40. Si Panganoron

27 2 31
                                    

Iminulat ni Malayah ang mga mata kinabukasan at napagtantong hindi na niya nararamdaman ang kakaibang pwersang palaging kumokontrol sa kanya. Dahil dito ay malaya siyang nakakagalaw ayon sa kanyang nais.

"Mukhang maganda ang inyong gising, daragang Magayon." Bati ng isa sa mga tagapagsilbi nang makasalubong niya ito sa isang pasilyo.

Bahagyang napangiti si Malayah at tumango. Sino ba naman ang hindi gaganda ang gising kung malaya ka nang nakakagalaw sa sarili mo? Ngunit kaagad ding naglaho ang ngiting iyon nang lumapit ang isa pang tagapagsilbi upang sabihin sa kanya na naroong muli si Pagtuga sa bulwagan.

Napairap lamang si Malayah nang maramdaman ang pagbalik ng kontrol ng kakaibang pwersa sa kanya. Kusa siya nitong inihatid patungo sa bulwagan.

Naalala ni Malayah ang huling naaalala bago siya ihatid ng kakaibang liwanag sa ilog Yawa. Sinubukan siyang suntukin pabalik ni Pagtuga. Ngayon ay iniisip niya kung paano niya dedepensahan ang sarili sa sandaling gumanti ito ngayon. Paniguradong namamaga pa rin at nangingitim ang gilid ng mata nito.

Ngunit sa pagpasok ni Malayah sa bulwagan ay magiliw lamang siyang binati ni Pagtuga. Ang mukha nito ay walang bahid ng kahit anong pasa at tila ba hindi na dinaramdam ng binata ang pagsuntok niya rito.

Nais mang itanong ni Malayah kung ano ang nangyari ay hindi niya magawa sapagkat nasa ilalim siya ng kontrol ng kakaibang pwersa.

"Ano naman ngayon ang iyong pakay rito?" Malumanay ngunit may bahid ng pagkamuhing tanong ni Magayon.

Binigyan siya ni Pagtuga ng isang ngisi. "Nais ko lamang magpaalam, mahal ko."

Napaiwas ng tingin dito si Magayon sapagkat tila nagpintig ang kanyang mga tainga sa tawag nito sa kanya. "Aalis ka?" Tanong niya na may bahid ng kaunting kagalakan.

"Ngunit sandali lamang. Ako'y babalik din matapos ang isang buwan. At sa oras na bumalik ako ay magpapakasal na tayo, aking Magayon."

Akmang hahawakan ni Pagtuga ang kanyang pisngi nang kaagad siyang umatras at hinawi ang kamay nito. "Ilang beses ko bang sasabihin na hindi ako magpapakasal sa iyo?"

"Hintayin mo. Sa oras na umalis na ako ay tiyak na mangungulila ka sa akin. Ngunit huwag kang mag-alala sapagkat tutugunan ko ang iyong pagkasabik sa sandaling ako'y magbalik," nakangising saad ni Pagtuga bago maglakad palabas ng bulwagan.

Nawala ang kakaibang pwersa. Balak sanang habulin ito ni Malayah at bigyan ng isa pang suntok. Ngunit pinigilan niya ang sarili at pinagmasdan na lamang itong umalis. "Hambog."

Balak na sanang lisanin ni Malayah ang bulwagan nang dumating dito si Datu Makusog, ang ama ni Magayon. Kasabay nito ay ang pagbalik din ng kakaibang pwersa sa kanya.

"Narito ka pala, Magayon." Bati ng Datu.

Tumango si Magayon at magiliw na ngumiti. "Nagtungo po rito si Pagtuga upang ipabatid ang kanyang paglisan sa ating bayan."

Napatango ang Datu. "Nasabi rin sa akin ng kanyang ama. Teka, nagpaalam siya sa'yo? Sabihin mo, si Pagtuga na ba ang napili ng mahal kong anak?" May bahid na ngiti at pang-aasar na wika ng kanyang ama.

Mariing napailing si Magayon at napanguso. Kumapit siya sa braso ng ama at sumandal sa balikat nito na tila isang bata. "Wala pa po akong napipili, ama. Lahat sila'y hindi naman ako mahal. Tila isang tropeyo lamang ang tingin nila sa akin."

"Talaga? At paano mo naman iyan nasabi?"

Napabitiw si Magayon sa ama at napaisip. Nagkibit-balikat siya. "Nakikita ko po sa kanilang mga mata."

Napatawa si Datu Makusog at ginulo ang buhok ng anak. "Kung anu-ano pa ang iyong iniimbento! Maaari mo naman sabihin na wala ka lamang magustuhan sa kanila."

MalayahTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon