33. Sa Talibon, Bohol

20 4 20
                                    

Tahimik ang kanilang biyahe.

Mula sa paggalaw ng manibela ay panay ang pagsulyap ni Lakan sa katabi. Kanina pa tahimik si Malayah, maski ang dalawa pa nilang kasama sa likurang upuan ng kotse.

Mahigit isang oras pa lamang mula nang lisanin nila ang Makitan. Hindi na nila naabutan ang pag-uwi ng datu at ng dayan ngunit maayos silang nakapagpaalam sa mga anak nito. At ngayon ay patungo na sila sa susunod na destinasyon, sa kuta ng mga manananggal sa Talibon, Bohol.

"Malapit na tayo sa bayan ng Talibon," turan niya upang basagin ang katahimikan. Ngunit wala man lamang kumibo, maski ang masiyahing si Aran.

Marahil ay dahil nararamdaman ng lahat kung gaano kadilim ang kanilang patutunguhan. O marahil ay dahil sa nangyari sa kanilang pinanggalingan. Hindi alam ni Lakan. Siguro ay parehas.

Kalahating oras pa ng biyahe ang lumipas at natunton na nila ang baranggay ng Magsaysay sa Talibon. Sa pagbaba sa sasakyan ay katahimikan pa rin ang bumungad sa kanila.

Di kalayuan, sa masukal na gilid ng daan, ay may mahabang kawayang upuan na nasisislungan ng bubong na gawa sa nipa at iba pang mga dahon. Doon ay may mga taong nakaupo at pinagmamasdan sila habang nagbubulungan.

Si Lakan ang naglakas loob na lumapit sa mga ito. "Magandang umaga po, mayroon ho ba kayong alam na marerentahang panuluyan malapit dito?"

Nagkatinginan ang mga kausap niya. Dalawang ale na nakasuot ng bulaklaking mga daster. Ang isa ay kulay pula at ang isa pa'y nakasuot ng asul. Ang mga mahahabang buhok ay nakapusod na tila hindi na nagawang suklayin. Sa likod ng mga ito ay naglalaro ang dalawang bata na marahil ay kanilang mga anak.

"Nako, hijo. Sigurado ka bang hindi ka naliligaw? Walang panuluyan dito dahil hindi naman ito pasyalan ng mga turista."

Napatango lamang si Lakan at napalingon sa mga kasama 'di kalayuan na naghihintay malapit sa kanilang sasakyan. "Ganoon po ba? 'Eh, kainan po? May alam po ba kayong malapit na karendirya? Mahaba-haba rin po kasi ang naging biyahe namin."

Tumango ang mga ito at sinabi kay Lakan ang direksyon. Napatango lamang si Lakan at nagpasalamat bago muling bumalik sa mga kasama.

Tahimik pa rin ay muli silang pumasok sa sasakyan. Sinabi ng mga ale na kailangan lamang nilang diretsuhin ang masukal na kalsada at sa dulo nito ay mayroong dalawang daan. Tumungo sila sa kanan at sa pag-usad ay matatanaw nila ang kabahayan. Sa isang malaking bahay na gawa sa kawayan, naroon sa harap ay nakatayo ang isang karinderya.

Narating nila ito at mula sa nakabukas na bintana ay maaamoy ang nakatatakam na halimuyak ng mga bagong lutong pagkain. Lumabas sila ng sasakyan at lumapit dito. Sinalubong sila ng isang dalaga nang may matamis na ngiti.

"Magandang umaga! Pasok po kayo at maupo," mahinhin niyang wika. Nakasuot ito ng kulay itim na epron na nakapatong sa kulay rosas niyang bestida. Mapapansin ang pagka-tsokolate ng kanyang buhok sa pagtama ng sinag ng araw dito. Malinis itong nakatirintas sa kanyang likod.

Tumango lamang ang apat at sumunod sa dalaga.

"Ako nga pala si Liway," pakilala nito habang ihinahain ang mga pagkain sa pabilog na lamesa.

Si Lakan ang tumugon. "Ako si Lakan. Ito naman si Malayah. Iyon si Aran at si Sagani."

Napangiti si Liway. "Nagagalak akong makilala kayo." Wika niya at nagpaalam upang asikasuhin ang iba pang mga nais kumain sa karendirya.

Kinuha ni Lakan ang kubyertos at pinagmasdan ang mga kasama. Abala na sa tahimik na pagkain si Aran. Si Sagani ay nililibot ng tingin ang paligid, marahil ay sinusuri ang mga taong naroroon sapagkat nasa lugar na sila ng mga mananaggal at ilan sa mga naroroon ay maaring kalahi ng mga ito. Bumaling si Lakan kay Malayah. Sa pagtingin ay lumingon din sa kanya ang dalaga at bumaling sa braso niyang mayroon pa ring bandahe bago muling umiwas.

MalayahWhere stories live. Discover now