Chapter VI

5.1K 1K 86
                                    

Chapter VI: Foolish

Bakas pa rin ang hindi makapaniwalang ekspresyon sa mukha ni Geyaj habang nakatingin kina Finn at Eon. Nagulat siya, at sa kabilang banda ay naguguluhan kung paanong nangyari ang lahat ng iyon. Hindi niya maunawaan kung paano nagagawa nina Finn ang kompletong ikalawang antas ng kanilang foundation art dahil sa pagkakatanda niya, walang kilalang kahit sinong Heavenly King Rank sa Crimson Lotus Realm ang kayang gumamit ng kompletong bersyon ng ikalawang antas ng kanilang foundation art.

Inalis niya muna ang kanyang atensyon sa dalawa. Mayroon pa siyang laban na kailangang tapusin. Nahihirapan na ang kanyang mga kawal na labanan ang dambuhalang Crystal Eyes Turkey kaya itinuon niya muna ang kanyang atensyon sa pagtapos nito.

Kailangan niya agad na matapos ang halimaw bago pa man matapos sina Finn at Eon sa paglaban sa Imperial Shroomster. Hindi maaaring mawala sa paningin niya sina dalawa dahil mayroon na siyang naiisip na plano. May namuo na siyang balak, at umaasa siyang magtatagumpay siya sa kanyang balak na gawin.

Hinarap niya muli ang Crystal Eyes Turkey. Mas dumami ang nakapalibot na talulot sa kanyang katawan. Matalim niyang tiningnan ang halimaw na pabo at agad niyang inilabas ang kanyang dalawang pamaypay.

Samantala, ang ikalawang antas ng Supreme Tempest Art ay mas mahina ng bahagya sa ikalawang antas ng Water Sage Art kung kabuoang lakas ang pag-uusapan. Naka-sentro ang Supreme Tempest Art sa bilis ng gumagamit nito kaya ang dagdag na kakayahan nito kay Finn ay ang pabilisin pa ang kanyang pagkilos. Mas gumaan ang kanyang katawan, at ganoon din ang kanyang espada. Kahit hindi niya gamitin ang pambihirang skill ng Supreme Tempest Art na “Tempest”, natural na mabilis na siya at kaya niya nang makipagsabayan ng bilis sa mga halimaw o adventurer na mas mataas ang antas kaysa sa kanya.

Habang marami ang nakatingin, ang dalawa ay sumugod patungo sa halimaw. Naunang makalapit si Finn sa kabute, at agad niya itong inatake gamit ang kanyang espada.

Sinubukan siyang hulihin ng halimaw, pero mas mabilis ang kanyang reaksyon kaya madali niya lang na naiwasan ang mga atake nito. Malaya niyang napapatamaan ang halimaw at kahit hindi niya ito mapuruhan, tuloy-tuloy pa rin siya sa pag-atake sa iba't ibang bahagi ng katawan nito.

Tumulong na rin sina Eon, Reden, Ysir at Heren. Pinagtulungan nila ang nagwawalang halimaw na kabute. Sinimulan na nila ang kanilang walang pakundangang pag-atake rito, at habang tumatagal, mas lalong nanggagalaiti sa galit ang halimaw dahil nasasaktan na siya sa sunod-sunod at malalakas na atakeng pinakakawalan nina Eon at Finn.

Malakas siyang halimaw. Isa siyang Heavenly Emperor Rank at malinaw na higit ang kanyang lakas kaysa kina Finn at Eon, ganoon man, dahil sa paggamit ng dalawa ng ikalawang antas ng kanilang foundation art, nagagawa nilang makasabay at makalaban.

Hindi na nakapagtimpi ang Imperial Shroomster dahil sa matindi niyang galit. Mas lalong nagkulay dugo ang kanyang bilugang mga mata, at ilang sandali pa, ang matatalim nitong kuko ay humiwalay sa kanyang kamay.

Lumipad ang mga ito patungo sa lima. Animo'y mga lumilipad na espada ang matatalim na mga kuko at walang tigil itong umatake kina Finn. Hindi pa roon natapos ang pag-atake ng Imperial Shroomster. Umatungal ito ng malakas, at bigla na lamang may tumubong maliliit na kabute sa iba't ibang bahagi ng katawan nito. Humiwalay ang mga kabute sa katawan ng halimaw at bumulusok patungo kina Finn.

Nairita si Eon sa rami ng mga asungot na pumipigil sa kanya upang atakihin ang halimaw. Agad niyang hiniwa ang isang kabute na lumapit sa kanya gamit ang kanyang palakol, pero natigilan siya nang bigla na lamang nagliwanag ang hiniwa niyang kabute at ang kasunod na nangyari ay ang isang malakas na pagsabog.

BANG!!

Na-alerto si Finn sa pangyayaring ito. Hindi siya nag-aalala kay Eon dahil alam niyang kayang tanggapin ni Eon ang ganoong kalakas na atake, pero na-alerto pa rin siya dahil sa oras na lahat ng kabute ay sumabog sa malapit sa kanilang katawan, siguradong mapupuruhan sila, at ang masama pa--mamamatay.

Legend of Divine God [Vol 9: World of Alchemy]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon