45. Isang Sumpa

14 2 4
                                    

"... Alam mo kung sino ang may kasalanan ng lahat ng ito?" Ibinaling ni Malayah ang paningin sa bulag nitong kaliwang mata. "Ikaw, Pagtuga."

Mula sa liwanag ng bukana ng kweba ay mababakas ang pagkagulat sa mukha ng matandang lalaki. Ilang sandaling katahimikan ang bumalot sa yungib. Hindi alam ang sasabihin ay yumuko lamang ang matandang lalaki.

Pinagmasdan lamang ito ni Malayah. Simula nang makita niya ang kaliwang mata ng lalaki ay nagkaroon na siya ng hinala. Hindi lamang niya mapagtagpi-tagpi nang buo ang mga nangyari ngunit malaking bagay na ang natuklasan niyang ito. At kapag nahabi nang tama ang mga natuklasang sinulid, tiyak na magsusunod-sunod ito.

Bumuntong hininga ang lalaki. Mula sa mata nito'y makikita ang kalamlaman ng kalungkutan. "Hindi ko kailanman ninais na mamatay si Magayon." Malumanay ang boses nito, kasing tahimik ng pagdaan ng hangin na nag-iiwan ng dalamhati. "Siya ang aking mundo. Naiintindihan mo ba? Nagawa ko lamang ang lahat dahil mahal ko siya."

Mula sa mata nito'y makikita ang pagbalik ng apoy ng nakaraan. Ninais niyang bawiin si Magayon kay Panganoron. Para kay Pagtuga, ang tanging naging kasalanan niya lamang ay ang magmahal.

"Sa tingin ko ay hindi mo kailanman minahal si Magayon. Tinuring mo lamang siyang isang pagmamay-ari."

"Hindi totoo 'yan!"

Sumilay ang galit mula sa mukha ng matanda. Isang matagal na galit na paulit-ulit niyang nararamdaman. Bakit hindi nila maintindihan? Nagawa lamang iyon ni Pagtuga dahil sa kanyang masidhing pagmamahal.

Ngunit naglaho ito nang makita niya ang naging reaksyon ni Malayah. Panandaliang takot ang sumilay sa matapang nitong mga mata. Kaagad na inapula ni Pagtuga ang apoy sa sarili. Sa maraming taon na paulit-ulit na nagdaa'y hindi pa rin niya matutunan kung paano kontrolin ang sarili. Isang bagay na kinamumuhian sa kanya ni Magayon.

"Kung tunay ngang hindi ko minahal si Magayon ay hindi ako magdurusa nang ganito." Tahimik niyang saad. "Na sa bawat pag-uulit ng mga pangyayari ay patuloy pa rin akong nasasaktan sa pagkamatay niya at sa pagkamuhi niya sa akin. Na sa bawat sandaling nilalamon ako ng pagsisisi at nais baguhin ang lahat ay hindi ko kailanman magagawa. Ni ang makahingi ng tawad sa kanya'y hindi ko man lang magawa."

Katahimikan ang muling bumalot sa kweba. Pinagmasdan lamang ni Malayah ang matandang lalaki. Tila inaanalisa ang mga salitang sinambit nito at inuunawa ang bawat letra.

"Hindi ako namatay noong saksakin ako ni Panganoron." Pagpapatuloy ng matandang Pagtuga. "Ngunit matagal na panahon ang inabot bago ako gumaling at magkaroon ng malay. Nang magising ay doon ko lamang nalaman ang kamatayan ni Magayon. Labis ko iyong ipinagluksa. At nang magising ako ay matayog nang nakatayo sa kanilang pinaglibingan ang isang bulkan. Naniniwala ang mga tao na ang bulkang iyon ay si Magayon at ang mga ulap na nakapalibot at humahagkan sa tuktok nito ay si Panganoron. Labis ang galit ko noon sapagkat kahit sa kamatayan ay hindi pa rin sila magkahiwalay. Inakyat ko ang bulkan. At sa tuktok nito ay nadatnan kong naghihintay sa akin si Magayon."

Bahagyang kumunot ang noo ni Malayah. Hindi iyon ang alamat na alam niya. Ngunit humakbang siya papalapit–nais na malaman pa ang lahat.

"Dahil sa pulang hiyas na nasa kanyang pangangalaga, hindi siya sinundo ng kamatayan at ang diwa niya'y patuloy pa ring nasa mundo. Ngunit ipinagpalit niya ang pagkakataong mabuhay muli para lamang isumpa ako gamit ang pulang hiyas."

"Isang sumpa?"

Tumango ang matanda kay Malayah. "Oo, ang lahat ng nakikita mo rito ay dulot ng isang sumpa. Isinumpa niya akong makulong sa walang katapusang dimensyon ng panahon kung saan paulit-ulit kong masasaksihan ang trahedyang dulot ng sakim kong pagmamahal para sa kanya. Naglaho si Magayon sa hangin at nilamon ako ng puso ng bulkan."

MalayahWhere stories live. Discover now