38. Isang Sugal

31 2 22
                                    

"Ang alamat ng bulkang Mayon ay patungkol sa isang dalagang nagngangalang Magayon. Ang kanyang ama ay isang datu, si Datu Makusog. At ang kanyang ina naman ay isang diwata, Si Diwani. Namatay ito pagkasilang kay Magayon." Nilingon ni Malayah ang bintana at pinagmasdan ang mga kakahuyang nadaraan ng sasakyan nila. "Napakaganda ni Magayon. Kung kaya't marami siyang mga manliligaw. Isa sa mga ito si Pagtuga, anak ng isang sultan at may dugong bughaw katulad ng dalaga. Ngunit hindi ito gusto ni Magayon. Nagkaroon siya ng kasintahan, isang dayo mula sa Laguna. Si Panganoron."

"Tapos?" Tanong ni Aran matapos huminto ni Malayah sa pagkukwento.

Sumandal lamang sa upuan ng sasakyan ang dalaga at nagkibit-balikat. "Matagal na simula noong ikinuwento iyon sa akin ni Papa kaya hindi ko na masyadong maalala."

Bumaling si Aran sa katabing si Sagani. "Ikaw? Alam mo ba ang alamat na'yon? Anong sunod na nangyari?" Wika niyang tila batang gustong magpakuwento sa kanyang lola. Sa sobrang interisado'y hindi mapakaling malaman ang susunod na mangyayari.

Umiling si Sagani. "Hindi ako mahilig sa mga alamat."

Ngayon naman ay dumungaw siya sa harapan upang ang nagmamanehong si Lakan naman ang guluhin. "Ikaw, Lakan? Alam mo?"

Umiling si Lakan. "Ang natatandaan ko nalang ay ang katapusan ng kwento."

"Ano? Sabihin mo! Bili, bili!" Masiglang sabi ni Aran.

"Parehas silang namatay."

Napabagsak ang mga balikat ni Aran at sumandal muli sa kanyang upuan. "Seryoso ba?"

Tumango si Lakan at bahagyang natawa. "Mukha ba akong nagbibiro?"

Napanguso si Aran at tila hindi naniniwala. Nilingon niya si Malayah at tumango naman ito bilang pagsang-ayon kay Lakan. "Iyon din ang alam ko. At sa pinaglibingan ng magkasintahan ay nagkaroon ng isang bulkan at iyon ay ang Mayon."

Mabagal na napatango-tango si Aran. "Kung ganoon ay trahedya pala ang katapusan ng alamat ng Mayon. Ang lungkot naman."

"Lahat naman ng mga alamat ay pawang mga trahedya. Hindi pa ako nakarinig ng isang alamat na naging masaya ang katapusan."

Napalingon ang tatlo kay Sagani. Pinanliitan naman ito ng mga mata ni Aran. "Akala ko ba ay hindi ka mahilig sa mga alamat?"

Hindi ito pinansin ni Sagani. Halata namang kaya lamang niya iyon sinabi ay dahil wala siya sa wisyo para sa panagungulit ng kaibigan.

"Sa lahat ng mga alamat na naikwento sa akin ni Papa, hindi masaya ang mga karakter sa naging katapusan ng kanilang kwento," Pagsang-ayon ni Malayah kay Sagani.

Sumilip ang dalaga sa bintana ng sasakytan at inalala ang mga kwento ng kanyang ama, "Katulad na lamang ng alamat ni Mariang Sinukuan. Natapos ang kanyang kwento na may galit siya sa mga mortal. Ganoon din si Mariang Karamot. Si Angalo naman ay hindi natagpuan ang iniibig kahit hanggang sa wakas ng kanyang kwento."

"Mas tumatatak sa isipan ng mga tao ang mga kwentong trahedya," usal ni Sagani. "Hindi ko alam kung bakit ngunit iyon ang totoo."

Ilang sandaling nabalot ng katahimikan ang loob ng sasakyan. Tila ba isang bugtong ang paksang iyon. Hindi alam ang kasagutan. Bakit nga ba? Bakit nga ba kailangang maging trahedya ang lahat? Nabuo ba ang mga alamat upang patuloy na magdusa ang mga nakakarinig nito at manatili ang alaala ng sakit?

At sa pinag-usapang iyon ay may kanya-kanyang mga bagay ang pumasok sa isipan ng apat.

Iniisip ni Aran ang kanyang ama. Ilang trahedya na ba ang naidulot nito sa mga buhay ng iba't-ibang nilalang? Marahil ay darating ang araw na hahayaan din ng tadhana na magaya siya sa mga ito.

MalayahWhere stories live. Discover now