31. Si Dalikmata

21 4 18
                                    

Tila nandilim ang paningin ni Malayah nang makita ang kalagayan ni Lakan nang makabalik siya. Halos lamukutin na nito ang sariling dibdib dahil sa matinding pagkirot. Ang balat ay namumutla at ang mga mata ay di na halos maidilat.

Kaagad na tumakbo patungo rito si Malayah.

"Lakan," hinawakan niya ang nanginginig na kanang kamay ng binata, "naririnig mo ba ako?"

Sa boses na iyon ay unti-unting minulat ni Lakan ang kanyang mga mata. Sa mahamog na pangin ay malabo niyang nasilayan ang nag-aalalang mukha ng dalaga.

Binitawan ng kaliwa nitong kamay ang naninikip na dibdib at hinaplos ang mukha ng imahen upang masiguradong totoo ang kanyang nakikita o likha lamang ng kanyang sitwasyon.

Naramdaman ni Lakan ang malambot at namamasang pisngi ng dalaga. "Malayah."

"Huwag kang mahihimbing, pakiusap." Usal ni Malayah at inilibot ng tingin ang paligid.

Sa tabi niya ay naroon si Aran at inaalalayan ng upo si Lakan. Sa tabi nito ay nakatayong nakatitig lamang si Sagani. Sa kabilang direksyon ay tila naestatwa si Laon sa mga nasasaksihan. At sa likod lamang ni Malayah ay naroon ang humihikbing si Linsana.

Tila biglang tumaas ang dugo ni Malayah. Imbis na simpatya ay galit ang nangunguna sa kanya sa mga sandaling iyon. Kaagad niyang sinugod si Linsana at itinulak sa malapit na pader.

"Anong ginawa mo!?"

Sa gulat ay hindi nagawang pumalag ni Linsana. Ilang sandali niyang tinitigan lamang ang mukha ni Malayah na punong-puno ng poot. Nang makakuha ng lakas ng loob ay umiling-uiling siya. "H-Hindi ko sinasadya. Patawad."

"Patawad!?" Lalo pang sininubsob ni Malayah ang dalaga sa pader. At bago pa man niya masaktang muli si Linsana ay kaagad siyang hinila ni Laon palayo sa kapatid.

"Hindi makabubuti kung uunahin mo ang iyong galit. Ang pagtuunan natin ng pansin ay kung paano natin maililigtas si Lakan."

Humakbang paatras si Malayah, senyales ng pagsang-ayon. Muli siyang lumapit kay Lakan.

"Paano?" Sambit niya habang pinagmamasdan si Lakan.

"Kay Dalikmata."

"Ano?" Kunot-noong tugon ni Linsana sa kanyang kuya. Hindi niya alam na kaagad niyang makakaharap muli ang diyosa.

Nilingon siya ni Laon. "Galing sa kanyang kweba ang mahiwagang ibon. Siguradong may alam siyang solusyon."

Hindi na sila nag-atubili pa. Kaagad na inakay nina Aran at Sagani si Lakan patungo sa daungan habang nakasunod naman dito sina Malayah at Linsana. Wala na ang namamangka na dapat ay maghahatid sa mga bisita paalis ng baryo sa bangka nito. Hindi na sila nakapagpaalam at kaagad na inialis ni Laon sa tali ang bangka upang makalayag silang anim.

Tahimik na naiwan ang baryo ng Makitan sa kanilang paglisan at tila ba walang nakasaksi man lang ng mga nangyari.

--

Napabalikwas ng bangon si Dalikmata.

Sa palibot ng kanyang katawan ay naipon ang kanyang kapangyarihan na dahilan ng pagliwanag ng kanyang balat. Mababakas ang pagkainis sa mukha ng diyosa at sa isang sigaw ay pinakawalan niya ang kapangyarihang naipon dahil sa ilang araw niyang pagkakahimbing. Naglikha ito ng pagkahawi ng mga hamog sa kweba at paglago ng mga bulaklak sa mga pader.

Hindi ito ang unang beses na samantalahin ng isang mortal ang kanyang kahinaan. Ngunit hindi inaakala ng diyosa na muli itong mangyayari. Sapagkat sa kanyang kaalaman ay nabura na niya ang lahat ng dokumento at memorya patungkol sa kahinaan niya sa halimuyak ng ilang-ilang.

MalayahTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon