18. Si Aran

33 6 9
                                    

"Hindi siya ang kilala nating Sagani."

Katahimikan ang bumalot sa malalim na gabi. Hindi maintindihan ni Lakan ang mga tinuran ni Malayah ngunit mas lalo siyang naguluhan dahil sa panibagong nilalang na dumating.

"Asan na ang higan-S-Sagani?"

Napatingin silang lahat sa isa pang Sagani na kakarating lamang at ngayon ay gulat na makita ang kanyang kawangis.

"Ikaw..." Usal ng tunay na Sagani habang nanlilisik ang mga mata sa kanyang kahuwad. "Ang magnanakaw." Hindi na niya pinansin ang kampilang nakatutok sa kanyang leeg at nilabas niya ang isa pang kampilan upang tutukan ang huwad na kawangis.

"Huwag kang gagalaw!" Usal ni Malayah na tila pinapaalala ang talim na itinututok niya rito.

Ngunit hindi nagpatinag si Sagani. Nakatutok ang kanyang kampilan sa huwad na kawangis habang ang kay Malayah naman ay nakatutok sa kanya. Naistatwa lamang si Lakan sa kinatatayuan at tila seryosong pinagmamasdan ang mga kasama.

"Bumalik ka sa tunay mong anyo, lapastangan! At ibigay mo sa akin ang kabibe ni Kaptan," mariing usal ni Sagani.

Napalingon ang huwad kina Malayah at Lakan. Napakagat siya ng labi at yumuko. Hindi niya batid na malalaman ng mga kasama ang kanyang sikreto sa ganitong sitwasyon. Sasabihin niya naman talaga sa kanila at humahanap lamang ng tiyempo.

Kinuha niya sa bulsa ang gintong kabibe at tuluyan nang nagpalit ng anyo. Isang lalaki, may kabataan mula sa kanyang dating wangis, itim ang maiksi lamang na buhok, at may pagkaputi ang balat. Nakayuko pa rin ay iniabot niya kay Sagani ang kabibe.

Ito ang nagbigay sa kanya ng kakayahang magpalit ng anyo. Ang ginintuang kabibe ng diyos na si Kaptan na iniregalo niya sa diyos ng dagat na si Magauayan. Nasa pangangalaga ito ng mga diwata sa mundo ng hiwaga bago ito nanakaw.

Gulat na pinagmasdan nina Malayah at Lakan ang dalawa. Ibinaba ni Malayah ang kanyang kampilan kasabay ng pagbaba ni Sagani ng kanya. Nakayuko lamang ang lalaki habang pinoposasan siya ni Sagani.

"Teka, hindi ba't nakuha mo na ang kailangan mo? Bakit kailangan mo pa siyang hulihin?"

Nagulat ang lahat nang magsalita si Malayah. Kunot-noo siyang nilingon ni Sagani.

"Ang lalaking ito ay tumawid sa Kawalhatian patungo rito bilang ako. At dahil doon, hindi ako muling makakatawid hangga't hindi ko siya isusuko at mabibigyan ng karampatang parusa."

"Anong parusa?"

Hinawakan ni Lakan sa balikat ang dalaga. "Malayah, kamatayan."

Pinagmasdan ni Malayah ang huwad na nagpakilala sa kanila noon na Sagani. Hindi alam ni Malayah ang dahilan ng pagpapanggap nito. Ngunit kamatayan? Sa kaunting mga araw ay napalapit na rin sa kanila si Sagani, ang huwad na Sagani.

Hindi pa rin magawang makatingin ng nagpanggap na Sagani sa mga kasama. Marahil ay iniisip niyang tama nga ang kanyang ina. Hindi maitatama ang isang pagkakamali kung tatakpan lamang ito ng isa pang pagkakamali. At ngayon, lahat ng pagkakamaling iyon ay bumabalik na sa kanya.

"Paano kung ganito nalang..." Biglang saad ni Malayah at nilagay sa sisidlan ang hawak na kampilan. "Isang hiyas. Makakabalik ka sa kabilang mundo gamit iyon."

Bahgyang tumawa si Sagani. "Ibibigay mo ang hiyas kapalit ng magnanakaw?"

Gulat na napalingon ang huwad kay Malayah ngunit ngumisi lamang ang dalaga habang nakatitig sa totoong Sagani. "Hindi. Tutulungan mo kaming hanapin ang iba pang mga hiyas."

"At paano mo naman nasisiguradong papayag ako?"

Ipinaling nang bahagya ng dalaga ang kanyang ulo at pinagmasdan ang matindig na postura ng tagapagtanggol habang hindi pa rin naaalis ang ngisi sa labi. "Alam kong hinahanap mo rin ang mga hiyas." Napailing siya. "Hindi ang mga hiyas kung hindi ang mga nilalang na nagbabantay rito."

MalayahWhere stories live. Discover now