49. Mga Tikbalang

8 2 0
                                    

"Andong, ano bang tinititigan mo riyan?"

Nanlaki ang mga mata ng batang si Andong at kaagad nilingon ang kanyang nanay. Mas lalo pang nanlaki ang kanyang mga mata nang makita ang tsinelas na hawak nito.

"Hindi ba't sinabi ko na tulungan mo ang lolo mo sa paggawa ng atsara? Pasok!"

Kaagad na tumakbo papasok sa bahay si Andong at iniwasan ang tsinelas na hawak ng kanyang nanay.

Nang makarating sa likod-bahay si Andong ay nadatnan niya ang kanyang lolo na nakaupo sa isang bangko at nagkakayod ng mga papaya. Lumapit siya rito at umupo sa isang torso.

"Tinitingnan mo na naman ba ang Mayon?"

Tumango si Andong sa kanyang lolo at kumuha ng papaya sa timba at nagsimula itong balatan gamit ang isang kutsilyo. "Totoo naman po ang sinabi ko kagabi 'eh. Talagang nakita ko pong magbuga ng apoy ang bulkan!"

Napanguso si Andong at tila masama pa rin ang loob mula sa pagkakapalo ng kanyang ina sa kanya kagabi matapos niyang bulabugin ang buong kabahayan sa kanyang kalokohan at saka sinabi nitong hindi magandang biro ang pagsabog ng Mayon.

"Totoo naman po talaga 'eh," bulong niya sa mas mahinang tono. "Nakita ko po talaga," sambit nito at tuluyan nang umiyak.

"Haynako! Tumahan ka nga, hijo." Binitawan ng kanyang lolo ang hawak na papaya at hinimas-himas ang likod ng apo upang patahanin ngunit hindi ito tumigil.

Napabuga ng hangin ang matanda at bumulong sa kanyang apo. "Ganito nalang, hijo. May sasabihin ako sa'yong sikreto."

Napatigil sa pag-iyak si Andong at tumingin sa kanyang lolo. Napangiti ang matanda. Kuhang-kuha nito ang kiliti ng apo.

"Sabihin na nating tunay nga ang iyong nakita kagabi. Ngunit... hindi mo iyon maaaring ipagsabi kahit kanino."

Nanlaki ang mga mata ni Andong at napatakip ng bibig. "Hala, sinabi ko na po kila mama."

Tumango ang matanda. "Mabuti na lamang at hindi sila naniwala kung hindi ay lagot ka kay Magayon!"

Napakunot ang noo ni Andong at muling nanlaki ang mata nang makilala ang pangalang binanggit ng kanyang lolo. "Si Magayooon? Ang diwata ng bulkan?"

Tumango ang matanda.

"Ngunit bakit naman siya magagalit sa akin?"

"Sapagkat binubunyag mo ang kanyang sikreto!"

Napasinghap si Andong at napatakip ng bibig. Nanlaki ang kanyang mga mata at inilibot ng tingin ang paligid. At sa maliit niyang boses ay kanyang ibinulong, "Paparusahan niya ba ako, Lolo?"

Napataas ang kilay ng matanda. "Hindi, kung hindi mo na muling babanggitin ang nangyari."

Nagliwanag ang mukha ni Andong at tumango-tango. Itinaas pa niya ang kanang kamay at sumaludo. "Pangako po!" Saad niya at nagpatuloy sa pagbabalat ng papaya.

Napangiti ang matanda sa kanyang apo. Kinuha niyang muli ang mga papaya at ipinagpatuloy ang pagkayod dito. Ilang sandali ay sinulyapan niya ang pigura ng bulkan sa 'di kalayuan.

Sa katunaya'y kanya ring natunghayan ang naudlot na pagsabog ng bulkan. At sa mga sandaling iyon ay napagtanto niyang tuluyan nang nabasag ang sumpang lulan ng kanyang mga ninuno.

Sa paglaho ng kumikinang na kumukulong putik na pinagliliwanag ang bulkan sa gabing iyon ay nabalot nang muli ng kadiliman ang paligid. Ngunit isang bagay ang kanyang natanglawan. Isang aninong mas matingkad pa ang itim na kulay kaysa sa kadiliman ng gabi.

Ang bakunawa.

At sa mga sandaling iyon ay batid ng matanda na nalalapit na ang muling pagbukas ng pinto ng Hiwaga.

MalayahOpowieści tętniące życiem. Odkryj je teraz