19. Sa Makitan

35 6 17
                                    

Liningon niya si Malayah at dahan-dahang napaatras. Tila bumabalik sa kanya ang mga pangitaing nakita sa balon ng kanyang kapatid. Ang mukhang may pag-aalalang nakatingin sa kanya ngayon ay ang parehong mukha na nababahiran ng dugo na nakita niya sa balon ng tadhana.

Ngunit ang dugong iyon ay hindi mula sa sariling sugat bagkus ay sa mga napaslang.

Kumunot naman ang noo ni Malayah nang makita ang pagkalukot ng mukha ng binata habang nakatitig sa kanya.

Pumikit si Lakan at huminga nang malalim upang pakalmahin ang sarili. Ngumiti siya at umiling sa dalaga. "Sumakit lang bigla ang ulo ko."

Binitawan ni Malayah ang mga balikat ng binata ngunit hindi pa rin inaalis ang mga tingin dito, nagtataka pa rin sa ikinilos ng binata kanina. Bumuntong hininga siya at bumaling muli kay Aran.

"Huwag kang gagawa ng kahit anong masama." Usal niya at lumabas upang pumasok sa sariling kwarto.

Napayuko naman si Aran. Nalulungkot siya sapagkat tila nawalan na ng tiwala sa kanya ang mga kasama.

--

Kinabukasan ay nag-impake na ng mga gamit ang tatlo upang umalis at tumungo na sa susunod na destinasyon.

Binuhat ni Malayah ang mga gamit at lumabas sa kanyang kwarto. Kumunot ang kanyang noo nang makita si Aran sa labas at biglang hinablot ang mga gamit mula sa mga kamay niya.

"Anong ginagawa mo?"

"Ako na rito," saad ni Aran at ngumiti nang kita ang mga mapuputing ngipin.

Kunot pa rin ang noo ng dalaga nang hitakin siya palabas ni Aran.

"Gusto kong bumawi sa inyo ni Lakan." Huminto ito at humarap sa dalaga nang nakanguso na parang bata.

Napailing-iling si Malayah at naglakad muli. "Ngayon ay naiintindihan ko na."

"Ang alin?"

"Kung bakit tila hindi bagay ang pagiging isip bata mo sa wangis ni Sagani," wika niya na lalong nagpanguso kay Aran.

Mula sa balkonahe ay nahagip ng tingin ni Malayah si Lakan na nasa baba na at kinakausap ang isang lalaking nagtatrabaho sa panuluyan. Nagpatuloy silang muli sa pagbaba sa hagdan.

"Alam mo ba, Malayah, kayo palang ni Lakan ang naging kaibigan ko."

Natigilan si Malayah. Naalala niya ang sinabi noon ni Aran tungkol sa pag-ayaw sa kanya ng iba dahil sa kanyang ama. Parehas pala talaga sila. Ang pinagkaiba lamang ay hindi alam ng dalaga ang rason ng pagka-ayaw ng iba sa kanya.

"Sinong may sabing magkaibigan tayo?"

Nalukot ang noo ni Aran sa sinabi ng dalaga. "Hala, hindi ba?"

Bahagyang natawa si Malayah sa reaksyon nito at ginulo ang buhok ni Aran bago muling naglakad pababa.

Si Lakan naman ay dumiretso sa sasakyan pagkatapos makausap ang tagapangasiwa ng panuluyan para sa kanilang paglisan. Sumandal siya sa likuran ng kotse habang hinihintay ang mga kasama.

Nakita niya ang dalawa na palabas na. Si Aran na lamukot ang mukha at nakasimangot. Si Malayah naman ang may mga ngiti mula sa pagtawa.

Pinagmasdan ni Lakan ang dalaga at naalala na naman ang mga pangitain. Napabuga siya ng hangin. Hindi niya nakikita ang nilalang ng sinaunang tagna sa nakilalang Malayah.

Nang makalapit ay huminto sa tabi niya ang dalaga habang si Aran naman ay ipinasok sa loob ng sasakyan ang mga dalang gamit.

Nilingon ni Malayah si Lakan nang mapansing nakatitig lamang ito sa kanya. "Bakit?"

MalayahTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon