47. Isang Panaginip

6 2 0
                                    

Natagpuan ni Malayah ang sarili na naglalakad sa isang pamilyar na kalsada. Sa gilid nito ay nakatayo ang malalaking puno ng manga at mga acasia.

Mula sa nalagpasan ay naroon ang isang punso na kasalukuyang sinisira ng mga estudyanteng dumaan doon. Liningon ito ni Malayah at tinitigan lamang hanggang saumalis ang mga ito. Tiyak niyang makakatanggap ng kaparusahan ang mga estudyanteng iyon sa nunong nagmamay-ari ng punso.

"Alam mo ang mangyayari sa mga tao na iyon dahil sa ginawa nila pero hindi mo man lang sila binalaan o sinaway!"

Natigilan si Malayah nang parinig ang pamilyar na boses. Kaagad siyang napalingon sa kanyang balikat at doo'y nakitang nakatayo ang mumunting kaibigan. "Pino?" Hindi makapaniwala niyang turan.

"Alam mong hindi magugustuhan ng papa mo na wala kang ginawa, Malayah."

Napakunot ang noo ni Malayah nang mapagtantong pamilyar ang eksenang ito sa kanya. Muli niyang pinagmasdan ang mga papaalis na mga estudyante. Hindi niya alam kung bakit ngunit tila pamilyar ang pangyayaring ito.

Gayunpaman ay naglakad siya patungo sa mga ito. "Hindi niyo ba alam kung ano ang sinira ninyo? Isang punso. Wala kayong galang sa mga 'di nakikitang elemento."

Napalingon sa kanya ang mga ito at kumunot ang mga noo. Ngunit kalauna'y bigla ring napalitan ng pagtawa. "Baliw ka ba?" saad ng isa sa mga estudyante at napailing-iling bago tuluyang umalis.

"Kung ginawa ko man iyon, hindi rin naman sila makikinig. Bibigyan ko lamang sila ng panibagong pagtatawanan."

Napabuga ng hangin si Malayah. Nilingon niya ang kaibigang duwende at naglakad patungo sa punso.

Ibinaba niya sa lapag si Pino at sinimulang ihulmang muli ang nawasak na punso. Matapos ay bumulong siya ng isang paumanhin sa nuno at naghandog ng isang pakete ng tinapay.

"Bakit tinulungan mo ang mga kaklase mo kahit pinagtawanan ka lang nila?"

Bahagyang napatawa si Malayah at gamit ang hintuturo ay ginulo niya ang buhok ng duwende. "Hangga't may kakayahan ang isang nilalang na tumulong ay nararapat lamang na siya'y tumulong."

Natigilan si Malayah at napailing. Saan naman niya nakuha ang mga salitang iyon?

Naglakad muli si Malayah at nang makarating sa harap ng tarangkahan ng kanilang bakuran ay napahinto siya dahilan upang lingunin siya ng duwende na nakaupo sa kanyang balikat.

"Bakit, Malayah?"

"Nanaginip kasi ako kanina noong maidlip sa paaralan."

"Ano namang napanaginipan mo?"

Napaisip si Malayah at inalala ito. "Dinakip daw si Papa ng isang kakaibang nilalang at dinala sa kabilang mundo."

Hindi lamang doon nagtapos ang panaginip ni Malayah. Naglakbay raw siya sa iba't-ibang mga lugar kasama ang hindi niya mamukhaan na mga nilalang.

"Nako, bakit kasi natutulog ka sa oras ng pag-aaral? Tsk, tsk!"

Napatawa si Malayah. "Nakikinig naman ako sa klase, sadyang nakakaantok lang ang boses ng guro namin."

"O siya, huwag mo nang pansinin 'yong panaginip mo. Madalas sa mga ganoon ay hindi nagkakatotoo."

Tumango si Malayah at isinantabi ang kakaibang pangamba.

Naglikha ng pagkaluskos ang nangangalawang na mga bakal noong buksan ni Malayah ang tarangkahan. Sinubukan niyang tanawin ang guhit-tagpuan mula sa mga nagtataasang mga gusali. Kahit na hindi niya man ito matanaw, alam niyang ngayon ay dapit-hapon.

Dahan-dahan siyang humakbang papalapit sa kanilang tahanan. Hindi niya alam kung bakit ngunit unti-unting bumigat ang kanyang dibdib. Pakiramdam niya'y may mangyayaring hindi maganda. Kagaya ng nasa kanyang panaginip.

MalayahWhere stories live. Discover now