32. Ang Pagpula ng Paruparo

16 4 13
                                    

Nais sana ni Malayah na umidlip man lamang bago magsimula ang byahe paalis upang makabawi ng lakas. Ngunit halos isang oras na siyang nakahiga sa kanyang kama ngunit hindi siya dinadalaw ng antok.

Napabuga siya ng hangin at bumangon mula sa pagkakahiga. Binuksan niya ang bintana ng kwarto at sinalubong ang malamig na hangin ng gabi. Pinagmasdan niya sa madilim na paligid ang Makitan. Patay na ang sindi ng mga ilaw at tanging mga poste ng mga sulo lamang ang nagliliwanag sa daanan. Isang buntong hininga ang inilabas ni Malayah.

Bukas ay lilisanin na niya ang Makitan. Ang bayang buong buhay niyang ninais na mabalikan.

Sa ilang araw lamang ay pakiramdam ni Malayah na napakatagal na niyang nanatili rito. At sa sobrang tagal ay mabigat sa loob ang paglisan. Nagkibit-balikat siya sa sarili. Marahil ay dahil sa ilang araw na iyon ay napakarami nang nangyari kung kaya't pakiramdam niya'y napakatagal niya roon.

Maraming natuklasan, maraming naranasan. Ngunit alam ni Malayah na hindi dapat makasagabal ang mga ito sa pangunahin niyang misyon-ang iligtas ang ama.

Napadaing si Malayah nang biglang kumirot ang kanyang pulsu-pulsuhan. Kinapa niya ito mula sa manggas ng kanyang damit-pantulog at bahagyang kumunot ang noo nang makapa ang purselas na paru-paro mula rito.

Dahan-dahang iniangat ni Malayah ang manggas sa kanyang pulso. Natigilan ang dalaga nang makita ito.

"Ngunit magiging pula ang purselas sa oras na lumipad ito palayo. At lilipad lang palayo ang anito sa oras na makaramdam ito ng panganib sa paligid."

Kulay pula na ang paru-paro.

--

"Malayah."

Nanginginig ang mga kamay ngunit hindi pa rin ibinababa ni Malayah ang patalim mula sa pagkakatutok nito kay Lakan. Mababakas mula sa binata ang pagkagulat sa kanyang kinikilos ngunit hindi ito alintana ni Malayah.

"Ibigay mo sa akin ang isa sa mga hiyas."

Hindi kumibong muli si Lakan ngunit humakbang ito palapit na ikinaatras naman ni Malayah. Muli itong humakbang at muli siyang umatras.

Sa pag-atras na iyon ay papalapit ang dalaga kay Sagani at kinuha itong pagkakataon ng mandirigma upang agawin ang kampilan mula rito ngunit kaagad na naramdaman ito ni Malayah dahilan upang makaiwas. Sa huli ay napasandal siya sa pinto habang nakatutok ang kampilan sa tatlong kasama na nasa kanyang harap.

Bakas sa mga mukha nito ang pagkalito at pagkabigla sa biglaang kilos ng dalaga. Mula sa gitna ay bahagyang lumapit si Lakan. "Malayah, ibaba mo ang kampilan."

Ngunit hindi natinag ang dalaga. Mariin pa ring nakatutok ang patalim hawak ng nanginginig niyang kamay. "Huwag kayong lalapit. Ibigay niyo sa akin ang isa sa mga hiyas at magiging maayos ang lahat."

Hindi nakinig dito si Lakan at muling humakbang palapit sa dalaga. Akmang aatras muli si Malayah ngunit ang nakasaradong pinto na ang nasa kanyang likuran. "Humakbang kang muli at masasaktan ka."

Bahagyang nagsalubong ang mga kilay ni Lakan at pinagmasdan ang dalaga. Hindi siya naniniwalang magagawa ni Malayah na idampi kanino man sa kanilang tatlo ang talim ng kampilan. Muling humakbang ang binata at marahang sinubukang kuhanin mula sa dalaga ang patalim.

Hindi inaasahan ni Malayah ang paglapit nito kung kaya't tinabig niya ang kamay nito at dinaplis ang kampilan sa kanang braso ng binata dahilan upang masugatan ito.

Napadaing si Lakan at napahawak sa sugatang braso. Kaagad na lumapit sa kanya si Aran upang ilayo mula sa dalaga. Hindi makapaniwalang tinitigan niya si Malayah.

Tila nabigla rin ang dalaga sa kanyang ginawa at dahil sa saglit na pagkawala ng atensyon ay nahablot ni Sagani ang hawak niyang patalim at sa kanya naman itinutok ito.

MalayahWhere stories live. Discover now