39. Ang Kakaibang Pwersa

28 2 28
                                    

Sa bawat paghakbang sa damuhan, ramdam ng dalaga sa kanyang mga talampakan ang malamig at basang tekstura ng mga damo na dulot ng hamog ng umaga. Ang malamig na simoy ng hangin ay banayad na dumadampi sa kanyang makinis na balat.

Unti-unti siyang humakbang patungo sa ilog Yawa. Ang tunog ng pag-agos sa ilog ay sinasapawan ang huni ng mga ibon. Tila nagkakantahan. Mula sa malinaw na agos ng tubig ay yumuko siya upang pagmasdan ang sariling repleksyon.

Ang mahabang itim na buhok ay kanyang inipit sa kanyang tainga upang mapagmasdan ang tsokolateng mga mata. Hinawakan niya ang sariling mga pisngi. Ngunit ilang sandali'y binitawan niya ito at inilapit ang kamay sa repleksyon ng sarili sa tubig. Sa paglubog ng kanyang kamay ay nabura ang kanyang repleksyon kasama sa patuloy na pag-agos ng ilog.

"Magayon!"

Magayon? Natigilan si Malayah. Narito si Magayon?

Liningon niya ang tinig. 'Di kalayuan ay naroon ang hapong-hapong babaeng tagapagsilbi. Nakasuot ito isang katutubong kasuotang lufid na may kulay ng pinagsama-samang itim, pula, at dilaw.

"Nyaon ka lang palan igdi!"  Wika nito habang hinahabol ang hininga at lumapit sa dalaga.

Kunot-noong napatitig dito si Malayah. Hindi maintindihan ang tinuran nito. Hindi nakagalaw si Malayah nang unti-unti itong lumapit sa kanya at hinawakan siya sa braso.

Inulit nito ang sinabi. "Nyaon ka lang palan igdi!" At para bang may kung anong mahika ang nagpaunawa nito sa kanya. Narito ka lang pala!, ang ibig sabihin.

Hindi gumalaw si Malayah sa pagkakaupo at kunot-noo lamang na tinitigan ang babae. Nais niyang tanungin kung sino ito ngunit tila may pumipigil sa pagbuka ng kanyang mga labi.

"Kanina ka pa hinahanap ng iyong ama." Ngayon ay tuluyan na niyang naintindihan ang mga salita nito. Natigilan si Malayah. Ama? Si Papa ba ang tinutukoy niya? Narito na ba ako sa Hiwaga?

Ngunit gusto mang kausapin ito ay hindi makagalaw si Malayah. Anong nangyayari sa'kin? Nais niyang humiyaw. Nais niyang humingi ng tulong.

"Bakit ka ba narito nang ganito kaaga, Magayon?"

Nais ni Malayah na tanungin ito? Magayon? Siya ba ang tinutukoy nitong Magayon?

Nabigla si Malayah nang kusa siyang tumayo at hinawakan ang mga kamay nito. Anong– Magiliw siyang ngumiti. "Nais ko lamang na maglakad-lakad. Napakaganda ng umagang ito, hindi ba?"

Natigilan si Malayah dahil sa mga salitang lumabas sa kanyang bibig. Hindi ito mula sa kanya. Ni wala ngang maganda sa umaga.

Masiglang tumango ang tagapagsilbi. "Tunay nga. Ngunit kailangan mo nang umuwi sapagkat hinahanap ka na ng iyong amang datu. Hindi mo alam kung gaano ito nag-alala nang makitang wala ka sa iyong silid nang ganito kaaga."

Nais magwala ni Malayah. Hindi niya magalaw nang malaya ang kanyang katawan. Tila ba may ibang kumukokontrol sa kanya. Wala siyang nagawa kung hindi ang magiliw na tumango at sumama sa tagapagsilbi.

--

Natauhan lamang si Malayah nang makarating siya sa sinasabing silid ni Magayon. Nanginginig niyang pinagmasdan ang mga kamay at ibinukas-sara ang mga ito upang masigurong nagbalik na ang kanyang kontrol.

Anong... nangyari? Napakaraming tanong sa isipan ni Malayah. Anong ginagawa ko rito? Sina Lakan? Nasaan sila? At ang hiyas...

Bakit ako tinawag na Magayon? At bakit... Pakiramdam ni Malayah ay tila naging isa siyang manikang papel kanina. Hindi makagalaw at tila may kakaibang pwersa ang kumokontrol.

MalayahWhere stories live. Discover now