8. Si Agua

45 10 4
                                    

Iminulat niya ang mata sa gitna ng malalim na tubig. Inilabas ni Malayah mula sa damit ang kwintas na ngayon ay nagliliwanag na. Sinubukan niyang huminga sa tubig.

Dahan-dahan siyang naglakad sa ilalim. Hindi rin humahapdi ang kanyang mga mata sa maalat na tubig ng dagat. Nakikita niyang mabuti ang mga maliliit na isda. Sinubukan niyang ikampas ang mga kamay at paa upang tumaas ng kaunti.

Napangiti siya. Tila ba marunong na siyang lumangoy. Ngunit alam niya na ito lamang ay dahil kaya niyang makahinga sa tubig.

Tumingala siya at nakita ang lubid na harang sa dagat. Iyon ang tinutukoy ng lalaki kanina kay Sagani na bawal nang pumunta ang mga naliligo.

Napangisi si Malayah at lumangoy muli pausad.

Ngayon ay nasa mas malalim na siyang parte. May mga korales at mga mas malalaking isda na ang kanyang nakikita. May mga pagong, mga dikya, at iba pang uri ng hayop sa tubig.

Nang nakasiguradong malayo na sa mga taong naliligo ay iniahon ni Malayah ang kanyang ulo mula sa tubig. Hindi niya akalaing malawak pala ang dagat sa tabi ng look.

Hindi kalayuan ay may natanaw siyang isang malaking barkong pangisda. Napansin niya na ang mga mangingisda ay nagkukumpulan sa paghitak sa isang lambat na tila ba may maraming huli. Sumisid muli si Malayah at lumangoy papalapit dito.

Natanaw niya ang lambat na nasa sampung talampakan ang layo mula sa ibabaw ng tubig. Sa loob nito ay nakulong ang isang malaking isda at pilit kumakawala.

Ngunit napagtanto ni Malayah na hindi ito isang isda nang makita niya ang mga kamay nito na lumalabas sa butas ng lambat.

Nang makalapit siyang lalo, nalamam ni Malayah na isa nga itong isda. Ngunit may bahagi rin itong hindi.

"Isang sirena."

Kalahating tao, kalahating isda.

Lalong lumapit si Malayah upang makitang malinaw ang nilalang. Porselanang balat, pilak na buntot, at luntiang buhok. Kasama niya sa loob ay mga maliliit na isda at mga hipon. Unti-unti nang umaangat ang lambat. Nahagip ng tingin ng sirena si Malayah.

Hindi niya man marinig ngunit tila alam ni Malayah ang binibigkas ng mga labi nito.

"Tulong."

Patuloy pa rin sa pag-angat ang lambat. Hindi kumilos si Malayah at pinapanood lamang ang sirenang pilit kumakawala rito. "Tulong, pakiusap."

Hindi pa rin siya kumilos at pinagmasdan lamang ang kawawang sirena. Tila may isang pwersang kumikiliti sa kanyang isip na para bang pinupuno siya ng kuryosidad sa isang bagay.

"Anong mangyayari kapag nakakita ang mga mortal ng nilalang na iba sa kanila?" Bulong niya sa kanyang sarili.

Naalala niya ang kwento ng kanyang ama. Kung paano pinatay ng mga mangingisda ang sirenong anak ni Mariang Karamot dahilan ng poot nito. Tila ba nais niyang makita ito nang personal-sa personipikasyon ng sirenang nasa harapan niya.

Napailing si Malayah. Kaagad siyang lumangoy palapit sa lambat at hinitak ito upang pigilan ang pagtaas. Wala siyang dalang kampilan o patalim kung kaya't nahirapan siyang sirain ang lambat.

Lumangoy siya pailalim upang kumuha ng matulis na bato at ito ang ginamit niya upang sirain ang lambat at makawala ang sirena. Nang makawala ito ay hinatak siya nito palangoy palayo mula sa bangka.

MalayahWhere stories live. Discover now