6. Ang Tiyanak

42 9 8
                                    

Napuno ng sigawan ang bahay. Kaagad na nilapitan ni Alfredo ang mag-ina niya upang protektahan. Tulala pa rin si Malayah habang nakatitig sa sanggol na ngayon ay halimaw na.

"Sagani, kuhanin mo ang mga kampilan!" Sigaw ni Lakan na kaagad namang sinunod ni Sagani.

Naglabas ng isang matinis at nakakakilabot na sigaw ang tiyanak nang hagisan siya ng asin at bawang ni Tandang Nilo at saka ito tumakbo patago.

Inalalayan ni Jasper si Aling Rene na ngayon ay sapo-sapo ang dibdib para umupo. "Diyos ko, bakit ngayon siya nagpapakita? Hindi ba't tuwing kabilugan ng buwan lamang siya nanghihingi ng laman?" Wika nito sa bawat hikbi.

"Ibig sabihin ay matagal na ang tiyanak dito?" Kunot-noong tanong ni Lakan.

Hindi kumibo si Aling Rene. Ilang sandaling bumalot ang katahimikan sa lahat. Si Tandang Nilo ay nakaupo lamang at tila malalim ang iniisip. Si Jasper naman ay hinahagod ang likod ng kanyang inang ngayon ay nakayuko lamang. Si Esme ay kalong-kalong ang anak. Sina Sagani at Alfredo naman ay naka-abang sa paligid dahil baka lumitaw muli ang halimaw. Magkatabi namang nakatayo sina Malayah at Lakan.

"Kaya ba..." Pagbasag ni Malayah sa katahimikan. "... nais mo kaming manatili rito hanggang bukas ng gabi, sa kabilugan ng buwan, dahil ang mga laman namin ang ibibigay mo sa tiyanak?"

Nilingon siya ni Lakan ngunit ang kaniyang matatalim na titig ay naka'y Aling Rene lamang.

Bigla itong umiyak muli. "Patawad, patawad. Kung hindi ko gagawin iyon ay kami ang kakainin ng halimaw."

Ngayon ay malinaw na kay Malayah ang lahat. Ang pagkabahala ni Jasper at Esme nang malamang may bisita sa kanilang bahay. Marahil ay dahil hindi sila sang-ayon sa nais ni Aling Rene. At ang pagpupumilit nito na manatili ang tatlo.

"Lakan, Sagani. Aalis na tayo. Ngayon na."

Liningon siya ni Sagani. "Hindi ba natin sila tutulungan na patayin ang tiyanak?"

"Hindi mo ba narinig? Balak nila tayong ipain!"

Hindi kumibong muli si Sagani ngunit hindi rin naman siya tuminag sa sinabi ni Malayah.

Tinitigan siya ni Malayah at bahagyang tumawa. "Anong ibig mong sabihin? Balak niyo talaga silang tulungan kahit ninais nila tayong ipain sa halimaw?"

Nilingon niya si Lakan upang hingin ang opinyon nito ngunit hindi ito kumibo at alam na ni Malayah kung ano ang tugon nito.

"Bahala kayo. Kung gusto niyong manatili, wala akong pakialam. Dadalhin ko ang mapa at mag-isang hahanapin ang mga hiyas." Saad niya at akmang aalis nang hawakan ni Lakan ang kanyang braso.

"Malayah, hindi ka pa ba natututo sa nangyari sa bundok ni Mariang Sinukuan?"

Napahinto si Malayah. Hindi niya kaya mag-isa at alam niya iyon. Ngunit hangga't maaari, nais na niyang mapabilis ang paghahanap sa mga hiyas upang mailigtas na ang ama.

"Hinahanap ninyo ang mga hiyas?"

Napalingon silang tatlo kay Tandang Nilo na ngayon ay nakatayo na sa tulong ng kanyang tungkod.

"Sino ba talaga kayo?"

Napalunok si Malayah. Alam niyang hindi niya dapat binanggit sa harapan ng iba ang tungkol sa mga hiyas.

--

Ipinaliwanag ni Lakan ang lahat kay Tandang Nilo. Napag-alaman din nila na ang matanda ay isang dating tagapagtanggol katulad ng ama ni Malayah at kagaya ni Sagani kung kaya't alam din nito ang tungkol sa mga hiyas.

Napabuntong-hininga si Malayah. "Bahala kayo. Ngunit bukas na bukas, sa pagsikat ng araw, patay man o hindi ang tiyanak ay aalis na tayo."

Umupo lamang siya at pinanuod ang mga kasama na hanapin ang halimaw at puksain ito. Nais niyang itulog na lamang ang gabi ngunit hindi niya nais na magising na isang kaluluwa na lamang. Kaya niyang makipaglaban ngunit hindi niya maipagtatanggol ang sarili kapag natutulog.

MalayahWaar verhalen tot leven komen. Ontdek het nu