Chapter XV

5.3K 1K 60
                                    

Chapter XV: Traders in the City

“Itong mapang ito ang magiging kapalit ng formula ng Multi-colored Explosive Pill..?” Mahinang tanong ni Finn habang nakatingin ng direkta sa mga mata ni Gaestus. Naghihinala pa rin siya sa matanda. Hindi siya kumbinsido at naniniwalang ipapalit ng matanda ang mapang ito para sa kanyang formula. Sa palitang ito, ang dehado ay si Gaestus. Napakalaking tulong ng mapa at ng mga impormasyon na naririto kay Finn o sa kahit na sinong adventurer na magmamay-ari rito. Hindi na nila kailangang mangapa. Hindi na rin sila maliligaw dahil mayroon na silang gabay.

At higit pa roon, sa tulong ng mapang ito, mas mapapadali para kina Finn ang lumakas.

Hindi patas ang palitan, kaya nakararamdam pa rin siya ng pag-aalinlangan kay Gaestus.

Napahawak si Gaestus sa kanyang balbas. Napatingin din siya sa itaas at tila ha nag-iisip.

“Bukod sa kayamanang makapagpapaangat sa aking ranggo, ang Multi-colored Explosive Pill na lang ang naiisip ko pang makapagpapalakas sa akin. Wala na akong kailangan pang ibang kayamanan... at bilang alchemist, isang malaking tagumpay kung mapapasakamay ko ang isang pambihirang uri ng pill,” pabulong na sambit niya. Huminto na siya sa malalim na pag-iisip. Tumingin siya kina Poll, Eon at Paul at malapad na ngumiti. Naglabas pa siya ng tatlo pang tela at nagpatuloy, “Isa pa, hindi lang naman isang mapa ang mayroon ako. Marami ako niyan dahil pagkapasok ko sa lagusan ay napadpad ako sa lugar kung saan maraming labi ng adventurer. Bawat isa sa kanila ay wala ng mga kayamanan o death energy, gayon man, lahat sila ay may mapang ganito.”

Inihagis niya sa tatlo ang tatlong mapa. Bahagya siyang tumango at nagpatuloy sa pagsasalita, “Wala akong paggagamitan niyan kaya bibigyan ko na rin ang bawat isa sa inyo. Ngayon, ibigay mo na sa akin ang formula na gusto kong makuha, at pagkatapos noon, hindi ko na kayo guguluhin at maglalakbay na lang ako mag-isa.”

Nabigla sina Eon sa biglang paghagis ni Gaestus da kanila ng tela. Agad na nakabawi si Poll at binuksan niya ang tela. Doon niya nakitang kapareho ito ng hawak ng kanyang guro kaya napatingin siya kay Gaestus.

Ang isang mapa ay malaki na ang tulong sa kanilang grupo, pero ang karagdagang tatlo o ang pagkakaroon ng mapa ng bawat isa sa kanila ay ibang usapan na.

Kahit na magkahiwa-hiwalay sila ng landas, hangga't nasa kanila ang mapa, magkikita-kita pa rin sila. Hindi sila maliligaw, at basta nagkasundo sila na magkita-kita sa isang lugar, mabubuo muli ang kanilang grupo nang walang kahirap-hirap.

Napatitig muli si Finn kay Gaestus, at makalipas ang ilang sandali, itinago niya na ang mapa sa kanyang interspatial ring. Hindi ito ang tamang oras o lugar para pag-aralan niya mga impormasyong naka-tala sa mapa. Kailangan muna nilang humanap ng ligtas at pribadong lugar para masinsinan niyang masuri ang mga kailangan nilang malaman upang mas mapadali at mapabilis ang kanilang paglalakbay.

“Ibibigay ko ang gusto mo. Bigyan mo lang ako ng ilang minuto,” hayag niya.

Naglabas siya ng piraso ng papel at panulat. Lumutang ang papel at panulat sa kanyang harapan. Kinontrol niya ito, at kusang nagsulat ang panulat sa papel. Isinulat ni Finn ang mga sangkap at proseso sa paggawa ng Multi-colored Explosive Pill. Nagsama rin siya ng payo upang mas mapadali ang paggawa ng pill na ito. Hindi niya na naman kailangan itong gawin, pero dahil malaki ang tulong na ibinigay sa kanila ni Gaestus, siyempre ay ibabalik niya ang tulong na iyon sa ibang paraan.

Natapos ang pagsusulat ni Finn ng formula ng Multi-colored Explosive Pill. Itinago niya na ang panulat habang kinuha niya ang piraso ng papel at binasa ang mga nakasulat dito. Sinuri niya muna itong mabuti bago tuluyang i-abot kay Gaestus.

Kinuha ng matanda ang papel na may ngiti sa kanyang labi. Nakatingin siya sa mga mata ni Finn, at noong mailapit niya na sa kanya ang piraso ng papel, tahimik niya itong binasa gamit ang kanyang isip. Nakangiti siya habang ito ay binabasa, pero bumakas ang pagkabigla sa kanyang mukha nang mabasa niya ang huling bahagi ng formula.

Legend of Divine God [Vol 9: World of Alchemy]Hikayelerin yaşadığı yer. Şimdi keşfedin