48. Si Magayon

6 2 0
                                    

Napadaing si Malayah nang maramdaman ang pagkirot ng kanyang tagiliran. Iminulat niya ang mga mata at natagpuan ang sarili na nakahiga sa isang kama. Sa ilang sandali'y nakatitig lamang siya sa kisameng gawa sa pawid.

Nanlaki ang kanyang mga mata nang matauhan at kaagad na umupo mula sa pagkakahiga. Mula sa kanyang noo ay nahulog ang isang basang tela.

Inilibot niya ng tingin ang paligid. Sa kanyang tabi ay naroon ang isang maliit na lamesa na naglalaman ng isang walang sinding lampara at mga lilang orkidyang nakalagay sa isang kahoy na plorera.

Nakabukas ang bintana ng kwarto at mula roon ay makikita ang mga berdeng puno at mga halaman sa kapatagan. Napatakip ng bibig si Malayah at hindi makapaniwala. Hindi niya maiwasang mapangiti. Siya'y nakabalik.

Nawala rin ang kanyang ngiti nang maalala ang kalagayan ni Lakan nang huli niya itong makita. Kaagad niyang hinawi ang kumot na nakabalot sa kanyang katawan at dahan-dahang tumayo.

Bahagya pa ring kumikirot ang kanyang sugat ngunit sinubukan niyang maglakad patungo sa pinto.

Ngunit bago pa man siya makalapit dito ay bumukas na ito. Doon ay nasilayan niyang muli ang binata. Si Lakan. Napansin ni Malayah ang pagiging maayos na ng kalagayan nito at napangiti na lamang siya bilang pasasalamat kay Bathala.

Hindi mamutawi ni Lakan ang kanyang kagalakan nang makitang gising na si Malayah. Kaagad niyang nilapitan ang dalaga at niyakap ito.

Niyakap siyang pabalik ni Malayah. Ipinikit ng dalaga ang mga mata at hinayaang tumulo ang mga luha. Hindi niya mapapatawad ang sarili sa oras na may mangyari kay Lakan nang dahil sa kanya.

Bumitiw si Lakan upang punasan ang mga luha ng dalaga. Binigyan niya ito ng isang marahang ngiti. "Ngayong narito ka nang muli ay magiging maayos na ang lahat."

Hinawakan ng dalaga ang palad nitong nasa kanyang pisngi at nakangiting tumango.

--

Hindi nagbago ang kakaibang dimensyong nilikha ni Magayon mula nang huli niya itong masilayan. Hindi niya alam kung gaano siya katagal walang malay ngunit pakiramdam niya'y matagal siyang nawala.

Napagtanto ni Malayah na muntikan na siyang mamatay. Sapagkat gumagana lamang ang kapangyarihan ng pulang hiyas upang magbigay ng isang pangalawang buhay sa pangalawang mundo. At ang dimensiyon kung saan hindi nawala ang kanyang Papa ay ang mundong nilikha ng hiyas para sa kanya upang manatili ang kanyang kaluluwa.

Kung pinili kong manatili roon ay tuluyan akong mamatay sa reyalidad?

Hindi pinagsisisihan ni Malayah na kumawala siya sa dimensyong iyon. Hindi pa niya nais mamatay sapagkat ipinangako niya pa ang pagbawi niya sa kanyang ama mula sa mundo ng Hiwaga.

Mula sa 'di kalayuan ay naaninag ni Malayah ang pigura ni Sagani. Kaagad silang nagtungo rito ni Lakan at malugod itong sinalubong ni Malayah.

"Sagani! Nagagalak akong narito ka," nakangiti niyang sambit.

Tinitigan lamang siya ni Sagani. Nanatiling seryoso ang mukha nito habang ang mga mata'y nagkikislap ng pag-aalala. "Ayos ka na ba?" Tanong niya at bumaling kay Lakan.

Natigilan si Malayah nang maalala ang pagkakatama ng palaso sa likuran ni Lakan at ang imahe ni Sagani 'di kalayuan na may hawak na isang pana. Ito ang dahilan ng pagdurusang dinanas nila.

Ngunit batid ng dalaga na ang kakaibang pwersa ang may gawa nito at isang instrumento lamang si Sagani upang tuparin ang mga nakasulat na mangyayari.

Ngumiti si Malayah at hinampas ang balikat ng kaibigan. "Huwag kang masyadong seryoso. Ano ba, ayos na kami. Hindi ba, Lakan?" Saad niya at nakangiti namang tumango ang binata.

MalayahWhere stories live. Discover now