24. 'Di Kasiguraduhan

24 4 1
                                    

Naramdaman ni Malayah ang unti-unting pagsikip ng kanyang dibdib. Ang kanyang paghinga ay lumalalim at tila ang lalamunan ay natutuyo na. Imposible. Pilit siyang umiling-iling sa sarili.

"Malayah."

Hinarap niya si Sagani habang pilit pa ring umiiling.

"Nais mo bang malaman ang katotohanan?" Humakbang si Sagani palapit sa dalaga at hinawakan ang mga kamay nito at binuklat ang mga palad. "Kaya kong basahin ang mga palad mo."

Kaagad na binawi ni Malayah ang kanyang mga kamay at iniyukom ito sa kanyang dibdib. Nais niya mang magsalita ngunit tila naubos na ang kanyang tinig. Tinalikuran niya si Sagani at inihakbang ang mga paa palayo.

Hindi niya alam kung saan pupunta ngunit ang alam niya lamang ay kailangan niyang lumayo. Ang mga winika ni Sagani ay patuloy pa ring naglalaro sa isipan ng dalaga. Umiling siyang muli. Imposible.

Nagbalik ang kanyang atensyon sa paligid nang muntik nang makatunggo.

"Ayos ka lang, Malayah?" Si Lakan. Kunot-noo niyang nilingon ang pinanggalingan ng dalaga bago muling bumaling dito.

Hindi kaagad kumibo si Malayah. Kinuha niya ang isang kahon ng mga bulaklak na nakapatong sa hawak ng binata. "Ayos lang."

Wala nang kumibong muli sa kanila hanggang sa makarating sa bulwagan. Ngunit simula noong mga sandaling iyon ay hindi na naalis sa isipan ni Malayah ang mga nalaman. At sa pagtakbo ng oras, unti-unti siyang sinasakal ng katotohanang natuklasan.

--

Dumating ang gabi ng Dughangmata. Nagtipon-tipon ang mga mamamayan ng Makitan sa loob ng bulwagang ngayon ay napupuno na ng mga bulaklak upang saksihan ang pagbaba ng diyosa na si Dalikmata.

"Literal bang magpapakita rito ang diyosa?" Bulong ni Aran sa katabi.

Bahagyang natawa si Laon at umiling. "Isang paruparo. Kapag may dumapo na paruparo sa isa sa mga bulaklak, ibig sabihin ay nakababa na siya rito mula sa Kawalhatian."

"Ngunit ang mga paru-paro ay madalas lumapit sa bulaklak. Hindi imposibleng may mapadpad na paru-paro rito. Paano ninyo malalaman na si Dalikmata nga iyon?"

"Aran, walang paru-paro ang lumilipad tuwing gabi."

Napatango naman si Aran. "Oo nga, ano?"

Sa tabi naman nila ay nakatayo rin si Linsana kasama ang pinsan nitong si Sol. Masisilayan ang mga ngiti sa labi ni Sol dahil sa pagkamangha. Ito ang unang beses niyang makarating sa Makitan at ang unang beses din na makakaramdam siya ng presensya ng isang diyosa-kung totoo man sila.

Lumaki si Sol sa kamaynilaan, puno ng mga siyentipikong kaunlaran at mga pag-aaral. Ngunit kahit ganoon ay namamangha pa rin siya sa mga kwento patungkol sa mga mitolohiya. Nais niyang makakita ng mga ito at kung papalarin ay maging parte ng kanilang hiwaga.

Natauhan siya mula sa paghihiraya nang may kumalabit sa kanya mula sa likod. Kaagad niya itong nilingon at nanlaki ang mga mata nang makita kung sino ito. Nginitian siya ng isang babaeng nakasalamin sa ilalim ng isang puting belo.

"Luna?"

Kaagad na hinitak ito ni Sol. Nang makalayo sa bulwagan ay kunot-noo siyang hinarap si Luna.

"Anong ginagawa mo rito? Alam mo naman na mahigpit na magkaaway ang Makitan at Daluti. Paano kung malaman nila na mula ka sa kabilang isla?"

Nagkibit-balikat si Luna at tinanggal ang belo mula sa kanyang buhok. "Hindi naman nila malalaman."

Napairap at napasapo sa noo si Sol. Sa oras na malaman ng kanyang tiyuhin na nagpapasok siya ng dayo sa nasasakupan nito ay baka hindi na siya muling payagang makapunta rito sa Makitan.

MalayahTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon