22. Mga Tadhanang Magkakadikit

25 5 6
                                    

"Ganoon na katagal noong umalis si Sagani rito?" Kunot-noong tanong ni Malayah nang ikwento ni Luna na limang taon na noong huling pumunta sa Daluti ang kaibigan.

Marahang tumango si Luna. "Naaalala ko noon, pitong taon pa lamang ay nakitaan na ng husay sa pakikipaglaban si Sagani. Isang maestro mula sa Damilan, tribu ng mga mandirigma, ang nakadiskubre sa kanya. Inalok siya nito na mag-ensayo upang maging isang tagapagtanggol. Kaagad iyong tinanggap ni Sagani. Tutol man ang datu, ang kanyang ama, ay parati pa rin siyang tumatawid ng dagat patungong Damilan. At nang tumuntong siya ng labinlima ay naging ganap na siyang tagapagtanggol."

"Labinlima? Ang bata naman."

Mariing tumango si Luna sa komento ni Malayah. "Naaalala ko pa, sabi ni lola ay isang taon daw hindi umuwi si Sagani dito sa isla matapos niyang mabinyagan bilang tagapagtanggol."

"Bakit daw?"

Nagkibit-balikat si Luna. "Hindi ko alam. Pero matapos 'yon ay bigla siyang umuwi. Pero isang taon lang iyon. May nakahanap sa kanya mula sa Damilan na naging isang mandirigma sa mundo ng hiwaga. Inalok siyang maging estudyante nito. Ayon, umalis siyang muli at ngayon nalang ang pagkakataong nakabalik siya."

Hindi kumibo si Malayah at sinisipa-sipa lamang ang mga bato sa buhanginan na nadaraanan. Sinusubukan niyang ilagay ang sarili sa sitwasyon ni Sagani. Ngunit kahit gaano pa kalupit ang mga kamag-anak at ang lola ni Malayah sa kanya ay hindi niya maimaheng iwanan ang ama nang ganoon katagal.

"Pero hindi ko naman masisisi si Sagani kung kating-kati siyang umalis dito sa Daluti." Huminto si Luna sa paglalakad at pumitas ng mga ligaw na bulaklak. "Mabuti si Sagani. Malas niya lang dahil ipinanganak siya sa isla ng mga magnanakaw. Kung alam mo lang, Malayah, ayaw na ayaw niya rito."

Inalis ni Luna ang mga talulot ng bulaklak sa tangkay nito at ihinagis sa dagat. "Maski naman ako ay nagawang umalis dito."

"Hindi ka na rito nakatira?"

Umiling si Luna. "Pagkapanganak ko pa lang ay lumipat na ang mga magulang ko sa kamaynilaan. Binibisita ko lang ang lola ko rito."

Ilang sandali lamang ay narating na nila ang daungan kung nasaan iniwan ang bangkang kanina ay sinakyan ng dalawa.

"Paano mo nga pala nakilala si Sagani?" Tanong ni Luna.

"Sa-" Nais sanang sabihin ni Malayah na sa bundok Arayat ngunit naalala niya na hindi nga pala iyon ang tunay na Sagani. "Sa Abra. Sa isang misyon."

Napatango si Luna. "Hindi ka galing sa mundo ng hiwaga?"

Umiling si Malayah. "Nais kong pumunta roon."

Napatakip ng bibig si Luna. "Talaga?" Marahan siyang ngumiti kay Malayah. "Ako man."

Nagpatuloy ang dalawa sa paglalakad. Hinihintay ni Malayah na banggitin ni Luna ang tungkol sa mga hiyas patungong kabilang mundo ngunit wala itong binanggit. Marahil ay hindi nito alam ang tungkol sa mga ito.

Napahinto ang dalawa nang makita ang isang pamilyar na mukha 'di kalayuan sakay ng isang bangka. Malawak itong ngumiti at kumaway.

"Sol?"

Napalingon si Malayah sa nakakunot ang noong si Luna habang nakatitig sa paparating.

"Kilala mo si Sol?"

Biglang napalingon si Luna sa kanya. "Oo, kilala mo siya?" Hindi na nakakibo si Malayah sapagkat si Luna na mismo ang sumagot sa sariling tanong. "Marahil ay nagkita kayo sa Makitan."

Nang makarating sa pampang si Sol ay kaagad siyang tumakbo patungo sa dalawa. "Luna, Malayah! Magkakilala na pala kayo. Sayang naman, ipapakilala ko palang kayo sa isa't-isa eh."

Linibot ni Sol ng tingin ang paligid bago kunot-noong pagmasdan si Malayah. "Bakit ka nga pala narito, Malayah? Sinong kasama mo?"

Hindi na kailangang tumugon ng dalaga sapagkat mula sa kalayuan ay natanaw na nila si Sagani.

"Ah, ang masungit mong ka-ibigan-kaibigan."

Hindi pinansin ni Malayah ang biro ni Sol at pinagmasdan lamang ang paparating. Nakakunot ang noo nito at nakayukom ang mga palad. Nang makalapit ay sinamaan nito ng tingin ang dalaga.

Hindi man lang pinansin ni Sagani ang presensya nina Sol at Luna nang bigla niyang hinigit ang braso ni Malayah.

"Umalis na tayo."

Hinayaan lamang ni Malayah na hitakin siya nito. Nang makasakay sa bangka ay doon lamang siya nagkaroon ng pagkakataong makapagsalita.

"Anong nangyari?" Maski ang dalaga ay nagulat sa sariling kalmadong tono na tila ba nahawa sa pagsasalita ni Lakan.

Muli siyang tiningnan nang masama ni Sagani ngunit kaagad din itong nawala at napaiwas ng tingin. "Hindi na dapat tayo pumunta rito."

Ang papusyaw na langit ay sumasabay sa malungkot na kinang ng mga mata ng binata. Napalunok si Malayah. Hindi niya alam kung ano ang nangyari kay Sagani ngunit pakiramdam niya ay iyon ay kanyang kasalanan.

"Patawad."

Napalingon sa kanya si Sagani dahilan upang mapaiwas siya ng tingin. Kusa na lamang lumabas ang salitang iyon sa kanyang bibig. Ni hindi niya nga alam na kaya niyang sambitin iyon.

Katahimikan. Nanatili iyon hanggang sa makarating silang muli sa Makitan. Mula sa mga kawayang sahig ay nakaupo si Lakan at kaagad na tumayo nang maaninag ang bangkang lulan ang dalawa.

"Saan kayo galing?" Iyon ang bungad niya nang makaakyat sa kawayang isla ang mga kaibigan.

Dire-diretsong naglakad si Sagani palayo dahilan upang maiwan ang dalawa.

"Sa Daluti," tugon ni Malayah.

"Anong ginawa niyo roon?" Kunot-noong tanong ng binata.

Liningon ni Malayah si Lakan at humikab. Tila bigla niyang naramdaman ang pagod mula sa pagtakbo mula sa mga humabol sa kanila kanina.

Napabuntong-hininga ang dalaga at inaninag ang naglalakad palayong si Sagani. "Pinilit ko siyang bisitahin ang mga magulang niya sa kabilang isla." Napailing-iling si Malayah. "Hindi pala dapat ako nangialam."

Natigilan si Lakan at kunot-noong pinagmasdan ang dalaga. "Magulang? Sa Daluti?"

Tumango si Malayah. "Anak siya ng datu ng mga manloloob. At sa tingin ko ay ayaw niya iyon."

Nagsimula nang maglakad pabalik sa kabahayan ng Makitan si Malayah habang si Lakan naman ay nakapako lamang sa kinatatayuan. Wala siyang nagawa kung hindi ang mapabuga na lamang ng hangin.

Si Sagani... Bumalik sa kanyang isipan ang nangyari dalawampu't isang taon na ang nakakaraan. Kung ganoon ay siya ang anak ng mag-asawang nagmamay-ari sa bahay kung saan iniwan ni Apolaki ang sanggol na si Malayah noon. Maski ang pangitaing natunghayaan noon ay ginugulo ngayon ang kanyang alaala. At... siya rin ang tagapagtanggol sa hinaharap na ipinakita sa akin ni Tala.

Noon ay si Aran, sumunod ay si Sol, at ngayon naman ay si Sagani. Napailing-iling si Lakan, tila hindi makapaniwala sa mga nangyayari. Tila ba unti-unti nang nagdidikit-dikit ang mga tadhana ng bawat isa. At alam ni Lakan kung ano ang ibig sabihin nito-malapit nang mangyari ang pangitaing kanyang nakita.

Pumikit siya upang pakalmahin ang sarili bago lumingon sa ngayon ay tuluyan nang lumulubog na araw. Tumingala siya at pinagmasdan ang papakinang na mga bituin.

"Marahil ay tama ka, kapatid. Kahit ang isang katulad ko ay hindi makakayang burahin ang mga tadhanang matagal nang nakasulat."

MalayahWhere stories live. Discover now