17. Ang Ikalawang Hiyas

25 6 5
                                    

"Aran!" Usal ng higante sa galak dahil sa akalang sa wakas ay natagpuan na ang hinahanap.

Akmang dadakmain ng higante si Malayah mula sa lupa kung kaya't gumulong siya palayo. Kaagad na tumayo at tumakbo ang dalaga ngunit madali lamang siyang nakuha ng higante.

"Aran!"

Pilit na kumakawala ang dalaga mula sa palad ni Angalo. "Hindi ako si Aran!"

"Umuwi na tayo, Aran."

Nagsimulang maglakad muli ang higante habang hawak pa rin sa kamay si Malayah. Patuloy pa rin siya sa pagpupumiglas ngunit kahit anong gawin ay hindi siya makawala.

"Malayah?"

Napalingon ang dalaga sa salimbal na lumilipad patungo sa kanilang direksyon. "Lakan!"

"Anong... Bakit-"

"Hindi ko rin alam!" Hiyaw ng dalaga dahil sa inis at pilit pa ring kumakawala sa kamay ng higante. "Alisin niyo ako sa lintik na nilalang na'to!"

Kaagad na lumipad ang salimbal palapit at bumaba si Lakan mula rito. Nang mapansin ito ni Angalo ay kaagad niyang hinawi ang lumilipad na sasakyan dahilan upang tumilapon ito kasama ni Abok.

Ibinuhol si Lakan ang kanyang mga braso sa ilalim ng balikat ng dalaga at hinitak ito paahon. Ngunit tila napakahigpit ng pagkakahwak ng higante sa dalaga na tila ba ayaw nang pakawalan.

Nakita ni Angalo ang ginagawa ni Lakan kung kaya't sinubukan nitong pitikin palayo ang binata na para bang isang langaw. Ngunit dalawang kampilan ang sumugod sa kaliwang braso ng higante dahilan upang mabutiwan ang dalawa at mahulog sa lupa.

Umalingawngaw ang sigaw ni Angalo dahil sa sakit. Kulay berdeng dugo ang lumabas mula sa mga sugat nito.

"Ayos ka lang?" Nag-aalalang tanong ni Lakan kay Malayah at tumango naman ito. Inalalayan niyang tumayo ang dalaga at pareho silang lumayo mula kay Angalo.

Ngunit kahit anong layo nila ay abot pa rin sila ng higanteng kamay nito.

"Sagani!" Napangiti si Lakan nang makita ang kasama. Ito ang may dala ng dalawang kampilan at patuloy pa ring kinakalaban at kinukuha ang atensyon ng higante upang makalayo ang mga kasama.

Kinuha rin ni Lakan ang kalis mula sa sisidlan sa tagiliran niya at si Malayah naman ay ang kampilan ng ama mula sa likod. Sabay-sabay nilang sinugod ang higante.

--

Mula sa pinagtalsikan ng salimbal, bumangon si Abok at sumakay muli sa sasakyan upang paliparin ito.

Ngunit hindi para tulungan ang mga kasama.

Habang ang tatlo ay kinakalaban ang higante, palihim siyang lumipad patungo sa katawan nito at hinanap kung nasaan nakalagay ang hiyas. Nahagip ng tingin ni Malayah ang sambilan sa ere at sa ngisi ni Abok ay tila alam na ng dalaga ang binabalak nito.

Kaagad na inakyat ni Malayah ang katawan ng higante habang abala ito sa dalawang kasama. Mahigpit ang paghawak niya sa tela ng kasuotan nito. Ang pag-akyat kay Angalo ay tila pag-akyat sa malikot na bundok.

Nakuha ni Abok ang hiyas at akmang lilipad na palayo nang tumalon patungo sa salimbal si Malayah. Ngunit napatigil ang lahat nang unti-unting maglaho ang higante sa hangin at maging munting mga patak ng liwanag papatungo sa madilim na langit.

"Araaan!"

Tila isang kirot sa puso ang nadama ni Malayah mula sa mapighating papahinang tinig ni Angalo. Naalala niya ang sandaling pag-uusap nila ni Lakan patungkol dito.

"At kung hanggang ngayon ay naglilibot pa rin si Angalo, ang ibig sabahin lamang ay hindi niya kailanman natagpuan si Aran sa haba ng kanyang paglalakbay."

Tadhana. Tadhana nga ba na habambuhay mangulila ang higante kay Aran?

"M-Malayah?"

Bumalik ang atensyon ng dalaga sa lalaking nasa harap. Ang pagkagulat sa mukha ni Abok ay napalitan ng isang ngisi. Mula sa lapag ng salimbal ay pinulot nito ang siang itak at itinutok sa dalaga. "Akin ang hiyas," usal nito at humalakhak.

"Hindi mo sigurado," nakangisi ring saad ni Malayah at iwinagayway sa ere ang kampilan na sinangga naman ng itak ni Abok. Kaagad na napaatras si Malayah nang itulak siya ng lakas nito.

Ngayon naman ay ang lalaki ang sumugod at umiwas naman si Malayah. Ngunit sa pag-iwas ay muntik na siyang mahulog mula sa maliit na bangkang lumilipad.

Ang salimbal. Kailangang maibaba ang salimbal. Kaagad siyang lumapit sa manibela at kinontrol ito. Ngunit itinulak siya ni Abok palayo rito dahilan upang tumama ang likod ng dalaga sa gilid ng bangka.

"Walang bababa hangga't walang nahuhulog sa isa sa atin," wika ni Abok.

Bahagyang tumawa ang dalaga. "Sabi mo 'yan." Kaagad siyang sumugod at pilit itinutulak si Abok upang mahulog sa lumilipad na salimbal.

Sa ibaba naman ay nanunuod si Lakan. Hindi siya mapakali ngunit wala naman siyang magawa. Masyadong mataas ang lipad ng salimbal at walang kahit ano ang makakapagpaakyat sa kanya rito.

Dahil mas malakas si Abok, nabaligtad niya ang kanilang mga pwesto. Si Malayah naman ngayon ang nasa dulo ng bangka at malapit nang mahulog. Ngumisi ang lalaki nang tuluyan nang mahulog si Malayah at tanging isang kamay na lamang ang nakahawak sa bangka.

"Malayah!" Hiyaw ni Lakan mula sa baba.

Napalunok si Malayah nang makita kung gaano kataas ang pagbabagsakan niya. Lalo niyang hinigpitan ang hawak at inabot pa ng isang kamay ang salimbal. Naiinis siya sa mukha ni Abok na nakangisi sa kanya.

"Kagaya niyo, gusto ko ring makapunta sa mundo ng hiwaga." Sambit nito at inalis ang isang kamay ni Malayah mula sa pagkakakapit. "Pasensya na, binibini."

Akmang aalisin din nito ang isa pang kamay ng dalaga mula sa pagkakakapit pero ginamit ni Malayah ang kabilang kamay upang sapukin ang lalaki. Kaagad naman itong napaupo dahil sa lakas ng pwersang tumama sa pisngi.

Sa mga libreng oras na iyon, imbis na piliting umakyat muli sa salimbal ay nanatili si Malayah sa pwesto. Pumikit siya at may inalalang mga salita na nakuha mula sa libro ng kanyang lola.

Nang maramdamang nakabawi na mula sa kanyang sapak ang kalaban, dumilat siyang muli. Sumilip ito sa kanya nang namumula ang mukha at puno ng inis at galit. Ngunit ngisi lamang ang ibinalik ni Malayah rito.

"Grabidad,
Mula sa dulo ng mundo,
Pwersa'y linangin.
Pababa, ako'y hitakin."

Unti-unting ikinampas ni Malayah ang mga paa sa ere at gamit ang lakas ay hinitak pababa ang lumilipad na sambilan. Nang bahagya na itong bumaba ay kaagad na tumalon patungo sa sambilan si Sagani.

Hindi siya kaagad napansin ni Abok kung kaya't ginamit niya na itong sandali upang sikuhin ang batok ng lalaki dahilan upang mawalan ito ng malay. Pinulot niya ang hiyas na nahulog ni Abok at tinulungang makaakyat muli si Malayah. Lumapit si Sagani sa manibela ng sambilan at payapa itong pinalipad pababa.

Kaagad na niyakap ni Lakan si Malayah. Hindi naman kaagad nakakibo ang dalaga sa biglaan nitong paglapit at napagpasyahang yakapin na lamang ito pabalik.

Nang makahiwalay ay liningon ni Lakan ang walang-malay na si Abok. Napailing-iling lamang siya.

Si Malayah naman ay lumapit kay Sagani at inilahad ang kamay. "Ang hiyas."

Ilang sandal siya nitong pinagmasdan bago tuluyang iabot ang hinihingi. Kaagad na inilayo ito ni Malayah at kinuha ang kampilan upang itutok sa kaharap. Gulat na napaatras ang tagapagtanggol.

"Malayah, anong ginagawa mo kay Sagani?" Kunot-noong tanong ni Lakan habang hawak ang balikat ng dalaga.

Hindi lumingon si Malayah rito at masamang nakatitig lamang sa kaharap.

"Hindi siya si Sagani."

"Ano?"

Napailing si Malayah sa kanyang tinuran at nagsalita muli upang itama ang mga sinabi.

"Hindi siya ang kilala nating Sagani."

***

MalayahWhere stories live. Discover now