Chapter LXXXIII

5.8K 1.1K 142
                                    

Chapter LXXXIII: Planning Something

Walang tigil ang paglapit ng mga miyembro ng New Order kay Poll upang batiin at purihin ito sa ginawa nitong kamangha-manghang pill para maipanalo ang kanilang grupo sa ikalawang bahagi ng pagtatasa. Tanging ang magkakapatid na demonyo lang ang hindi lumapit sa kanya upang magpasalamat, pero maya't maya nilang sinusulyapan ang binatilyo mula sa malayo. Halatang nais nilang lumapit pero dahil sa kanilang mapagmalaking kaugalian, at dahil na rin hindi pa sila tuluyang nakakabawi mula sa nangyari sa unang bahagi ng pagtatasa, nanatili na lamang sila sa isang tabi at doon nagmamasid sa mga nangyayari.

Tungkol kay Faktan, nilapitan niya rin si Poll upang purihin at pasalamatan. Nananatili pa ring kakila-kilabot ang makahulugan niyang ngiti ngunit hindi natatakot sa kanya ang binatilyo. Tinanggap niya na lang ang pasasalamat at pagpuri nito sa kanya kagaya ng pagpuri sa kanya ng iba pang miyembro ng New Order gaya ng grupo ni Roger, ng magkatuwang na Hara at Rako, ni Klaws at ng mga miyembro ng Bloody Puppeteers.

Wala ngayon si Finn sa bahagi ng isla na kanilang kinaroroonan. Nagpaalam itong may gagawin, at isinama niya ang tatlo niyang manika palayo sa ibang miyembro ng New Order. Gusto sanang sumama ni Eon sa kanya subalit hindi siya hinayaan ng binata kaya walang nagawa si Eon kung hindi ang manatili sa lugar na kinaroroonan ng lahat ng miyembro ng New Order.

Sa kasalukuyan, kakuwentuhan ni Poll si Norton, at kapansin-pansin ang matamis na ngiti sa labi ng binatilyo habang kausap niya ang kanyang katuwang na Guardian Spirit.

“Noong una ay nag-aalinlangan akong samahan ka dahil sa iyong propesyon bilang alchemist. Akala ko ay makasasagabal iyon sa iyong paglalakbay at pagsasanay bilang adventurer ngunit nagkamali ako. Mabuti na lang talaga at pinili kong sumama at makipagkontrata sa iyo. Kahanga-hanga ang iyong pinakita, Poll,” ani Norton habang nakangiti. “Isa ka nang ganap na Chaos Rank ngayon. Mas lumakas na rin ako dahil sa iyo kaya mas makatutulong na ako sa inyong grupo sa pakikipaglaban.”

“Sinuwerte lang ako,” tugon ni Poll. Naging seryoso ang kanyang ekspresyon at nagwika, “Nakapanghihinayang dahil hindi sinubukan ni Guro na lumahok. Kung lumahok siya, siguradong siya ang magwawagi at makakakuha ng paghanga ng lahat. Sigurado ring higit na mas malaking puntos ang makukuha niya.”

Hindi kumontra si Norton sa sinabi ni Poll. Bahagya lang siyang tumango at malumanay na nagkomento, “Maaari ang iyong sinasabi. Maaaring makakuha siya ng mas malaking puntos kaysa sa iyo, pero nagpamalas ka pa rin ng kahanga-hangang kakayahan. Isa pa, sa nakikita ko, wala sa karakter ng iyong guro ang magpasikat ng sobra. Siya ang utak ng grupong ito, at kung wala ang kanyang magagandang plano, marahil hindi tayo aabot sa puntong ito.”

Agad na sumang-ayon si Poll sa sinabi ni Norton. Tumango-tango siya at tumugon, “Tama ka. Si Guro ang dahilan kung bakit tayo nakarating sa puntong ito--kung bakit tayo patuloy na nangunguna. Malaking pasasalamat din sa kanya dahil nakagawa ako ng isang Body and Soul Pill nang libre.”

Bumakas muli ang masayang ngiti sa mukha ni Poll habang inaalala na nagkaroon siya ng isang Body and Soul Pill dahil sa mga bigay na kayamanan ng may-ari ng mundo na kanilang kinaroroonan. Nagkaroon din siya ng karanasan, at sa mga susunod niyang gagawin, siguradong hindi na siya gaanong mahihirapan at hindi na malalagay sa panganib ang kanyang buhay.

“Tama, naisip ko lang,” muling basag ni Norton sa katahimikan. Bumaling siya sa ibang direksyon at nagpatuloy sa pagsasalita, “Ano sa tingin mo ang mahalagang gagawin ng iyong guro, at bakit ang mga manika niya lang ang kanyang isinama?”

Napaisip si Poll sa tanong ni Norton. Bahagya siyang umiling hindi kalaunan at nagwika, “Hindi ko rin alam. Marahil gusto niya lang mapag-isa upang mag-isip ng plano para sa susunod na bahagi ng pagtatasa. Malalaman din natin, sigurado naman akong may dahilan si Guro kung bakit siya lumayo.”

Legend of Divine God [Vol 9: World of Alchemy]Where stories live. Discover now