15. Ang Ginintuang Kabibe

36 7 25
                                    

"Paano mo nakuha ang hiyas?"

"Sapagkat hiniling mo ito."

Natigilan si Malayah. "Hindi ako humiling sa iyo."

"Nababasa ko mula sa isip ng mga nilalang ang kanilang mga hiling."

Humakbang ang nilalang patungo sa dalaga, nakalahad pa rin ang kamay kung saan naroon ang hiyas. Nakatitig lamang si Malayah sa asul na sapiro. Unti-unti niyang inangat ang kamay upang abutin ito.

Ngunit umiling siya at niyukom ang palad. "Hindi ko muling bibiguin ang mga kasama ko."

"Hindi mo sila bibiguin."

Naglakad papalapit sa kabilang puno ang engkanto at kumuha rito ng isang sanga. Ihinagis niya ito sa lupa at unti-unting nag-anyong babae. Si Malayah. Maputla, walang buhay.

"Kahit pa ang kaibigan mong tagapagtanggol ay hindi malalamang isa lamang kahoy ang bangkay na iyan."

Lumapit sa bangkay si Malayah. Kamukhang-kamukha niya ito. Mula sa buhok, sa damit, at hanggang sa talampakan. Ang kulang lamang dito ay ang kwintas ng alapaap na suot niya.

"Mamamatay ka rito at makakapunta sa mundo ng hiwaga. Maililigtas mo ang papa mo."

"Anong kailangan kong gawin?"

Kumurba ang mga labi ng engkanto sa isang ngisi. "Hubarin mo lamang ang kwintas at isuot sa iyong huwad."

--

Kaagad na hinanap ng dalawa si Malayah. Mayroon nang ideya si Lakan sa nangyayari ngunit pilit niya itong inaalis sa isip. Marahil ay may iba pang paliwanag sa kanilang sitwasyon.

"Lakan..."

Liningon niya si Sagani na ilang dipa lamang ang layo sa kakahuyang kanilang sinusuyod. Kaagad niya itong linapitan at ibinaling ang atensyon kung saan nakatingin ang kasama.

"Malayah!"

Kaagad silang tumakbo palapit sa dalagang walang malay na nakahiga sa lupa. Maputla at walang senyales ng buhay. Kaagad na hinawakan ni Lakan ang mga pisngi nito at tinapik.

"Malayah!"

Hinawakan ni Sagani ang kamay ng dalaga at pinakiramdaman ang pulso nito.

Unti-unting iminulat ni Malayah ang mga mga mata at bumangon. Kaagad siyang niyakap ni Lakan.

"Anong nangyari?" Tanong nito sa dalaga at tiningnan kung may sugat o galos ba ito.

Natigilan ang dalawa nang ilabas ni Malayah ang telang naglalaman ng hiyas mula sa likod niya. Iniabot niya ito sa kamay ni Lakan.

"Katulad ng ginawa niya kay Ayen, inalok din ako ng engkanto na tuparin ang aking hiling."

Ngumiti siya sa dalawa. "Ngunit sinabi ko na hindi ko kailangan ang kanyang hiling."

--

Umalis ang tatlo sa bahay ng mag-asawa at nagpaalam na lamang kay Aling Sinya upang hindi na maistorbo pa ito.

"Ala-una pa lang. Saan naman tayo tutuloy ngayon?" Saad ni Sagani habang buhat-buhat ang mga gamit.

"Hindi ko alam." Tugon naman ni Lakan habang si Malayah ay tahimik lamang na naglalakad sa malawak at tila walang hanggang kalsada habang dala ang bag.

"Ilang oras pa ang hihintayin natin bago ang unang biyahe ng bus." Wikang muli ni Sagani.

Napabuga ng hangin si Malayah at humarap sa mga kasama. "May... May mga kamag-anak ako malapit dito."

--

"Bakit naman ngayon mo lang sinabi?" Reklamo ni Sagani nang makarating sila sa harap ng isang katamtaman ang laki na bahay. Simentado ito at may bakanteng garahe. Sa tabi ay may iba pang mga nakatayong bahay.

MalayahTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon