Chapter LXXVII

5.4K 1.1K 159
                                    

Chapter LXXVII: Battle of Alchemists (Part 2)

Ang liwanag na nagmumula sa simbolong nakatatak sa balat, baluti at kasuotan ng mga adventurer ay sumakop sa kanilang kabuoan. Naglalabas ng kakaibang kapangyarihan ang liwanag na ito na tila ba hinihigop sila nito patungo sa ibang dimensyon. Hindi nila sinubukang labanan ang kapangyarihan na iyon dahil alam nilang wala rin silang magagawa dahil naramdaman nila na ang kanilang mga enerhiya ay hindi nila magamit. Sumunod na lang sila sa daloy ng mga pangyayari, at nang mawala ang liwanag na bumabalot sa kanilang kabuoan, napagtanto ng bawat isa sa labing isang puwersa na kalahok sa ikalawang bahagi ng pagtatasa na nasa magkakaiba silang isla.

Mayroong kabuoang labing isang isla sa paligid ng isang napakalawak na entablado. Malayo ang entablado sa bawat isla, at sa kasalukuyan, nagkalat doon ang mga alchemist at mayroong animo'y malaking bula na nakapalibot sa kanila.

Samantala, sa bawat isla matatagpuan ang bawat grupo. Mayroon ding parisukat na imahe ang mapapansing lumulutang, at sa bawat imahe na ito makikita ang bawat alchemist na kalahok sa ikalawang bahagi ng pagtatasa. Sa pamamagitan nito, kahit na hindi kita mula sa bawat isla ang nangyayari sa entablado, napapanood pa rin ng mga adventurer ang mga alchemist na nagtatanghal at bumubuo ng pill.

Marami ang namangha sa kapangyarihan at mga kayamanang tinataglay ng may-ari ng mundo na kanilang kinaroroonan. Mahiwaga't mga kahanga-hanga ang kanilang natutuklasan habang tumatagal kaya hindi nila mapigilan na manabik sa oras na ipalit na nila ang kanilang mga nakolektang puntos sa oras na matapos na ang kabuoan ng pagtatasa.

Sa kabilang banda, kasalukuyang nakatuon ang atensyon ni Finn sa imahe na nagpapakita kay Poll. Nakita niyang kalmado ang kanyang estudyante habang naghihintay sa susunod na mangyayari. Dahil sa pagiging mahinahon ni Poll, at dahil pansin niyang nasa kondisyon ang binatilyo, napatango siya.

“Ipakita mo sa lahat ang kaya mong gawin, Poll. Ipasaksi mo sa kanila ang totoong alchemist at kung ano ang totoong kahulugan ng alchemy,” sambit ni Finn habang nakatingala at nakatitig sa imahe ni Poll.

Ang bawat miyembro ng iba't ibang grupo ay nakatingin din sa kanilang mga pambato. Marami ang nananabik sa mangyayaring tunggalian habang marami rin ang kinakabahan at nananalangin na manalo ang kanilang mga pambato para makakuha ang kanilang grupo ng puntos.

Nakasalalay sa kanilang mga pambato ang makukuha nilang puntos kaya todo ang suporta ng mga miyembro ng bawat grupo sa kani-kanilang alchemist na makikipagtunggali sa ikalawang bahagi ng pagtatasa.

Samantala, sa napakalawak na entablado, inilibot ni Poll ang kanyang paningin sa ibang alchemist na ilang metro ang layo sa kanya. Pinag-aralan niya rin ang animo'y bulang nakapalibot sa kanya at nang mahawakan niya ito, napagtanto niya agad kung para saan ito at kung ano ito.

“Isang uri ng harang na sumasangga sa tunog at iba pang uri ng makaaabala. Ito ang bagay na kailangan namin para magawa namin ang pagtatasa ng walang inaalalang kahit ano,” sambit ni Poll habang nakadampi ang kanyang palad sa harang.

Pagkatapos suriin ang harang, ibinaling muli ni Poll ang kanyang atensyon sa iba pang alchemist na nasa entablado. Bumibilang silang lahat ng mahigit isang daan, at hindi naging problema ang espasyo sa kanila dahil sobrang lawak ng entablado na kanilang kinaroroonan.

Habang pinagmamasdan ni Poll ang iba pang kalahok kagaya niya, lumitaw muli sa himpapawid ang pigura na nakasuot ng asul na berdeng balabal. Lumitaw rin sa mga imahe ang pigura nito kaya lahat ng atensyon ay naririto.

“Pitong araw na ang nakararaan, ipinaliwanag ko na sa inyo na ang ikalawang bahagi ng pagtatasa ay tunggalian sa pagitan ninyong mga alchemist. Ako ang magpapahiram sa inyo pansamantala ng mga kagamitan, at ako ang magbibigay sa inyo ng mga kayamanang inyong gagamitin upang maging patas ang tunggalian.” Umalingawngaw ang boses niya hindi lamang sa entablado, kung hindi maging sa labing isang lumulutang na isla na kinaroroonan ng iba't ibang grupo.

Legend of Divine God [Vol 9: World of Alchemy]Where stories live. Discover now