7. Kay Mariang Karamot

56 10 16
                                    

At noong gabing napayapa na ang kaluluwa ng walang-muwang na sanggol na naging halimaw, isang lupon naman ng mga manananggal ang nagwala at hindi mapakali.

Sapagkat noong gabing iyon, naramdaman nilang muli ang anino sa loob ng dalampu't isang taong pananahimik nito.

Mula sa isang kawa na may dugo ng mga estrangherong naligaw, umusal ng isang orasyon ang pinuno ng mga mananaggal.

Unti-unting lumabas dito ang isang imahe ng itim na nilalang na ang mukha ay natatakpan ng kadiliman.

"Panginoon," sabay-sabay na usal ng mga manananggal na nagtitipon-tipon sa loob ng isang kweba.

Hindi kumibo ang imahe sa tubig ng kawa. Ngunit hindi nito kailangang magsalita pa sapagkat ang munting presenya lamang nito ay sapat na upang mangilabot ang mga manananggal.

"Ang anino, naramdaman namin itong muli. Dalawang beses. Ngunit bigla na lamang itong nawala at hindi na nagparamdam pa."

Hindi pa rin kumibo ang nilalang sa kawa. At iyon ay mas lalong ikinangilabot ng mga manananggal.

Nagulat na lamang sila nang sumigaw sa sakit at bumagsak ang kanilang pinuno at nangisay. Ilang sandali lamang ay hindi na ito gumagalaw. Unti-unti itong nasunog at naging abo.

"Hanapin ninyo ang nilalang sa tagna."

Malalim na boses at nakakapangilabot. Sa anim na salita lamang ng nilalang ng dilim ay nagkagulo ang mga manananggal at isa-isang nagsiliparan sa gabi sa ilalim ng malamlam na buwan.

"M-Masusunod!"

--

"Maraming Salamat."

Napahinto sa pagliligpit ng mga gamit si Malayah at napalingon kay Tandang Nilo na ngayon ay nakatayo sa tapat ng pinto ng kanyang kwarto.

"Huwag niyo po akong pasalamatan. Ang mga kasama ko."

Tumayo na si Malayah at naglakad palabas ng kwarto. Mula sa ikalawang palapag ay pinagmasdan niya sina Sagani at Lakan.

"Mabubuti sila."

"At ikaw? Masama?"

Liningon niya si Tandang Nilo at bahagyang tumawa. "Ano pa po ba ang kabaligtaran ng mabuti?"

Muli niyang pinagmasdan ang dalawa. Alam ni Malayah ang kabutihan kay Lakan. Kahit pa sinubukan niya itong iwanan ay iniligtas pa siya nito mula sa diwata ng Arayat. Si Sagani, nakikita ni Malayah ang pagkainosente nito. Ang hangarin nitong tulungan ang pamilya nina Rene kahit pa nalaman na niya ang balak nitong masama sa kanila.

Alam ni Malayah, na kung siya ang nasa sitwasyon ng dalawa ay hindi katulad ng ginawa nila ang gagawin niya.

"Iha, ang mundo ay hindi nahahati lamang sa mabuti at masama." Wika ng matanda dahilan upang mapalingon si Malayah.

"Kagaya ng hindi pagkakahati ng magdamag sa araw at gabi lamang. Naroon ang bukang liwayway na pagsilang ng liwanag mula sa dilim, ang takipsilim na paghahari ng dilim sa liwanag, at dapit-hapon na bumabalanse sa araw at gabi."

Humarap sa kaniya ang matanda at hinawakan ang kanyang balikat. "Iha, huwag mong limitahan ang sarili mo sa mabuti at masama lamang."

Tila ba naiintindihan ni Malayah ang ibig sabihin ng matanda. Ngumiti siya at tumango bago sila tuluyang bumaba patungo sa mga kasama.

Nauna na sina Lakan at Malayah sa sasakyan habang si Sagani naman ay nilapitan ni Tandang Nilo.

"Isang handog bilang pasasalamat na alam kong magagamit ninyo sa inyong paglalakbay."

MalayahWhere stories live. Discover now