46. Himala

8 3 0
                                    

"Malayah!"

Mula sa sikmura ng mandirigmang akmang papaslang sa kanya ay tumagos ang isang patalim. Sa pagkahugot dito ay natumba ang mandirigma sa lupa. At mula sa likod nito ay nakita ni Malayah ang pigura ni Aran.

Nadapo ang tingin ng binata sa walang-malay na kaibigan. Kaagad itong lumapit sa kanila. "Anong nangyari kay Lakan?"

Hindi makatugon si Malayah. Hindi niya mapigilan ang pagdausdos ng mga luha sa kanyang pisngi. Sa kanya dapat ang palasong iyon. Nanginginig ang kanyang mga kamay na may bahid ng dugo. Maski ang kanyang damit ay namamantyahan ng pula.

Pilit niyang pinipigilan ang pagdurugo ng sugat ni Lakan. Pilit niya itong ginigising. Niyuyugyog ang magkabilang mga balikat. Pakiramdam ni Malayah ay isa lamang itong bangungot. Na baka pinaglalaruan lamang siya ng kakaibang pwersa.Ngunit hindi. Totoo ang lahat ng ito. Kagaya ng pagkawala ng kanyang ama. Kagaya ng pagkamatay ni Agua.

Marahil ay tama ang kanyang lola. Isa nga siyang itim na pusa. Sa lahat na lamang ng mga taong nalalapit sa kanya, tanging trahedya ang kanyang dala-dala.

Ngunit hindi siya papayag. Hindi siya papayag na maski si Lakan ay mawala.

Inilibot ni Malayah ng tingin ang paligid. At mula sa 'di kalayuan, sa gitna ng mga mandirigmang nagdidigmaan ay nakita niyang naglalakad palapit sa kanila ang matandang lalaki.

Umusbong ang gatiting na pag-asa sa puso ni Malayah. Tinitigan niya ang matanda nang may pagmamakaawa. "Pakiusap, tulungan mo si Lakan."

Si Pagtuga ang nag-utos sa pagpatay kay Panganoron. Alam ni Pagtuga ang lasong ihinalo sa patalim. At lalong tiyak na alam din nito kung paano ito lunasan.

Napahinto ang matanda at napatitig sa dalagang kumakatawan kay Magayon. Mula rito ay ibinaling niya ang tingin sa duguang si Panganoron. Hanggang sa madapo ang mga mata sa walang malay na sariling katawan sa likuran.

Muli siyang bumaling sa nagmamakaawang mga mata ni Malayah. Kung ang dating Pagtuga ang nakatitig sa mga ito ay tiyak na magagalak ito sa mga nangyayari. Pinagmasdan niyang muli ang duguan at walang malay na binata sa kanlungan ng dalaga.

Lubos ang galit niya kay Panganoron. Ang mortal niyang karibal. Noon ay iniisip niyang ang dahilan kung bakit hindi siya minahal ni Magayon ay ang binatang ito.

Ngunit sa tagal ng panahon na paulit-ulit ipinapakita ng pulang hiyas sakanya ang trahedya, napagtanto na niyang hindi iyon ang dahilan. Na kahit hindi pa nakilala ni Magayon si Panganoron o kahit pa mamatay man ito, hinding-hindi pa rin siya magagawang mahalin ng dalaga.

Sapagkat hindi sila ang para sa isa't-isa.

Marahil ay ang kasagutan nga sa lahat ng bagay ay ang pagtanggap. Tanggapin na hindi lahat ng kanyang nais ay kanyang makukuha. Tanggapin na hindi talaga para sa kanya ang pinakamamahal na daraga.

At ngayon ay tila maluwag na sa loob ni Pagtuga ang lahat.

Muli siyang humakbang papalapit sa mga ito at tiningnan ang kalagayan ni Lakan. Ipinatong niya ang kamay nito sa kanyang balikat at nilingon si Aran.

"Tulungan mo akong buhatin siya."

--

Tuluyan nang nabago ang mga eksena sa sinumpaang dimensyong kanilang kinaroroonan.

Tumungo sila sa tahanan ng punong babaylan upang ipagamot si Lakan at kaagad naman sila nitong tinugunan.

Sa mga sandaling iyon, nakatulala lamang si Malayah at patuloy ang pag-agos ng mga luha sa pisngi. Sa mga hibla ng kanyang kasuotan at ng kanyang balat ay bitbit-bitbit niya ang mga bahid ng dugo ni Lakan. At sa bawat mga luha'y unti-unti itong nahuhugasan.

MalayahWhere stories live. Discover now