30. Sa Pagkamatay ng Ibon

24 4 8
                                    

"Bakit ka pumayag?"

Nagpatuloy lamang si Malayah sa paglalakad at huminto sa tapat ng kanyang kwarto. Binuksan niya ito at pumasok. Sumunod naman si Aran.

"At bakit naman hindi ako papayag?" Kunot-noo niyang tugon sa binata. Kinuha niya ang mga gamit upang iimpake. "Desisyon ni Lakan na manatili. Wala akong magagawa."

Hindi malinaw kay Malayah ang dahilan ng biglaang desisyon ng kasama. Ngunit hindi na niya iyon kailangang problemahin. Ang mahalaga sa kanya ngayon ay ang makaalis sa Makitan at makausad sa misyon.

"Pero, Malayah-"

Napapikit siya. Kanina pa nangungulit si Aran tungkol dito. At ngayon ay tila naririndi na siya. Humarap si Malayah rito. "Aran, tama na. Pakiusap."

Ilang sandaling natahimik si Aran kung kaya't bumalik na si Malayah sa pag-aayos ng mga gamit. Ang akala niya ay umalis na ito ngunit muli itong nagsalita.

"Pero kasi... parang may mali." Naglakad si Aran patungo sa kabilang bahagi ng kama upang makaharap ang dalaga. "Nais ni Lakan na makapunta sa kabilang mundo. Hindi siya gagawa ng ganoon kadaling desisyon. At kung may magugustuhan man siya ay tiyak akong hindi si Linsana iyon."

Huminto si Malayah sa ginagawa at tinitigan ang kasama. "Ano ngayon ang nais mong ipahiwatig."

Natulala si Aran, iniisip ang nais sabihin. Ngunit hindi niya mailapat ang mga ideya sa salita kung kaya't napakibit balikat na lamang siya. "Kilala mo si Lakan, Malayah. Alam mo kung gaano niya kanais makapunta sa mundo ng hiwaga."

Napabuntong hininga si Malayah at blankong tinitigan ang kasama. "Hindi ko siya kilala," panimula ng dalaga. "O ikaw. O si Sagani. Katulad mo ay maikling panahon ko pa lamang kayong nakakasama. Sa paningin ko, pawang mga estranghero lamang kayo. Ano naman kung hindi sasama sa atin si Lakan paalis? Mas maganda nga iyon sapagkat ngayon ay isang hiyas na lamang ang kailangan natin kuhanin at matatapos na ang lahat ng ito. Makakabalik ka na sa inyo, makukuha ni Sagani ang gantimpala niya, at ako, maililigtas ko na si Papa."

Tumango-tango si Malayah sa kanyang sarili at iniwanan si Aran na hindi nakakibo sa kanyang mga sinabi.

--

Ngayon lamang napagtanto ni Linsana kung ano ang kanyang mga pinaggagawa at kung gaano ito kapanganib.

Nang magtagumpay ang gayumang kanyang ginawa ay ninais niya ito kaagad na ipaalam sa punong babaylan. Nang sa gayon, katulad ni Maria ay maging isang ganap na alabay rin siya.

Ngunit pumasok sa eksena ang kanyang kuya Laon. Nalaman nito ang desisyong pagpapaiwan ni Lakan para sa kapatid. Kilalang kilala nito si Linsana at sandaling iyon ay napansin na agad ni Laon na may mali.

Walang nagawa si Linsana kung hindi ang sabihin ang lahat sa kanyang kuya. Ang pagiging alabay ni Maria na nagbigay pag-asa sa kanya; ang gayuma sa libro ni Malayah; ang pagtungo sa kweba ni Dalikmata; at ang paggawa ng gayuma.

Nang malaman ang mga ito ay bumugso ang galit sa dibdib ni Laon. Sapagkat ang kapatid pala ang nakipaglaro kay Dalikmata dahilan nang pagkakabuwag ng pananggalang ng Makitan na sanhi ng pagkakapasok ng halimaw sa baryo na muntik nang ikapahamak ni Sol.

Nanlumo si Linsana nang malaman ang mga ito. At napagtanto rin niya na hindi niya maaaring sabihin sa punong babaylan o kahit kanino pa ang matagumpay na gayumang kanyang ginawa sapagkat papalalain lamang nito ang lahat.

Hindi siya magiging isang alabay katulad ni Maria.

Sa paglubog ng araw ay nagkulong na lamang si Linsana sa kanyang kwarto. Patuloy ang paghikbi. Nais niyang sabunutan ang sarili dahil sa kahibangan. Ano na lamang ang mararamdaman ng kanyang mga magulang sa oras na malaman ito kapag bumalik sila? Ano na lamang ang mukhang ihaharap niya kina Malayah sa oras na malaman ng mga ito ang pagkadamay sa kanyang kalokohan.

MalayahWhere stories live. Discover now