20. Ang Araw

24 7 5
                                    

Kaagad na nabaling ang tingin ni Malayah sa tagapagtanggol. "Saan?" Tanong niya hindi dahil hindi niya narinig bagkus ay upang siguraduhing narinig niya ito nang tama.

"Sa Makitan."

Tila nagliwanag ang mga mata ng dalaga. Mula siyang sumandal sa inuupuan. Sa Makitan. Ang lugar kung saan siya ipinanganak. Nararamdaman niya ang hindi maintindihang pagkabog ng dibdib. Marahil ay dahil sa ideyang sa wakas ay mararating niya na rin ang Makitan na dati niya pa pinapangarap mapuntahan.

"Hindi tayo maaaring pumunta roon."

Ngunit natigil ang pagkasabik kay Malayah dahil sa tinuran ni Lakan. "At bakit naman?"

Direkta lamang ang tingin ng binata sa daan habang nagmamaneho, seryoso. Hindi siya makakibo. Anong rason ang sasabihin niya sa dalaga? Na hindi sila maaaring pumunta roon dahil baka malaman ni Malayah ang totoong pagkatao? Na kagaya ng ama nito na iyon din ang dahilan kung bakit hindi niya pinayagan kahit kailan ang anak na makarating doon?

"Pupunta tayo." Mariing saad ng dalaga nang hindi naman masagot ng katabi ang kanyang tanong.

Nilingon niya si Sagani sa likod at may bahid ng isang ngiti sa labi niya itong tinanong. "Paano tayo makakapunta sa Makitan?"

--

Seryoso lamang ang mukha ni Lakan nang makababa sa sasakyan at muling makatapak sa buhanginan ng dalampasigan. Sumakay sila sa isang balsa upang makarating sa hindi kalayuang baryo na ang mga bahay ay nakalutang sa tubig.

Liningon niya si Malayah at nasilayan ang pagkamangha sa mga mata nito. Hindi niya alam kung bakit. Sa katunayan nga ay wala namang nakakamangha sa Makitan. Wala itong pinagbago. Ang mga kubong gawa sa kawayan ay ganoon pa rin ang hitsura simula nang huling mapadpad dito si Lakan.

Ang Makitan ay tila napag-iiwanan ng panahon. Hindi. Nanatili sila at hinayaan ang panahon na iwanan sila. Pakiramdam ni Lakan ay bumalik siya sa nakaraan noong una siyang makatapak dito bilang isang diyos. Wala pa rin itong pinagbago.

Marahil ay ang pagkamangha ni Malayah ay mula sa katotohanang minsan na siyang naging bahagi ng tribong ito. Ilang sandali man lamang ngunit naging parte pa rin niya ito.

Sa daungan ng baryo ay sinalubong sila ng isang lalaking nakasuot ng kahel na kamisong hanggang braso lamang ang manggas at isang kortong hanggang tuhod ang haba.

"Maligayang pagdating sa Makitan. Anong sadya ninyo rito?" Nakangiting bati nito sa apat.

Hindi pinansin ni Malayah ang lalaki at inilibot ng tingin ang paligid. Hindi niya maiwasang mapangiti. "Ito ba ang Makitan?" Bulong niya sa sarili.

"Nais naming magpagawa ng mga sandata." Si Sagani ang nagsalita.

Nawala ang ngiti ng lalaki. Hindi naman talaga isang pandayan ang Makitan. At kakaunti lamang ang nakakaalam ng pagpapanday nila ng mga sandata sapagkat ang mga ito ay hindi pangkaraniwan.

"Sino kayo?"

Humakbang paabante si Sagani at ipinakita ang isang batok (tatoo) mula sa ilalim ng manggas ng kanyang damit. "Isa akong tagapagtanggol... mula sa kabila."

Napaawang ang labi ng lalaki at hindi makapaniwalang pinagmasdan ang kaharap. "Tuloy kayo." Wika niya at ihinatid sa punong-panuluyan ang mga bisita.

Malawak ang baryo ng Makitan kahit pa nakalutang ito sa dagat. Ang lapag ay gawa sa mga matitibay na kawayan at pawid. Ang baryo ay nakatayo na sa tubig bago pa man dumating ang mga mananakop sa bansa. Ilang unos na rin ang dumaan ngunit nanatiling matayog ang Makitan.

"Hindi ba delikado rito tuwing bumabagyo?" Tanong ni Malayah sa lalaking nalaman nilang nagngangalang Laon.

"Pinagpapala kami ng mga diyos at diyosa, pinoprotektahan sa kahit anong panganib."

MalayahWhere stories live. Discover now