakangising inilibot ng pinuno ng mga ito ang mga mata sa kulob na espasyong kinaroroonan nila. "Kung hindi niyo nais masaktan ay kusa ninyong ibigay sa amin ang mga hiyas."

Hinigpitan ni Malayah ang hawak sa kampilan. "Hindi kailanman," turan niya at sumugod sa mga ito.

Sumunod sa kanya ang mga kasama at sa loob ng bunganga ng bulkan ay nagharap sila at ang mga tikbalang.

Ngunit madilim. Maliit ang espasyong kanilang kinaroroonan. At masyadong marami ang mga tikbalang na naroroon.

"Hindi natin sila kakayanin!" Hiyaw ni Aran.

Nilingon ni Lakan si Sagani at tumango naman ito sa kanya. Pinuntahan niya si Malayah at Aran habang si Sagani ay mag-isang hinaharap ang mga kalaban.

Itinuro ni Lakan ang isang bahagi ng pader ng bulkan na may pagkalubak at maaaring akyatan. "Lilibangin namin ni Sagani ang mga tikbalang upang makatakas kayo."

Napakunot ang noo ni Malayah. "Ano?"

Hinitak niya ang dalawa patungo rito. "Susunod kami. Ang mahalaga ay mailayo ninyo ang mga hiyas sa kanila."

Tumango si Aran kay Lakan at hinila si Malayah paakyat na kunot-noong nakatitig pa rin sa dalawang kasama na nakikipaglaban sa mga tikbalang.

Napabuga ng hangin ang dalaga at tuluyang umakyat. Unang nakarating sa itaas si Aran at inalalayan niya si Malayah na makaangat.

Ngunit sa pagtayo at paglingon nilang muli sa ibaba ay nanlaki ang kanilang mga mata nang makita ang isang liwanag ng kumukulong putik sa biyak ng lupa rito. At sa dulo nito'y nakita nila ang dalawang pares ng mga kamay na mahigpit na nakakapit sa dulo ng lupa.

"Paano ba 'yan? Ipagpapalit niyo ba ang buhay ng mga kaibigan ninyo para sa mga hiyas?"

Napatulala si Malayah rito. Muli niyang hinigpitan ang hawak sa sisidlan ng mga hiyas na nasa kanyang bulsa. Kung ibibigay niya ang mga hiyas ay hindi siya makakarating sa Hiwaga. Ngunit paano naman sina Sagani at Lakan?

Huminga siya nang malalim upang pakalmahin ang sarili. Kinuha niya mula sa bulsa ang sisidlan at inilabas sa palad ang apat na hiyas.

"Mayroon lamang limang hiyas at nagamit na ng kumuha kay Papa ang isa. Ang apat na hawak ko ngayon ay ang pinakahuli sa mundong ito." Iniyukom niya ang kamay na may hawak dito. "Tatlo lamang ang maaaring mangyari sa mga ito. Maaaring magamit namin, magamit ninyo, o kaya naman ay walang makikinabang nito."

Binasag ni Malayah ang mga hiyas sa kanyang palad at ihinagis sa pinakamalayong kanyang makakaya. Sa pinagbagsakan ng mga ito ay lumitaw ang apat na portal na kasya lamang ang apat na mga nilalang.

Nilingon niya si Aran. "Takbo!" Hiyaw niya na ginawa naman ng binata.

At kagaya ng kanyang inaasahan, tumakbo ang lahat ng mga tikbalang paakyat at patungo sa mga portal dahilan upang makababa siya nang ligtas at malapitan ang dalawang kasama.

MalayahWhere stories live. Discover now