34. Ang Susi Upang Mapakawalan.

31 5 15
                                    

Nang marinig ni Aran ang plano ni Malayah ay isang bagay lamang ang pumasok sa kanyang isipan. Isa itong kahibangan.

Huli sa nais ni Aran ang muling makita ang kanyang ama. Ngunit sa napag-usapan nilang plano ay mukhang wala na siyang magagawa pa.

Nais niyang tumutol ngunit siya rin naman ang nagsuhestyon nito. Bakit tila ngayon ay pinagsisisihan na niya ito?

Nabalik ang ulirat ni Aran sa reyalidad nang mapansin si Liway na nakatitig sa kanya mula sa labas ng bintana ng kanyang kwarto. Tila napakalawak ng espasyo ng kanilang lupa sapagkat hanggang ngayon ay nagwawalis pa rin ito.

"M-May problema ba?" Pilit itinago ni Aran ang bahagyang kaba sapagkat sa kanyang isip ay may bumubulong na isang manananggal ang kanyang kausap.

Nguniti si Liway at umiling. Tila ang boses sa utak ni Aran ay umatras sapagkat kung isa ngang manananggal ang kanyang kausap ay tiyak na ito ang pinakamaganda.

"Kanina ka pa kasi nakatulala dyaan sa harap ng bintana mo," saad nito at nagpatuloy sa pagwawalis. Nang maipon ang mga kalat sa isang lugar ay lumapit ito kay Aran. "Anong iniisip mo?"

Tinitigan ito ni Aran at tila sinusuri. Kung ihahalintulad sa isang manananggal, ang kaanyuan ni Liway ay maamo. Napailing si Aran dahilan upang magtaka rito ang dalaga. Kaagad siyang tumikhim upang iayos ang sarili. Hindi magandang makahalata ang kausap na alam niya ang pagiging manananggal nito.

"Iniisip ko ang aking ama."

"Ang iyong ama," ulit ni Liway at tumango-tango. "Siguro ay mahaba ang paglalakbay ninyong apat kung kaya't nangungulila ka na sa iyong ama at sa sarili mong tahanan." Isinandal nito ang baba sa dulo ng mahabang walis na hawak. "Tiyak akong sabik ka nang makauwi sa inyo..."

Mayroong kakaiba sa mga mata ng dalaga. Tila ba nagluluksa ito sa isang trahedyang hindi pa nangyayari. Ngunit hindi iyon kaagad napansin ni Aran sapagkat kaagad siyang tumawa sa tinuran nito.

"Ang totoo niyan, lumayas ako sa amin." Wika ni Aran na ikinaguho ng imahinasyon ng isang mabuting anak sa isipan ni Liway.

"Ano? Bakit ka naman lumayas?"

Nagkubit-balikat si Aran, hindi ito nais tugunin. Ngunit tila desidido si Liway na malaman ang sagot.

"Ayoko roon."

"Ayaw mo?"

Prenteng tumango si Aran. "Oo, ayaw ko."

Makikita ang pagkunot sa noo ni Liway. "Ganon ganon na lamang iyon? Dahil ayaw mo ay maaari ka nang umalis? Hindi mo ba naisip na mayroon kang responsibilidad sa pamilyang iyon at nararapat kang manatili?"

Napatulala si Aran sa mga sinambit ng dalaga. Tila ba may iba itong tinutukoy higit sa paglayas ni Aran. Kaagad na umiwas ng tingin si Liway nang mapansin ang pagtitig niya. At doon ay napagtanto ni Aran na ang tinutukoy ng dalaga sa mga iyon ay ang sarili nito.

"Nasa tamang edad na ako upang magdesisyon para sa sarili ko. Nasa tamang edad na ako upang malaman ang tama at mali. At natitiyak ko na ang desisyon kong paglisan ay ang tamang gawin." Pinagmasdan ni Aran ang magiging reaksyon ng dalaga. "Kung hindi ko kayang iligtas sa pagkabulok ang mga kasama kong bulaklak, nararapat na kahit ang sarili ko man lamang ay maisalba ko."

Tatlong katok ang tumunog mula sa pinto ng kwarto ni Aran. Nginitian niya si Liway bago magpaalam. At sa pagtalikod na iyon ay hindi nasaksihan ni Aran ang kakaibang pagbabago sa ekspresyon ng dalaga.

Hindi nasaksihan ni Aran ang epekto ng kanyang mga salita kay Liway at sa mga susunod na desisyon nitong gagawin.

--

MalayahWhere stories live. Discover now