26. Ang Mahiwagang Sandata

22 4 8
                                    

Kunot-noong lumabas si Lakan mula sa kanyang tinutuluyan nang makarinig ng kakaibang ingay. Sa pagbukas ng pinto ay kaagad niyang napansin ang mga nagsisitakbuhang mga tao.

Madilim na ang langit at nagsisimula nang maghari ang malamlam na buwan sa paglisan ng nakasisilaw na araw. Tinungo ng binata ang pinagmumulan ng mga nagsisitakbuhang mga tao.

Mula sa 'di kalayuan ay natanaw na ni Lakan ang lupon ng mga mandirigma ng Makitan habang pinalilibutan ang isang nilalang sa himpapawid. Isang Mananaggal.

"Mahabaging langit! Tuluyan na bang iniwan ng mga diyos ang Makitan? Hindi ba't may panangga ang bayan mula sa mga nilalang ng dilim?" Rinig niyang usal ng isang ale habang pinapatahan ang kalong na sanggol.

"Ngayon pa lamang nangyari ito. Sa walong dekada kong paninirahan dito ay ngayon pa lamang may nakapasok na ganyang nilalang sa Makitan!" Usal naman ng isang matandang lalaking nakatayo tulong ng kanyang tungkod.

"Marahil ay hindi nagustuhan ng diyosang si Dalikmata ang handog kagabi." Si Laon naman ang nagsalita. Nagsimula itong maglakad patungo sa kaguluhan at sumunod naman si Lakan.

Nahuli ng isa sa mga mandirigma ang naturang manananggal at iginapos ito. "Ano ang pakay mo rito!" Hiyaw ng isa na tinugunan naman ng nilalang ng isang angil.

Ilang sandali ay dumating si Datu Birani. Lumapit ito sa anak niyang si Laon. Napailing ang datu habang pinagmamasdan ang nilalang na nasa kanilang teritoryo. "Imposible..."

"Ama," tawag ni Laon sa datu nang maglakad ito papalapit sa manananggal.

Lumuhod ang datu upang mapagmasdang mabuti ang manananggal. Nagwawala naman ang halimaw habang pilit inaabot ng matatalim na mga kuko ang datu ngunit hindi magawa dahil sa pagkakagapos.

"Ano ang pakay mo rito?" Mahinahong turan ni Datu Birani.

Ngumisi ang manananggal at gamit ang galgal na boses ay tinanong nito, "Bakit? Kapag sinabi ko ba ang nais ko ay ibibigay ninyo sa akin!?"

Matalim na nakipagtitigan ang manananggal sa datu. Si Lakan naman ay pinagmamasdan lamang ang halimaw at tila ba tinutukoy ang dahilan ng panggugulo nito sa kanyang isipan.

Napalingon ang binata sa katabing si Laon nang mabilis itong naglakad patungo sa manananggal, hinablot ang kampilan ng isa sa mga mandirigma, at marahas na itinarak sa dibdib ng halimaw.

Napasinghap ang mga mamamayan sa nasaksihan. Tinakpan ng mga ina ang mga mata ng kanilang mga anak at ang iba ay napaiwas ng tingin. Maski si Lakan ay nabigla sa ganoong pagkilos ng panganay na anak ng datu.

"Laon," kalmado pa ring sambit ni Datu Birani at tumayo mula sa pagkakaluhod.

"Ama, malinaw ang pakay ng halimaw. Ang makasakit at manggulo sa ating bayan! Hindi na nararapat pang kausapin sapagkat tiyak ang balak nilang tayo ay linlangin."

Karamihan sa mga tao roon ay napatango sang-ayon sa tinuran ni Laon. Napabuga siya ng hangin at ibinalik ang kampilang hawak sa may-ari nito. Pinunasan ni Laon ang bahid ng dugo sa kanyang pisngi at palihim na sumulyap sa eskinita ng kabahayan kung saan naroon si Sol, nakatakip ang bibig habang nakatitig sa nakahandusay na manananggal.

Kunot pa rin ang noo ni Lakan sa ginawang pagkilos ni Laon ngunit paikot-ikot sa kanyang isipan ang isang tanong. Ano naman ang pakay ng manananggal? Ilang Segundo, siya rin mismo ang sumagot nito.

Kaagad siyang napaatras at tumalikod. Ang anino. Si Malayah!

Hindi alam ni Lakan ngunit sa hangganan siya kaagad dinala ng kanyang mga paa. Doon ay nakita niya ang isang balabal at mga sapin sa paa na sigurado siyang pagmamay-ari ng dalaga.

MalayahTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon